Skinpress Rss

Tikatik


Matalim ang pagdampi ng tikatik ng ulan sa bubong. Tila sinusubok ang tibay ng yerong kinain na ng kalawang. Dapit-hapon na ngunit ipinagkait ng ulap ang ganda sanang hatid ng paglubog ng araw.

Nakatingin si Claro kay Eljane habang sinusuklayan ng asawa. Nakangiti ito sa kanya. Sa estima niya ay kulang ng isang dangkal ay aabot sa puwitan ang buhok ng bunsong anak. Maganda ang tuwid na buhok nito. Ika nga ay walang sabit ayon sa commercial ng isang brand ng shampoo.

"May balita ba kay Elmer?" tanong ni Rosma. Iling ang sagot ni Claro. "Kay Oca? Kala ko may alok sayo?"

"Nabulilyaso, nagkakahulihan daw. Kausapin daw niya ang mayor para pwede akong kumubra ng STL "

Lumakas ang ulan na tila kakampi ni Claro upang pagtakpan ang kanyang pagkukulang bilang haligi ng tahanan. "Mukhang bibigay na ang bubong natin. Dapat maipaayos bago magtag-ulan."

"Siguro naman may balita na sa isang Martes." Naglagay ng apat na plato sa hapag si Claro. Inilagay sa gitna ng kaldero ng kanin at apat na kwek-kwek na halos matabunan ng tinadtad na pipino. "Kain muna kayo. "

"Dapat lang magkatrabaho ka na. Si Elma ay walang delhensya. " Tinapunan ng bahagyang tingin ang panganay. "Malapit na ang kabuwanan nyan at wala tayong pagkukunan."

"Andyan na yata sundo nyo," putol niya sa pagtatalak ng asawa.

"Ako na lang ulit ang gagawa ng paraan. Elma kilos-kilos at wala tayong pang cesarean!"

"Opo!"

"Dadalaw tayo sa ninong mo, Eljane." Sinipat ni Rosma ang bihis ng anak at saka sinabuyan ng mumurahing pabango. "Sundin mo lang sasabihin nya ha. Mabait yon. Galante pa! Huwag ka mahihiya don. Nasa kusina lang ako ha at magluluto ng kakainin nyo."


Matalim ang pagdampi ng tikatik ng ulan sa bubong. Tila sinusubok ang tibay ng yerong kinain na ng kalawang. Dapit-hapon na ngunit ipinagkait ng ulap ang ganda sanang hatid ng paglubog ng araw, tulad kamusmusan na maagang inagaw.

Inihatid ng tingin ni Claro ang mag-ina. Habang si Elma ay hinihimas ang sinapupunan. Lumuluha.

- wakas-