Putok ang balitang may gumagalang aswang sa baryo namin. Ilang hayop ang nangamatay sa hindi malaman na dahilan. Walang epidemyang natukoy ang munisipyo at hindi kinakitaan ng pananamlay ang mga hayop bago namatay.
Ang labis na ipinagtataka ng mga tao ay ang pangungupis ng katawan at maliit na kagat sa ilang parte ng katawan ng kanilang alaga. Tila ba hinigop ang laman o dugo. Nabuo tuloy ang kwento ng aswang. Meron may ilang hindi sang-ayon dahil baka dulot iyon ng mga makamandag na insekto.
Ang bulungan ay si Tata Aldeng ang aswang. Una, pambihira ang lakas nito sa kabila ng edad na higit kumulang sa sitenta. Hindi nabalitaan na ito ay nagkasakit. Kaya pa nitong hilahin ang mga alagang baka kahit dambuhala na sa laki. Pangalawa ay madalas na paglabas nito sa gabi. May ilaw na nakikita na palayo at palapit sa kanyang kubo. Pangatlo, ay ang sariwang dugong napansin sa kanyang damit noong makasalubong siya ng anak ng magniniyog. Nakapagtataka daw ang ikikilos ng matanda noong mga nakaraan araw.
Hinusgahan ang matanda dahil sa hindi nito pakikisalamuha at matalim nitong mga mata. Ang matagal nitong pag-iisa sa kubo ay dahil daw sa kanyang sekreto.
"Magandang araw po, pinapunta po ako dito ni Kapitan," wika ko kay Tata Aldeng. "Nadadalas daw po ang paglabas ninyo sa disoras ng gabi. Pinag-iingat po kayo dahil maaring may mabangis o makamandag pong hayop sa ating lugar."
"Huwag kamo akong alalahanin. Malakas pa ako sa sampung toro."
"Ano po ba dahilan at lumabas kayo ng gabi halip na magpahinga?"
"Hindi mabangis na hayop ang nasa ating lugar. Kundi aswang."
Napangiti ako na tila may panunuya. "Naniniwala po kayo sa mga sabi-sabi sa ating lugar? Progreso na po ang panahon. Matandang paniniwala na ang aswang." Nakalimutan kong matanda ang aking kausap. Sila nga pala ang madaling maniwala sa milagro, engkanto at aswang.
"Bakit naman hindi? Saksi ang mga magulang ko sa nangyari noon sa bayan na ito. Sa una hayop lamang ang biktima. Kapag hindi na kayang punan ang sikmura ay tao naman."
Matandang kwento na ang tinuran ni Tata Alden. Panakot sa mga bata ang mga kwento para matulog ng maaga. Nag-aksaya lamang ako ng panahon. "Ganoon po ba? Mukhang marami pong hayop dito, ingatan nyo pong mabuti at baka maligaw dito. Iwasan nyo na lang po lumabas ng gabi. Sa araw nyo na lamang gawin."
"Pinaghalong dugo ng hayop, dagta ng damo, halaman at langis ang isinaboy ko sa paligid ng bukid. Mabisa kung sa gabi ito gagawin. Mabango iyon sa aswang pero lason sa kanilang katawan. Mapapatay ako ng asawang ngunit hindi iyon makalalabas ng aking kabukiran."
"Mauuna na po ako."
"Sige 'toy! Salamat sa dalaw. Matagal na akong walang bisita. Nga pala, pakihatak na lamang ng lubid sa tarangkahan para manatiling bukas ang daan papasok dito sa bukid at matuksong pumasok ang aswang. Isa iyong trap door, sumasara kapag natatapakan ang tulay na kawayan."
Napailing na lamang ako sa matanda. Una sa paniniwala nito sa aswang kahit siya ang pinagduduhan. Pangalawa ay hindi ko alam kung paano ako makalalabas ng kabukiran.
- wakas-