Skinpress Rss

The Death of Mr. President (3)


chapter 1
chapter 2
BREAKING NEWS!!!

Presidente: NAPATAY!!
Malacanang Pinasabog!!!
President shot dead in Tagaytay!!!
Pagsabog yumanig sa palasyo!!! Presidente dedo: Terorista o Pulitika?
President Suarez, Assassinated in Tagaytay!!!

Naunang pumasok ng coffee shop si Paolo pero sinigurado niyang kasunod niya si Mrs. Suarez. Natatawa siya. Sasamantalahin niya ang pagkakataon tutal ordinaryong tao na lang ngayon ang kasama. Hindi na siya ang asawa ng presidente.

'Miss Janice?,' binasa ni Paolo ang pangalan ng attending crew sa coffee shop . 'Dalawang mocha frap, isang tall at isang short. Kasama ko na lang ang magbabayad.' Itinuro ni Paolo si Mrs. Suarez na kapapasok pa lamang ng coffee shop.

'G-good evening Ma'am,' nauutal na bati ng crew. Halos hindi siya makapaniwala na kaharap niya ang dating First Lady.

'Good evening.' Iniabot niya ang pera sa crew saka tumungo sa napiling pwesto ni Paolo, sa may sulok pero tanaw pa din ang lahat ng dumadaan sa harap ng Funeral Chapel.

'Maupo ka Madam.' si Paolo.

'Paano ka nakalabas, Llanes?' usisa ng ginang.

'Naparito ako para magtanong. Hindi para sumagot sa tanong.'

'Antipatiko.' Tumayo ang ginang, kinuha ang cellphone sa mamahaling bag, hinayaan lang siya ni Paolo. 'Answer me. Please answer!' garalgal na tinig ni Mrs. Suarez.

'Hindi siya sasagot.' Ipinakita ni Paolo ang hawak na cellphone. Pakindat-kindat ang ilaw nito at nakarehistro ang pangalang Criselda sa screen, ang first name ni Mrs. Suarez.

'Nasaaan siya? Walanghiya ka talaga!' Maluha-luha na ang ginang.

'Buhay siya huwag kang mag-alala. Sabi ko naman sa'yo na kahina-hinala ang kilos niya kanina. Akala ko masamang loob. Natanggal man ako sa serbisyo, hindi ko nakalilimutan na sumumpa ako na ipagtanggol ang kapakanan ang bawat tao.'

'Hindi siya masamang tao!' halos maiyak na sa pag-aalala ang tinig ng kaharap ni Paolo.

'Sagutin mo lang ang tanong ko at ituturo ko kung nasaan siya. Isa pa, makakatulong ito sa ikalulutas ng kaso ng asawa mo. Pangalawa, kung wala kang kinalaman o siya sa kaso, wala kang dapat ikatakot.'

'Sige, sasagot ako sa mga itatanong mo. Bilang isang dating sundalo maging lalaki ka, papalayain mo siya pagkatapos nito.'

'Masususunod.' Napangiti siya. Humigop ng kape saka muling nagsalita. 'Bakit hindi ka kasama ng pangulo sa Tagaytay?'

'Nag-away kami ng gabing iyon kaya bigla siyang umalis.' maikling sagot nito.

'Hindi mo siya pinigilan umalis?'

'Hindi. Binubog niya ako kaya hindi agad ako nakakilos.'

'Matagal na bang may lamat ang relasyon ninyo?'

'Noong naging AFP chief siya. Madalas na kaming magtalo dahil ayaw ko siyang maging tuta ng tiwaling gobyerno. Pero mataas ang ambisyon niya kaya hindi ko siya napigilan. Simula noon madalas na kaming mag-away.' Iniabot ni Paolo ang tissue nang mapansing lumuluha ang babae. Lumabot ang kanyang puso at nakisimpatya sa nararamdaman ng kausap.

'Si Steve ang naging takbuhan mo?'

'Tama. Simula noong bumalik siya ng Pilipinas naging madalas ang pagkikita namin. Naikwento ko ang mga nangyari at di naglaon ay muli kaming nagkagaanan ng loob.'

'Posibleng bang si Steve ang pumatay sa pangulo para magsama na kayo?'

'Imposible!' mabilis na sagot ni Mrs. Suarez.

'Bakit?'

'Noong gabing umalis ang asawa ko, pinuntahan ko siya para wakasan ang relasyon namin kasi ayaw ko siyang mapahamak. '

'Sa pagkakaintindi ko, nabuking kayo. Tama ba?'

'Oo. Kaya sinaktan ako ng asawa ko.'

Nagpatuloy ang mga tanong ni Paolo. Sa kwento ni Mrs. Suarez, walang nakaaalam kung saan pupunta ang presidente noong gabing nangyari ang krimen kaya imposibleng mapagplanuhan agad ang pagpatay. Matapos ang usapan, nagtungo siya sa likod ng kanyang kotse. Binuksan ang trunk at iniluwa si Steve Ceneres na nakatali ang kamay at paa at nakabusal ang bibig.

'Laya ka na loverboy.' Inalis ni Paolo ang pagkakatali sa lalaking nasa edad na hindi aabot sa sesenta. Napayakap ang lalaki kay Mrs. Suarez matapos pakawalan.

Naisipan ni Paolo na dumaan sa mga dating kasamahan sa serbisyo para alamin na din ang kalagayan ng mga ito matapos matiwalag sa pagiging Marine. Bumili na din siya ng beer , matagal-tagal na din kasing hindi nasayaran ng alkohol ang kanyang lalamunan.

'Bok! Kailan ka pa nakalabas?!' si Arlan.

'Kanina lang. Kinailangan ni Scooby ang serbisyo ko.'

'Si Perez? Nilapitan ka?'

'Nagulat nga din ako.' Ikinuwento ni Paolo ang dahilan ng kanyang paglabas at ang kasong hinahawakan niya.

'Daig mo pa ang galing ibang bansa ah. May kotse na at amoy mayaman ang suot mo.'

'Minsan lang 'to kaya hinuthutan ko na si General.'

'Anong balak mo sa pera kung sakaling masolve mo ang kaso?'

'Tutulungan ko ang mga kasama natin. Malamang mahirap pa sila sa daga ngayon.' Napangiti si Arlan sa sa plano ni Paolo.

'May lead ka na ba?'

'Wala pa nga e. Sa palagay mo may kinalaman kaya dito ang kasamahan natin?'

'Imposible bok! Alam mo naman na kumilos tayo ng sama-sama tsaka hindi tayo terorista para mandamay ng inosente.'

'Sabagay. Tagay muna bok!.' Habang nag-iinuman ay nailahad ni Paolo kay Arlan ang nakaraan uusapan nito sa dating Unang Ginang. Nagpalitan sila ng mga opinyon kung maaring may inutusan si Steve para patayin ang presidente pero kung iisipin napakababaw na dahilan ang pakikiapid para pasabugin pa ang Malacañang.

'Sa tingin mo Paolo, ano bang anggulo ang pwedeng iugnay sa pagkamatay ng presidente at ang pagpapasabok sa Malacañang?' tanong ni Arlan.

'Kanina ko lang naisip pero posible. Sa palagay mo bakit gabi ang pagpapasabog?
' pagbibigay ideya ni Paolo sa kasama.

Binuksan ni Arlan ang isa pang beer. Isinalin sa pitsel saka sumagot sa tanong ng kainuman. 'Para madaling kumilos siguro? Wala masyadong makakakita kung magtatanim ng bomba.'

'Tama. Naisip ko, sa opisina ng pangulo itinanim ang bomba para lumikha ng gulo. Siyempre kapag may sumabog, automatic magigising ang pangulo at lalabas siya ng kwarto. Sa pagkakataong lumabas ang presidente, babarilin na siya.

'Ah kumbaga, ginawang bitag ang pagpapasabog sa opisina.'
pagkumpirma ni Arlan.

'Oo ganoon nga.'
sang-ayon ni Paolo. 'Alas diyes ang na-set na oras sa bomba para saktong konti na lang talaga ang tao. Sa di inaasahang pagkakataon, nag-away ang presidente at asawa n'ya. Umalis ang presidente ng Malacañang ng taliwas sa planadong kaya napurnada ang plano niya. '

'Saglit! So, ang ibig mong palabasin ay may malapit sa presidente ang kriminal? Kasi noong pumalpak ang plano ay nakasunod agad siya sa Tagaytay.'

Naging positibo ang kanilang usapan. Kahit marami na silang naiinom na alak ay aktibo pa din ang kanilang mga utak.

'Tama. Isipin mo kabisado niya ang pasikut-sikot sa resthouse. Nakapwesto agad siya sa third floor at alam niya na lalabas ang pangulo noong may tumawag sa kanya.'

'Pero Paolo, nakalimutan mo yata na pinasabog din ang 3rd floor. Maaring nasa 2nd floor lang ang gunman o kaya ay nasa itaas ng puno. Habang ang lahat ay nagkakagulo sa paghahanap sa presidente ay pasekreto niyang inihagis o inilagay ang baril sa 3rd floor.'

'May punto ka. Kaya bukas ang target ko ay imbesitigahan ang lahat ng nasa crime scene.'
Naging seryoso ang mukha ni Paolo.

Kinabukasan, ipinatawag agad siya ni General para tanungin ang status ng kanyang imbestigasyon.

'Balita sa lakad mo Llanes?' bungad ni General sa kapapasok pa lamang na si Paolo.

'May lead na ako pero aalamin ko pa kung valid. Pupunta ako sa Tagaytay General.'

'Good. Narating sa akin ang eskandalong ginawa mo sa burol ng presidente.'

'Wala akong ginawang masama. Nasa kulungan pa lang ako, alam ko na kung sino ang dapat kong puntahan at hindi ako nabigo. At isa pa, nakatulong sa kaso ang ginawa kong eskandalo.'

'Maging maingat ka siguro. Nabastusan daw sa iyo ang mga tao.'

'Hayaan mo sila. Maari ko bang makita ang baril na ginamit sa pagpatay sa presidente?' pag-iiba ni Paolo sa usapan.

'This way.' Sinamahan ni General si Paolo sa pinagtataguan ng mga ebidensiya.

'Ganda naman ng baril na 'to.' Pinunasan ni Paolo ang bahagyang nasunog na baril. 'Sana ganito ang iniissue sa mga sundalo. Hindi iyong nakakatetano.'

'Llanes! Alam mo ba ang ginagawa mo?!' Huwag mong punasan yan!' tumaas ang boses ng heneral.

'Easy.. Baka mahighblood ka.'

'Ebidensya yan Llanes, hindi dapat nililinis.'

'General?'

'Bakit?'

'Nasaan ka noong naganap ang pagpapasabog sa Malacañang?'


itututuloy.....