Maikli lang 'to. Naubusan na kasi ako ng time mag-isip. Nirequest 'to ni Shinryuurey17 kanina kaya pinilit kong tapusin bago matapos ang taon. Happy New Year all!!!
***
Nakangiti ako habang winiwithdraw ang huling pera sa atm. Inilagay ko ang aking wallet sa unahang bulsa. Mahirap na ang madukutan.
Pambihirang kompanya, kulang na lang maglumuhod ang mga empleyado bago ibigay ang kabuan ng bonus. Buti na lang 'di inabot ng Enero.
Apat na libo. Sapat na para mabili ang naipangako kong laruan sa aking anak, bestida kay misis at 12 bilog na prutas para naman maging swerte sa sunod na taon.
Ginabi na pala ako. Mahaba din ang ginugol kong oras bago nakawithdraw. Buti na lang 'di naubusan ng pondo, bagay na madalas mangyari tuwing may ganitong okasyon.
Bukas ko na lang ibibili ng laruan at damit ang aking mag-ina. Isasama ko na lang sila para makapili naman ng gusto nila. Sisimba muna kami para magpasalamat sa matatapos na taon. Prutas na lang muna ang bibilhin ko, sa isip ko.
'Magkano po lahat?' tanong ko sa tindera na may nakapatong pang malaking torotot sa ulo.
'Dos bente-' tipid na sagot niya. Nairita siguro sa tagal ng pagpili ko ng magandang pakwan.
'Two hundred na lang.' tawad ko sa ale. Wala siyang naging tugon. Gamit ang kaliwang kamay kinuha ang iniaabot kong dalawang daan. Tanda ng pagsang-ayon.
Umiwas ako sa madaming tao para umabot sa huling byahe pauwi. Kalunos-lunos ang itsura ng mga katutubong natutulog sa kalye. Palilipasan na lang nila ang taon bilang ordinaryong araw. Hindi ko nga alam kung aware sila na patapos na ang taon, ilang oras mula ngayon.
Isang matanda ang pumukaw ng aking atensyon. Mula sa mga katutubo, nalipat sa kanya ang aking awa. Pilit niyang itinataas sa kanyang kariton ang mabibigat na balde. May oras pa naman ako. Tutulungan ko muna siya tutal tatlong balde lang naman.
'Lo, tulungan ko na po kayo,' alok ko.
Bigla kong naramdaman ang pagtama ng isang matulis na bagay sa aking tagiliran. Naramdaman ko ang mainit na likidong dumadaloy sa aking katawan. Pinilit kong pinigilan ang pagbukal ng dugo. Dalawang saksak pa ang aking natanggap. Hinagilap ko sa aking memorya ang pamilyar na mukha ng matanda. Siya ang lalaki kasunod ko kanina sa pila -- sa may atm. Kinuha niya ang aking wallet saka tuluyang lumayo.
Nanlamig ang aking katawan. Namamanhid. Nabitawan ko ang hawak kong plastik na puno ng prutas. Pinilit kong lumakad. Humingi ng tulong. Nagbabakasaling may magising na katutubo. Walang dumating na tulong.
Sumandal ako sa poste para mapanatili ang balanse. Umikot ang paligid. Nakakabingi ang katahimikan. Lumalabo ang aking paningin tila gustong pumikit ng aking mata. Parang dinalaw ako ng antok. Ramdam ko ang hirap sa paghinga tila may malaking bagay na bumara.
Pinilit kong idilat ang aking mata, habulin ang bawat hininga. Tuluyan akong napaupo. Hindi na kaya ng aking katawan. Nasipa ko pa ang plastik ng prutas. At kasabay ng paghinto sa paggulong ng 12 dalawang bilog na prutas ay aking huling taon.