Skinpress Rss

Ikaw at ang fountain sa gateway mall


Napagod na ang kamay ng relo ko pero hindi mo pa ako kinakausap. Ngumiti pa naman ako bago ka tumabi sa akin. Hindi ako inbisibol alam mo 'yan. Excited pa naman ako noong palapit ka sa akin..

Wala akong matandaan na nagkaroon tayo ng tampuhan o di pagkakaunawaan. Infact, wala akong naging kaaway nitong nakaraang taon. Pramis swear to God. Naghintay ako, pinalipas ang oras. Baka sakaling magsasalita ka o mapansin man lang ang bago kong sapatos na kanina ko iwinawagayway sa harap mo. Pero mas pinili mong di umimik. Taliwas sa inasahan ko. Gumuho ang building blocks ng puso ko na parang domino.

Siguro nga tama sila. Natural na sa mga babae ang pagiging tahimik kapag may mga bagay na ayaw nilang pag-usapan. Iwas gulo na nga din naman. Iniisip ko bumubuwelo ka lang. Pansin ko kasi, panay ang buntong hininga mo.

Makailang ulit mong tiningnan ang cellphone mo. Pakiramdam ko naiinip ka o may hinihintay. Siguro gusto mo na ako ang unang magsalita. Minsan din kasi umiiral ang pride ng tao. Inuuna ang ego wag lang mauna. Sabagay, ako naman ang lalaki kaya dapat ako ang magparaya. Naunahan lang talaga ako ng takot kasi hindi mo nga pinansin ang ngiti ko nung umupo ka sa tabi ko. Pero wala namang mawawala kung susubukan ko magtanong kesa palipasin ko na ganito lang tayo. Hindi ko naman ikamamatay.

'Galit ka ba sa akin?' pauna ko na may halo pa ding kaba.

'Hindi. Bakit mo nasabi?' sagot mo. Nabawasan ang dinadala ko.

'Kanina pa kasi tayo dito pero di mo ako kinakausap,' nakangiting sabi ko.

Kumunot ang noo mo tila naguguluhan. 'Huh? Hindi naman kita kilala e ngayon lang kaya tayo nagkita. Bakit kita kakausapin? Adik ka ba?'

-end-