'Home is a place you grow up wanting to leave, and grow old wanting to get back.' - John Ed PearceSa wakas balik Pilipinas na! Hindi biro ang anim na taong pagtitiis sa ibang bansa. Oo nga mas maunlad, maganda ang lugar, high-end ang technology pero mas masaya pa din ang pamumuhay sa Pilipinas. Nakakapanlumo nga lang na habang bumababa ang eroplano sa NAIA, sasalubong agad ang tambak ng basura sa Cavite coastal area at ang kinakalawang na bubungan ng mga iskwater sa may ilog ng Paranaque.
Sa totoo lang wala sa loob ko ang umalis ng bansa bukod sa maayos naman ang trabaho ko may negosyo pa kaming bigasan. Nagkataon lang na pumanaw si itay at sinundan pa ng pagkakasakit ni inay kaya nakipagsapalaran na ako.
Pati puso ko naiwan dito, sa babaeng minahal ko ng sobra. Tanda ko pa umiiyak si Jill bago ako umalis, hawak niya ang aking kamay at nangakong maghihintay sa muli kong pagbalik. After one year, nabuntis siya ng iba. Nakakalungkot. Nakakabaliw.
Isinubsob ko ang aking sarili sa trabaho upang makalimot. Tiniis ko ang init, lamig at labis na kalungkutan. Inisip ko lahat ng ginagawa ko ay para kay inay at sa kapatid kong si Armie. Buti na lang mabait ang kapatid ko. Nauunawaan niya na mahirap ang buhay ko. Hindi katulad noong ibang tao na walang ginawa kundi magpasasa, magpakasarap sa hindi nila pinaghirapan. Subukan nilang kumuha ng yelo sa ref, hawakan ng limang minuto for sure napakahapdi sa kamay. Paano pa kaya kaming naglalakad sa lugar na puno ng yelo. Sana naisip nila iyon.
Laging sumusulat ang kapatid ko para ibalita ang kalagayan ni ina. May katigasan na daw ang ulo lalo kapag may kinalaman sa gamot. Madalas nagkukunyaring ininom ang gamot pero kapag nakatalikod na ang kapatid ko muli niyang iluluwa at itatago kung saan. Buti naisipan ni Armie na ihalo na lang sa juice ang gamot.
Lumago na din ang aming bigasan, huling balita ng kapatid ko. Kaya excited akong umuwi para makita ang mga bagay na hindi ko nagawa noong nandito pa ako. Dapat bago pa magpasko nakabalik na ako kaso ginahol sa oras. Sayang balak ko pa naman sorpresahin si inay at Armie. Ibabalita ko na wala na akong balak bumalik sa ibang bansa. Sapat na ang perang naipon ko at ang naipundar na bigasan.
Namiss ko ang San Isidro, ang bayan na kinalakihan ko. Namiss ko ang payapang buhay sa kabukiran. Ang magandang tanawin sa dapit hapon at ang paborito kong gawain - ang maligo sa ulan.
'Armie! inay! Nakabalik na ako!' may pagkasabik na na sigaw ko.
Napaluha si Inay. Niyakap ako ng mahigpit.
'Oh kuya bakit hindi ka man lang nagpasabi na uuwi ka? Naipasundo ka sana namin,' si Armie.
'Hindi na kailangan. Wala naman ako masyadong dala. Wala pa talagang ipinagbago ang San Isidro 'no?'
'Ano naman kakaiba ang aasahan sa lugar na 'to kuya?'
'Aba may malaking bahay dun sa may labasan. May malaking grahe. Mayaman siguro ang may-ari nun para magtapon ng ganun kalaking pera.' Kwento ko kay Armie sa naging obserbasyon ko.
'A-ah e. Sa akin iyon kuya,' nabulol pa si Armie tila nahihiya pa sa nakarating n'ya.
'Aba! Big time. Asensado talaga ang bigasan!' Hinawakan ko ang ulo ng kapatid ko sa labis na paghanga.
'Kuya, nagsinungalin ako. Matagal ng sarado ang bigasan. Ikinalulungkot ko, pera mo ang ginamit ko.'
-end