Skinpress Rss

The Death of Mr. President (2)


chapter 1

BREAKING NEWS!!!

Presidente: NAPATAY!!
Malacanang Pinasabog!!!
President shot dead in Tagaytay!!!
Pagsabog yumanig sa palasyo!!! Presidente dedo: Terorista o Pulitika?
President Suarez, Assassinated in Tagaytay!!!



Dumating si Captain Ciprano, pinuno ng NBI team na siyang naghahandle ng kaso ng yumaong presidente sa opisina ni General Perez. Bitbit ang ilang papales, agad niyang ipinakita sa heneral ang resulta ng paunang imbestigasyon na mabibigay linaw sa pagkamatay ng pangulo at pagpapasabog sa Malacañang.

Matapos sumaludo ay naupo siya sa inialok na upuan ng heneral. 'General! Lumabas na po ang resulta ng paunang imbestigasyon,' magalang na balita ng kapitan. Iniabot niya ang folder.

'Hmmm.. Nakilala na pala ang sunog na bangkay. Kung ganun wala siyang kinalaman sa pagpapasabog sa resthouse sa Tagaytay.' Napahawak na lang ang heneral sa kanyang noo dahil wala siyang mailalabas na balita sa nakatakdang paghaharap nila ng pumalit na pangulo.

'Base po sa katiwala, ang bangkay po ay bagong kasambahay sa resthouse. At nakita din po ng ilang bodyguard ng pangulo na nasa hallway ang naturang kasambahay noong naganap ang pagsabog. Samakatuwid, hindi siya suicide bomber.'

'Kung ganoon, gumagala pa din ang salarin.' si General.

'Opo General. Wala din pong nakitang fingerprints sa M14-EBR na ginamit sa pagpatay sa pangulo.'

'Mukhang planado ang lahat. Tingnan nyo ang kisame kung may bakas o traces ng pagdaan. Pati mga dingding!' Tumaas ang boses ni General Perez dahil sa malabong resulta ng imbestigasyon. 'Imbestigahan ang PSG sa Malacañang!'

'Masusunod po.' Umalis ang kapitan matapos ang usapan.


Sinabon ng bagong presidente si General Perez sa kabagalan ng pag-usad ng kaso. Maging ang pagpapasabog sa palasyo ay hindi pa din maipaliwanag ng Heneral.

'General! Presidente ang napatay. Kung ganito kabagal ang kaso paano pa kaya kung ordinaryong tao?!' Galit na galit ang presidente dahil na din sa kagustuhang malinis ang pangalan.

'Ipagpaumanhin po ninyo. May isa pong akong alas para maresolba ang kaso pero...'

'Pero? Ano? Gawin mo ang lahat para matapos agad ito. Ano bang alinlangan mo?'

'Si Llanes. Siya ang tinutukoy ko-'

'Llanes?!' Naglakad patungo sa may bintana ng conference room si President Versoza. 'Ang Ex-Marine? Anong magagawa ng isang bilanggo at nagtangkang pabagsakin ang presidente?' Tumawa ng malakas ang presidente.

'Iyon nga po ang balakid.. Nakakulong siya. Pero malawak ang kanyang experience sa mga ganitong kaso. Matagal siyang nagtiktik sa pangulo kaya alam niya ang kilos, madalas kasama, mga kaaway at posibleng kilala din n'ya ang pumatay.'

Natahimik ang pangulo. 'Palayain siya. Ipahanda mo ang dokumento.'

Agad kumilos ang heneral. Inayos ang lahat ng papapeles para makalaya si Ex-Marine Llanes.

'Llanes! Andito ang heneral. Bumangon ka d'yan!' utos ng warden.

Napabalikwas mula sa pagkakahiga si Paolo. Bago pa naman umalis kahapon ang Heneral ay buo na ang loob niya. Gusto na niyang lumaya tutal wala na din ang gustong niyang paalisin sa pwesto.

'Maganda araw heneral!' Halip na saludo ay apir ang gusto ni Paolo.

'Magandang araw Llanes. Alam mo na siguro kung bakit ako nandito. Nakapag-isip ka na ba?'

'Oo. Gusto ko ng umalis ng selda. Payag ako sa gusto mo. Kalayaan at 10 milyon.'

'Magaling! Tandaan mo babalik ka sa kulungan kung hindi mo masolve ang kaso,' pagsisinungaling ni General Perez kay Paolo. Hindi ipinaalam ni General na pinapalaya na siyang tuluyan ng bagong presidente. Sa takot na hindi kumilos si Paolo kung alam niyang laya na siyang tuluyan.

'Oo alam ko. Nasabi mo na yan kahapon,' Pumirma si Paolo sa release order form. 'Gusto ko ng gamit.'

'Sige bibigyan kita ng service firearm.'

'Sa napapanood ko sa TV, may salamin at jacket ang mga detective.'

'Sige iyon lang pala e.'

'Bigyan mo ako ng Rudy Project na sun glasses at North Face na Jacket,' nakangiting udyok ni Paolo.

'Bibigyan na lang kita ng pera. Bahala ka ng pumili ng taste mo. Tara na sa kotse.' yaya ng heneral.

Mahigit siyam na buwan na ding nakakulong si Paolo dahil sa pamumuno ng isang kudeta. Malaki ang galit niya sa administrasyon noong panahong iyon. Tutol siya sa pagpapadala ng mga sundalong Pilipino sa Russia para tulungan sa gera ang kaalyadong bansa ng pangulo. Maraming napatay lalo na ang mga bagito pa lang sa labanan. Kaya nagbuo siya ng samahan para pigilan ang kagustuhan ng pangulo. Dahil dito nakasuhan siya ng rebelyon.

Parang batang nakatakas sa mahigpit na madrasta si Paolo. Inikot niya ang mall at inubos ang perang ibinigay ng heneral. Dahil alam niyang kailangan siya ng heneral, humingi na din siya ng sasakyan.

Agad kumilos si Paolo matapos i-briefing ng Heneral at ng NBI. Ipinagkatiwala din sa kanya ang ilang mahahalagand dokumento. Pakiramdam niya, siya ang pinakamataas sa mataas dahil ang kilos niya ay hindi pwedeng harangin ng sinuman. Una niyang pinuntahan ang burol ng yumaong presidente. Nagmasid muna sa paligid saka pumasok.

'Napakaganda mong tingnan habang umiiyak, Madam.' sarkastikong puna ni Paolo sa dating unang ginang.

'Anong ginawa mo dito? Pwede bang igalang mo ang burol ng asawa ko!' matigas na pakiusap ni Mrs. Suarez, ang asawa ng napatay na pangulo.

'Sabihin na nating kailangan kita at kailangan mo ako.'

'Kapal naman ng mukha mo! Umalis ka dito bago ako magpatawag ng security.' galit na wika ng babae.

'May ilang katanungan lang naman ako dahil naatasan akong i-solve ang kasong ito kapalit ang kalayaan ko. Kung hindi ako welcome, aalis ako dito. Fine.' Tumalikod si Paolo. 'Madam, may kanina pang umaaligid na tao sa labas. Baka iyon ang kriminal. Kapag kumalat ang laman-loob niya pakilinis na lang.'

Iniwan ni Paolo ang isang picture sa ibabaw ng kabaong ng dating Presidente. Picture ni Steve Ceneres, dating kaklase ng unang ginang, dating kasintahan at kasalukuyang lihim na kalaguyo ni Mrs. Suarez.

'S-sandali....!' May takot sa boses ng ginang.

Napangiti si Paolo. Epektibo ang kanyang plano. 'May coffee shop sa tapat. Doon tayo mag-usap.' Dumakot ng kendi si Paolo saka lumabas ng Funeral Chapel.

itutuloy..