Skinpress Rss

Kulungan


Tumakas ako sa kulungan. Kanina.

Masalimuot. Masikip. Ni hindi makahinga. Sa loob ng mahabang panahon ay pagtitiis ang tanging pinanghahawakan na may buhay pa pagkatapos nito. Na may pagbabago nga tulad ng mga pangako at kwentong naisulat nang karanasan ng iba.

Ngunit hindi ko na kaya. Tumakas ako.
Bago pa malibing sa hukay na walang lapida. Malimutan na bughaw ang langit. Na ang buhay ay hindi lamang tungkol sa paghinga o paggising sa umaga.

Hindi ko na hihintaying lumaya. Paglayang puno ng hinanakit at kawalan ng pag-asa. Buo na ang aking loob. Habang may pagkakataon. At may natitira pang hininga.

Tumakas ako. Sa nilikha nitong sugat. Sa markang iginuhit sa balat. Sa bisyong una pang papatay sa akin.
Sa kulungang walang gwardya.
Walang kandado.
Walang rehas.

Tumakas ako.
Sa kulungan.
Na inakala ko noon na pag-ibig.

Napakasaya.