Skinpress Rss

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 6)


Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5

VI. Feelings and Confusion

Nabulabog ang tubig sa pampang ng ilog tila dumadamay sa kalungkutan ni Jo-Anne.
Bumagsak ang mga dahon, tinangay ng agos.
Umihip ang malamig na hangin, humampas sa dalawang taong natatakpan ng higanteng bato.

Tulayang kumawala sa maitim na ulap ang buwan dahilan upang may kakaibang kuryente ang dumaloy sa katawan ng dalawang taong magkaniig ang mga labi. Nagpaalipin ang labi ni Jo-Anne kay Luis. Marahan ngunit mapusok ang bawat halik. May diin at may pagbawi. Tila mga uhaw na halaman na nagnanais madiligan ang kanilang mga labi. Unti-unti, nawala ang luha sa mata, gusto niyang kumawala sa halik subalit kanyang labi ay nagkukusa at nagawang igapos si Luis gamit ang kayang bisig.

Animo'y isang porselanang babasagin, maingat na isinadal ni Luis si Jo-Anne sa malaking bato. Siniil ng halik. Walang pagtutol bagkus ay mapanukso ang bawat ganti ng dalaga. Saksi ang buwan sa bawat sandali. Gumawa ng repleksyon sa tubig ang anyo ng dalawa, kakaibang anggulo, kung ipipinta ay mapapabilang sa pinakamalikhaing obra.

'Cielo-' sa isip ni Luis. Natauhan siya. Huminto. Walang imik.

Kumawala sa pagkakayakap si Jo-Anne. Naiinis, nalilito, hindi niya alam.

'Hoo!!' Sigaw ni Luis sa sensayong naramdaman matapos humugot ng hininga. 'Next time huwag ka na ulit iiyak sa harap ko.'

'S-sorry, nagtake advantage yata ako...' namumula pang biro ni Jo-Anne.

Ngumiti ng bahagya si Luis. Halatang natatawa bagamat may pagkagulat sa nangyari. Yumuko saka nagsalita. 'Hindi ko sinadya--'

'Ako ang may kasalanan Luis...'

'Kakaiba ka pala malungkot. Halika balik na tayo.' Sumunod lang si Jo-Anne hindi nila napapansin na magkahawak ang kanilang kamay, bagay na ginawa nila sa unang pagkakataon.



'Ituring mo na ito ang pinakamasayang araw mo Luis. Hindi sa lahat ng panahon ikaw ang nasa taas,'
anas ng lalaking nakamasid kanina kina Luis. Nakakuyom ang kanyang palad, halatang may kinikimkim na galit. Sakay ng kotse, humarurot siya papaalis sa kabilang direksyon ng kinaroroonan nina Luis.



Nakangiti si Jo-Anne habang nakaharap sa salamin. Idinikit ang hintuturo sa labi, labi na matagal ng hindi nadapuan ng halik. Tila tigang na lupang muling nadiligan ng malakas na ulan. May kung anong mahika ang bumalot sa kanyang katauhan sa tuwing magbabalik sa kanyang alaala ang samyo ng katawan ni Luis, higit ay ang nakakabaliw nitong mga halik. Maraming tanong sa kanyang isipan pero mas nasasabik siyang makita si Luis. Gusto niyang malalaman kung para saan ang halik o bahagi lamang na kapusukan ng bawat lalaki.


NABAHAG ang buntot ng aso matapos batuhin ni Luis. Napagbalingan niya ng kanyang pagkaasar ang abang hayop. May kalituhan ang kanyang isip. Alam na alam niya sa kanyang sarili na lahat ng ayaw niya sa babae ay na kay Jo-Anne.

'Si Jo-Anne?! Malabo. Lahat na ng ugali na ayaw ko sa babae nasa kanya na. Maingay, matanong, mahilig makialam at higit sa lahat abusado. Kailaman ay hindi ko magugustuhan ang ganung babae!'
Natatandaan niya ang mga salitang binitawan niya kay Arden. Pero bakit nagawa niyang halikan ang babaeng pinakaayaw niya at muntik pa niyang mabanggit ang pangalan ni Cielo dahil sa mga halik ni Jo-Anne. Sakay ng kanyang tricycle, nagpaikot-ikot siya sa plaza, sa ganoong paraan malilimutan niya ang nangyari. Matakasan ang damdaming unti-unting nabubuo. Subalit ang hindi niya matatakasan ay ang malaki niyang pagbabago mula ng dumating si Jo-Anne.


Dapit-hapon, bumalik si Luis ng bahay. Kinuha ang replika ng itim na Santo Niño, sinimulang pag-aralan ang imahe. Walang kakaiba bukod sa kalumaan nito. Walang palatandaan na pwedeng magturo sa kinaroroonan ng totoong black child. Pinihit niya ang ulo at braso sa pag-aakalang may butas na pwedeng sisidlan ng mapa. Nabigo siya.

Kinuha niya ang folder ng researched material, sa pagbabakasakaling may makukuha siyang idea. Masyadong matalinhaga ang mga salita at nakatuon sa black child ang research hindi sa replika.

Binuksan niya ang bintana. Minasdan ang kalangitan, ang unti-unting paglubog ng araw. Bumalik sa kanyang alaala ang Ilijan. Minsan din siyang nabighani sa maganda sikat ng araw sa lugar. Katulad ni Roysus, namangha siya sa pambirang tanawin sa tuwing tatama ang sinag ng araw sa mga bato. Napabuntong hininga siya. Maya-maya may kung anong bagay ang tumama sa bintana. Hinanap niya ng posibleng pinagmulan. Sa ibaba, nakita niya ang mapang-asar na tawa ni Jo-Anne.

'Hoy, ang emo mo naman!' sigaw ni Jo-Anne.

'May balak ka bang basagin ang bintana? Dapat nilakihan mo.' sarkastikong tugon ni Luis.

'Hindi ka ba pupunta sa ilog?'

'Ayoko! baka manakawan na naman ako ng halik.'

'Kapal mo naman. Baba ka naman dito. Naiinip ako e.'

'Saglit lang, kukuha lang ako ng beer.'

Isinara ni Luis ang bintana. Aksidenteng tumama ang huling liwanag ng araw sa salamin, na siya namang tumatama sa replika. Hindi makapaniwala si Luis sa nasaksihan Muli niyang binuksan ang bintana at saka muling isinara ulit. Napangiti siya. Hindi siya makapaniwala na mareresolba agad ang misteryo ng replika.

'Anong utak ang meron ka Roysus!' Napasigaw si Luis. Nagawa pa niyang tapikin ng malakas ang lamesang kamagong na pinagpapatungan ng replika. Nag-uumapaw ang paghanga niya sa banyaga. Ginamit ni Roysus ang parehong prinsipyo ng pagtama ng araw sa mga bato sa Ilijan kung saan itinago ang replika. Sa nilikhang liwanag ng araw at pagtamana nito sa salamin ay namasdan ni Luis ang isang mapang nakaukit sa katawan ng imahe. Ang mapa na magtuturo sa eksaktong lokasyon ng black child. Hinalikan niya ang imahe bago itago at buong kasiyahan kumuha ng beer bago lumabas ng bahay. Walang sisidlan ang pwedeng mag-okopa ng kanyang kasiyahan, dinaig pa ang batang nakabuo ng jigsaw puzzle.

'Lady Armela, wala pong masyadong naging pagkilos ang bearer bukod sa madalas niyang paglabas kasama ang isang babae.'

'Nagiging kamapante si Luis. Hindi siya nababahala sa pagkilos ng ng ibang grupo.'

'Marahil alam na po niya kung nasaan ang black child kaya hindi siya kumikilos.'

'Maging alerto kayo. Magpakalat kayo ng espiya kung kinakailangan. Bantayan ang kilos ni Arden,' utos ni Lady Armela.

itutuloy....


------

may formspring na ako. pwede kayong magtanong ng kahit ano (ask anything nga e). nasa upper right corner yung box.