Skinpress Rss

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 8)




Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7

VIII. Game Plan


Bagamat balisa sa biglaang pagkikita nila ni Lady Armela, buo pa din ang loob ni Luis na ituloy ang misyon. Lalo siyang naging interesado sa Black Child at sa mga taong nagbabalak mapasakamay ito. Handa na siyang banggain ang sinumang hahadlang sa kilos niya.

Kinahapunan, binalikan ni Luis ang imahe sa may mesa at hinintay ang takip silim. Siniyasat niya ang paligid kung may nagmamasid sa kanyang ginagawa bago tuluyang nagpatuloy. Bahagyang binuksan ang bintana tulad sa anggulo nito noong nakaraang araw at inayos ang puwesto ng katawan ng Santo Niño.

Lumiwanag ang anyo ni Luis. Napalitan ng saya ang kaninang balisang kalagayan. Unti-unti, kuminang ang katawan ng imahe dahil sa repleksyon ng liwanag ng araw. Lumitaw ang mapa na iginuhit ng sinag ng araw. Mabilis na kinunan ng larawan ni Luis ang katawan ng Santo Niño bago tulayang maglaho muli ang mapa.

'Game time! Maglaro tayo ng taguan mga kaibigan,' anas ni Luis saka isinilid sa bag ang replika.

Lumabas ng bahay si Luis. Ramdam niya ang malamig na hanging dumampi sa katawan. Pasakay na sana siya ng tricycle papunta sa ilog nang biglang maalaala si Jo-Anne na iniwan niya kanina sa may plaza.

'Aling Remy, nasa taas na ba si Jo-Anne?' tukoy ni Luis sa kwartong inuupahan ng dalaga.

'Hindi ko pa napapansin hijo na umakyat pero kanina lang, andyan siya sa tapat.' sagot ni Aling Remy.

'Luis, napapansin ko malaki na ang ipinagbago mo. Hindi ka masyadong weird ngayon. Dahil ba yan kay Ma'am?' kantiyaw ni Jose.

'Oo nga! Mukhang magaling ngang magturo 'yang si Ma'am. Pati puso ni Luis nagawang turuan.' sabat ni Ariel.

'Mga ulol! Huwag ninyong bigyan ng kulay. Nakakahiya naman kay Jo-Anne,' si Luis.

'Oo nga Luis, parang napapadalas ang lakad ninyo ni Jo-Anne.' ayuda ni Aling Remy. 'May nararamdaman ka na ba sa kanya kasi palagay ko si Jo-Anne ay nahulog na ang loob sa'yo? '

'Aling Remy, hindi naman kasi imposibleng tamaan si Jo-Anne kay Luis, bukod sa mabait na tao eh mukha pang artistahin.' singit Jose.

'Magkaibigan lang po ang turingan namin Aling Remy.' pagtatanggol ni Luis sa sarili para makatakas sa kantiyawan.

'Asus! Artista talaga! Pati sagot showbiz na showbiz.' halos mamatay sa katatawa sina Jose at Ariel. Sumakay si Luis ng tricycle bago tuluyang maalaska.

'Ingat ka lover boy!!!' habol ni Ariel.

Sa ilog, napansin agad ni Luis ang hinahanap. Nakaupo sa malaking bato si Jo-Anne na tila may malalim na iniisip.

'Kanina ka pa ba dito?' Umupo si Luis sa tabi ni Jo-Anne.

'Nakakagulat ka naman! Kanina pa ako dito hindi na kita inabala baka kasi masakit pa ang tiyan mo,' bahagyang nawala ang lungkot sa mata ni Jo-Anne.

'Mukhang malalim pa sa ilog ang iniisip mo ah. May problema ba?'

'Wala naman. Naiinip lang,' tipid na sagot ng babae.

'Medyo matagal na din tayong magkakilala pero di pa kita masyadong kilala. Sino ba talaga si Jo-Anne? May mga inililihim ka pa ba sa akin?' tanong ni Luis na tila nag-iimbestiga para makatiyak kung si Jo-Anne ang tinutukoy ni Lady Armela.

Nabigla siya sa tanong ni Luis. 'Parang job interview ah. Nasabi ko na ang buhay ko sa'yo. Galing ako sa mayamang pamilya at tumakas sa kinagisnang buhay para may mapatunayan sa sarili. Kung may inililihim man ako, siguro ay ang nararamdaman--' Hindi na tinapos ni Jo-Anne ang sasabihin nahiya marahil.

Nawala ang tinik sa lalamunan ni Luis bagamat may pagdududa pa din. Ilan pang tanong ang ibinato niya kay Jo-Anne at tuluyang napawi ang pagdududa niya. Walang kaugnayan si Jo-Anne sa Black Child.

'Mukhang masama ang panahon. Uwi na tayo.' hikayat ni Luis.


KINABUKASAN, may kalakasan ang bagsak ng ulan at umaalingawngaw ang mapaminsalang ihip ng hangin subalit hindi natinig si Luis, lumabas siya ng bahay para ituloy ang mapanlinlang niyang plano.

Inihanda niya ang kanyang sarili. Nagsuot ng bullet proof vest at inilagay sa kanang bahagi ng vest ang poisonous needles na gagamitin niyang pang-opensa kung sakaling may kalaban na umatake ng malapitan.

Matapang na sinuong ni Luis ang bagyo. Ngayon niya isasakatuparan ang plano. Bukod sa hindi na niya kailangan makipag-ugnayan sa Air Support para sa artificial rain, magiging mas maepektibo ang kanyang pagkilos dahil limitado ang kalaban. Isinet-up niya ang kanyang gamit para kalkulahin ang gagawing pagpapasabog sa kinaroroonan ng Black Child. Katulad ng nakaraang mga misyon, walang anumang tunog ang malilikha ng pagsabog at landslide pa din ang ituturong dahilan ng paguho ng lupa. Naging maingat si Luis dahil ang kinalalagayan ang imahe ay malapit sa Bridge of Promise. Isang maliit na pagkakamali ay guguho ang tulay.

Gumuho ang lupa. Nahawi ang gubat. Gamit ang metal detector, natukoy agad ni Luis ang bakal na baul ng Black Child. Walang pagkakaiba sa sisidlan ng replika. Tagumpay ang misyon. Tapos na ang misyon pero nag-uumpisa pa lang si Luis maglaro.

'Arden, Hawak ko na ang Black Child,' tinawagan agad ni Luis si Arden matapos makuha ang pakay.

'Napakagandang balita para pawiin ang masamang panahon Luis. Pinahanga mo ako. Nasa paligid lang si Vagrat, Loduko at Spaka, alalayan ka nila hanggang dito.'

'Ang pera? Ang kabuuan kabayaran sa misyon?' seryosong sagot ni Luis.

'Walang problema. Pag-uwi mo nasa kwarto mo na.'

'Good. My mission ends here. Maari sigurong ang mga tauhan mo na lang ang maghatid ng Black Child.'

'Dapat tayong magcelebrate, sandali lang naman.'

'Sige! Palabas na ako. Kung may lilitaw na kalaban makikipaglaro muna ako sa kanila.'

'Goodluck then.'

Umakyat si Luis sa mataas na bahagi bago pa muling gumuho ang lupa. Lumitaw agad ang mga kalaban matapos niyang timbrehan si Arden. Nakamaskara ang mga ito at agad siyang pinaligirin.

'Gusto niyong makipaglaro?! Come and get me!' sigaw ni Luis.

'Ibigay mo sa amin ang Black Child kung ayaw mong mapahamak!' u
tos ng lalaking nasa unahan ng grupo.

'Bakit ko ibibigay? Umalis kayo sa harap ko bago ko tapusin ang buhay n'yo!'
pagmamatigas ni Luis.

'Pinapatawa mo ako lalaki, kami pa ang pinagbantaan mo bata!'

'Hindi kita binabataan. Isa iyong babala. Tama na ang putak, umpisahan na ang laro!!
Nakangiti si Luis tila sabik na sabik sa labanan.

Hinila ni Luis ang pisi sa kanya kuwintas. Pumikit si Luis na tila nang-aasar. Sumugod agad ang grupo.

'Katapusan mo na!!!'
sigaw ng kalaban. Gamit ang pwersa ng kalaban agad niyang naiupo ang isa at ginilit ang leeg gamit ang pisi. Hindi siya lumingon pero ramdam niya ang pagsuray at pagbagsak nito. Nilundag niya ang ilan pang kalaban, isinaksak sa anumang lantad na bahagi ng katawan ang poisonous needles. Animo'y troso na itinumba ng bagyo ang mga kalaban. Hinarap niya ang pinuno, lakas sa lakas ang labanan. Isang hawak lang sa kaliwang braso at isang suntok sa batok ang tuluyang nagpatumba sa pinuno.


Dumating ang iba pang naghahangad sa Black Child matapos patumbahin ni Luis ang unang grupo. Sa pagkakataong ito, sumulpot ang mga assasin. Dumikit kay Luis.

'Kami na ang bahala. Protektahan mo ang Black Child,' ani ng isa sa mga assasin na nagpakilalang si Vagrat.

Pambira ang bilis ng tatlo, hindi man lang maanig ang kanilang pagkilos tila nagtatago sila sa patak ng ulan. Parang may malakas na kuryente ang mga assasin, na simunang dumikit ay tiyak na mamatay. Nakita na lang ni Luis na humandusay ang mga patay na katawan sa lupa. Hindi na kailangan ang kanyang tulong. Napipi siya sa nakita. Ngayon lang siya nakakita ng ganoong kakayahan sa pakikipaglaban.

Natapos ang labanan. Nawala din agad sina Vagrat, Loduko at Spaka matapos tipunin ang mga bangkay sa isang lugar. Inalis ni Luis ang maskara ng mga kalaban sa pagbabakasakaling may makikitang pagkakakilanlan.

Lumundag mula sa kung saan si Vagrat. Hinagisan ng soundless bomb ang tumpok ng mga patay. Hinila si Luis palayo. Bagamat gulat ay sumama siya sa assasin. Ilang segundo lang ay naghiwa-hiwalay ang mga bahagi ng katawan ng mga bangkay. Inaanod ng ilog ang pira-pirasong laman. Bumagsak ang tulay sa lakas ng impact. Naputol ang magkabilang bahagi ng Bridge of Promise.

'Kailangan malinis ang misyon. Huwag kang maawa sa kalaban.' Naglaho muli si Vagrat.

Sumakay agad ng tricycle si Luis at umuwi ng bahay. Limpak-limpak na pera ang nakita niya sa kanyang kwarto. Agad niya itong itinago, nagbihis at sumakay sa naghihintay na kotse ilang metro sa tinitirahan.

Abot-tenga ang ngiti ni Arden nang makitang parating si Luis. Agad niya itong inakbayan at inalalayan papasok ng bahay.

'Tapos na aking misyon. Siguro naman ay makakauwi na ako,' wika ni Luis matapos iabot ang Black Child. Tumalikod si Luis.

'Sandali lang Luis. Nasaan ang mapa sa loob ng Black Child?'

'Anong mapa?'

'Ang mapa! Saan mo inilgay ang mapa sa loob ng Black Child!' galit na sigaw ni Arden.

'Wala akong alam sa sinasabi mo. Wala kang sinabi sa aking tungkol dito.' kalmado pa din si Luis.

'Binayaran kita para hanapin ang Black Child, hindi para pakialaman ang laman nito o magtanong ng tungkol dito!'

'Puwes, wala ka din karapatan malaman kung nasaan ang mapa. Dahil binayaran lang ako para sa hanapin ang imahe hindi para magturo ng mapa.'

'Matigas na ka na ngayon. Vagrat, Loduko at Spaka!'

Dumilim ang paligid. May matigas na bagay ang tumama sa batok ni Luis.




itutuloy...

____
TRIVIA: Ang Bridge of Promise ay isang tulay sa Batangas na gumuho noong tumama ang bagyong Santi sa lugar. Anumang dahilan ng pagguho ay wala akong kinalaman.