Skinpress Rss

Ang Pansit ni Aling Maria


Masarap ang pansit ni Aling Maria.
Pero hindi kanina. Sobra yata sa betsin. Gusto yata akong lasunin. Pero wala naman binago sa timpla.

Nitong mga nakaraan araw, tinatamad akong magluto. Bukod sa mainit ang singaw sa loob ng bahay, medyo mahina ang daloy ng tubig kaya tumatambak ang hugasin. Plus hindi ko talaga talent ang maghugas ng ano. Basta.

Medyo humirit ako kay Aling Maria para may dagdag ang order ko. Masarap ang luto niya kaya lang konti ang takal. Konting bola at kuratcha. Tumalab naman. Medyo napapadami ang aking kain nitong nakaraan araw. Nag-improve ang buying power ng singkwenta pesos ko. Dati pansit lang at tinapay, ngayon may palamig na libre.


Madaldal si Aling Maria pero iba kanina ang dating ng soltera. Nagboboses na parang nagpapabata. May sakit yata. Baka sipon.

"Libre ko ang red horse mo. Kunin mo na lang sa ref."

"Aba! Tumama ulit kayo sa jueteng? Ayos ah!"

"Mas malaki pa sa jueteng!"

"Jackpot?! Dapat po dalawang bote."


Ngumiti sya. "Papasok na ko. Kung may kailangan ka, katok ka lang." Parang kinuryenteng pusang lumakad ang matanda. "Ligo lang ako ha," pahabol pa nya.

Hindi masarap ang pansit ni Aling Maria. Para kasi akong masusuka. Lalo na noong gumilid sa tenga ko ang mga daliri niya.

- wakas-