Skinpress Rss

Cosola


May nahuling magnanakaw sa Cosola. Sa isang iglap ay libreng sumuntok ang lahat. Kahit ang walang kaalam-alam sa pangyayari ay nagpakawala ng kamao.

Bumagsak sa sahig ang lalaki. Bago iniwan ng mga tao ay may nagpabaon pa ng dura. Niyakap niya ang plastik na tangke bago lumuha.

"Swapang kasi!"

"Laki ng katawan! Ayaw magbanat ng buto!"

Hindi na bago ang mga ganoong salita sa tuwing may mahuhuling magnanakaw. Pero nagtaka ako kung bakit Cosola ang napili niyang pagnakawan? Walang pera doon. Walang mamahaling gamit. Puro tangke ng tubig at hangin na nagsusupply sa mga kabahayan.

Lumapit ako sa lalaki hindi para tumulong. Gusto ko lang mag-usisa. Curious e.

Nakahiga pa din sya sa sahig pero nakukuha nang ngumiti. Yakap pa din ang tangke ng hangin.

"Alam mo `toy, noong unang panahon libre ang malinis na tubig at hangin."

Natawa ako. Siraulo malamang ang isang to. Hindi yata nangyari 'yon. Baliw.

-wakas-