Duguan kong isinugod sa ospital ang aking ina. Nagulatang ang maliit na emergency room na tila hindi sanay sa biglaan. Umiiling ang nurse kung paano magsisimula sa dami ng sugat na tinamo sa katawan.
****
Naiiyak ako habang naggagayat ng sibuyas. Malapit na ang hapunan pero wala pang lutong nauumpisahan. Nakakaiyak magluto kapag walang alam sa kusina lalo na kung lumaking tagatikim.
Walang kurap na tila nakikipag-usap ang aking ina sa larawang nakadikit sa kwadradong kahoy. Isang matikas na lalaking nasa unahan ng watawat na simbolo ng kabayanihan matapos magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng karamihan. Isang bayani na kailanman ay hindi nalathala sa aklat, dyaryo o maging sa supot ng pandesal.
Ang aking ama.
Malungkot ang aking ina. Bakas iyon sa mukha niya. Subalit bigla siyang hahalakhak ng ubod nang lakas habang isinasayaw ang kapirasong kahoy. Tila may alaalang nagbalik dulot ng malamig na hanging tumatama sa pisngi habang umiindak sa balkonahe.
Nang mapagod ay muling binalot pighati. Tila paglubog ng araw na may dalang pamamaalam at hapdi. Matalim ang bawat hikbi. Sumusugat sa aking kalamnan. Ang kanyang luha ay maraming tanong na naghihintay ng sagot sa isang pumunaw.
Hinakawan ko ang kanyang taas-babang mga balikat. Kasunod na ang malambing na yakap. Animo'y alon sa dagat na marahang kumalma ang pagtangis.
"Andito lang ako, Ma."
"Hindi mo ko iiwan 'nak?"
Umiling ako. "Hinding hindi."
"Mahal mo ba ako?" Inalis ko ang nagmakhang luha sa kanya pisngi.
Tumango ako. "Mahal na mahal."
Doon ay tumawa sya ng malakas. Marahang pag-indak at matamis na ngiti.
Hinalikan niya ako. Pag-iwas ang ganti ko.
"Kailangan ko ng patunay!" Hinubad niya ang suot na damit habang hawak ang kutsilyong ipinanggagayat ko ng sibuyas. "Kundi ay sasaktan ko ang aking sarili."
Nakakaiyak.
- wakas-