Skinpress Rss

Mang Pido


Ngayon na lamang ulit dumaloy sa aking mukha ang tila gripo ng pawis. Animoy bukal ang bawat butas ng aking mukha dulot ng nagngangalit na sikat ng araw.

Bitbit ang ilang supot ng pagkain at gamot ay inikot namin ang kinalakihan kong lugar. Ngiti ang salubong ng mga nakakilala pa sa akin at may hindi nga napigilang yumakap. Iba sa pakiramdam ang kawang gawa.

Pinuntahan ko sina Mang Pido at ang kanyang asawa. Lumaki akong naglalaro sa kanilang talyer. Noon ay kunyaring nagmamaneho ako ng mga ipinagagawang sasakyan o di kaya naman ay mekaniko din. Nabalitaan kong baldado na ang matanda matapos tamaan ng stroke. Ang kanya naman asawa ay nakikipaglaban sa tuberculosis.


Hindi ko akalain na ang isang matipunong katawan ay madaling ginupo ng karamdaman. Nakapanlulumo. Sa isang sulok ng aking utak ay maraming tanong. Kung bakit may mga taong sinusubok ng sobra kumpara sa iba. Na kahit piliting tumayo at lumaban ay patutumbahin na agad sa unang hakbang pa lamang. Mapapaisip at magdududa. Kalaban ba talaga ang tadhana o isang oportunidad? Malamang hindi. Siguro sa iilan.

Iniabot ko ang ilang supot ng pagkain. Alam kong hindi iyon sapat. Ngunit maaring pagsimulan ng lakas para sa kinabukasan. Sa lugar na iyon ako lumaki. Lugar na madalas puntahan ng mga charity events. Na naging panuntunan ko upang lumuwag at umangat sa kinatatayuan.

At ngayon, ako naman. Napapanahon na.


"Okay na po."

"Nakunan mo ba?" tanong ko kay Chua.

"Opo. Iba't ibang angulo. Kami na ang bahala Mayor. "

- wakas-