Skinpress Rss

DEATH CERTIFICATE


Patay na si Macoy. Hindi sya ang dating presidente kundi isang ordinaryong residente ng Lucena na namatay sa pagtae. Sinong mag-aakala na ang pag-ere ang puputol sa huling ugat na nagdudugtong sa kanyang puso?

"Kaano-ano mo ang yumao? Ano ikinamatay?"

"Pinsan slash bff po sir," sagot ko. "Pagtae po."

"Seryoso? Cholera o Diarrhea? May supporting documents ka ba?"

Hindi ko first time maglakad ng death certificate. Noong nakaraan si Pipoy ang cause of death ay pagkabigo sa pag-ibig. Pero suicide ang iniligay nitong kausap ko ngayon. Ayaw paniwalaan ang sinasabi ko. Oo nga at nagbigti si tropa pero ang dahilan noon ay wasak na puso. Hindi matanggap na ipinagpalit sya sa maglalagare.

"Ito po picture namin. Kunot noo po at nakangiwi si pinsan. Halatang nahirapan. Sabi ng misis nya biglang umungol si Macoy akala niya normal pa pero biglang nagcollapse. "

"Ang ibig kong sabihin mga medical report. Nadala ba sa ospital?"

"Naku hindi na po. Nataranta na kami. Tatakbo. Tatalon. Isisigaw pangalan nya. Hindi po alam kung ano ba ang uunahin. Kung bubuhusan ang inodoro o huhugasan ang pwet o lalagyan ng salawal. Yung anak nya tumakbo sa barangay. Pero sabi noong medic na dumatin e wala na daw. Nagrekomenda na lang ng punerarya. May pa-king size daw na zesto araw-araw."

"May sakit sya ibig sabihin."

"Diabetic po at high blood."

"Okay. Cardiac arrest. Dalhin mo ito sa kabila."

"Itong indigency boss? Para may discount sa puntod."

"Punta ka muna sa office ni Yorme."

Sa pagawaan kami ng softdrinks nagtrabaho magpinsan. Nahikayat kaming sumali sa unyon upang humingi ng umento at iba pang benepisyo. Nagpiket kami sa harap ng kompanya na nauwi sa malawakang tanggalan. Pinangukuan kami ng unyon basta kasama kami sa bawat rally. Ipinarating namin ang aming kalagayan sa kalsada, paaralan at maging sasakyan. Naisip namin na ang nangangaral nga ay bihirang may nakikinig, sa amin pa kaya na pansarili ang ngawa?

Umuwi kami ng bahay kaysa tuluyang mapurga sa adobong sitaw. Wala akong ideya kung ang pagod na hinarap namin ang nagpabagsak sa katawan ni Macoy o tinitikman nya ang softdrinks bago ilagay sa bote dati. Naawa ako sa kanya. Nawalan na nga ng trabaho tapos nawalan pa ng kaligayahan sa gabi.

Ayun nga, kaninang umaga ay kinalawit na si Macoy. Kinunan ko ng picture ang mukha niya sa loob ng ataul. Close-up para naman makaganti doon sa mga nag-upload sa facebook ng mga mukha ng dedo. Muntik kong maihagis ang cellphone sa takot dati e. Buti naalala kong di pa tapos hulugan sa home credit.

Halos alas kwatro noong ako ay makatapos sa City Hall. Pinadevelop ko ang picture ni Macoy at ilang kopya din ng death certificate.

Timing ang daan ng jeep sa aking harap. Dalawang padyak bago tuluyang nakakapit ako sa estribo.

"Manong driver, ate, kuya. Hindi po ako masamang tao. Pasensya na kung ako ay nakaabala, gusto ko lamang pong ilapit sa inyong mga puso ang dinanas ng aking pinsan. Sya po ay kapiling na ng Poong lumikha sa katunayan ay nandito ang kopya ng kanyang death certificate at picture. Ate, kuya bagamat nakakahiya pero kakapalan ko ang aking mukha upang mabigyan sya ng desente libing," dugtong ko pa.

Apat na daan kada araw. Hindi na masama.

- wakas-