Skinpress Rss

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na maikling kwento. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na maikling kwento. Ipakita ang lahat ng mga post

Chess Match - Maikling Kwento


"Uwi na tayo. Naghihintay na si Mama," wika ni Daniella. Nakangiti ang kanyang mga labi pero hindi ang kanyang mga mata. Batid kong hindi pa niya gustong umuwi. Dangan na nga lamang at palubog na ang araw kaya kailangan na naming umalis sa aming paboritong lugar.

"Sigurado ka, Daniel?" Kinalakihan ko na ang tawagin siyang Daniel dahil mas komportable siyang kalaro ang mga lalaki . Mas gusto niyang tumakbo at pawisan kaysa maglaro ng manika sa loob ng bahay.

Tumango siya at hinawakan ang aking kamay. Nauna siyang maglakad sa akin na may halong pananabik. "Lakad ulit tayo. Bukas doon tayo sa may dam. Matagal na akong di nakakarating doon." Tinitigan niya ako na halatang naglalambing pagkatapos ay tinanaw ang malawak na pag-aagawan ng dilim at liwanag. "Huwag mong kalimutan ang chessboard."

Pamakawan - Maikling Kwento


"Kamusta, anak?"

Blankong mukha ang sagot ko sa tanong ni Rolando. Hindi ko inaasahang ang taong kinamumuhian ko ang sasalubong sa aking pag-uwi. Umuwi na pala siya, dumalaw siguro. Kamusta? Para bang wala siyang naalala sa mga ginawa niya at kamusta agad ang tanong niya. Ni hindi ko nga siya matawag na Tatay.

"'Nay, anong ginagawa niya dito?"

"Dito na muli titira ang tatay mo."

"Ano?"

Malaki ang bahay pero pakiramdam ko ay napakasikip dahil sa presensya ni Rolando. Matagal ng burado sa isip ko na may ama ako. Anim na taon ako noong una siyang umalis ng bahay. Nagmamakaawa noon ang nanay habang nakahawak sa kanyang mga binti pero tila bingi siyang umalis at hindi man lang nakuhang lumingon. Wala akong alam noon sa nangyayari pero ramdam ko ang kirot lalo noong niyakap ako ng nanay. Lumuluha at nagtatanong kung paano na kami.

Hindi ko na nakitang ngumiti noon ang nanay. Bata lang ako, anong magagawa ko para mapawi ang lungkot niya? Wala. Gabi-gabi siyang nakaharap sa altar. Nakapikit at lumuluha. Yakap ang tanging sukli ko sa bawat hikbing nadidinig ko. Hindi ko man maibsan ang sakit na nararamdaman niya gusto kong malaman niyang hindi siya nag-iisa. Isinumpa ko noon na iyon na ang huling patak ng luhang mangagaling kay nanay.

His Last Flight


Nakakamiss. Ilang oras pa lang akong umalis ng bahay nina lolo at lola namimiss ko na agad sila. Iba talaga ang pakiramdam kapag kasama ang mahal sa buhay. Sabagay sila lang naman talaga ang kapamilya ko kaya di ko mapigilan ang tuwa kapag kasama ko sila. Nakaparefreshing. Naalis ang mga negative vibes na dala ng mga microfinance applicants.

Naiiyak pa ang lola noong inihatid ako sa airport. Hindi pa man ako nakakaalis ay tinatanong na agad ang pagbalik ko. Nangako ako na babalik din agad ng Cebu. Siguro kapag may leave pa o kapag biglang nagdeclare ng holiday si PNoy.

Tanaw ko sa bintana ng eroplano ang unti-unting pagbabago ng Metro Manila. Maganda ng tingnan ang skyway, mga condo at mga lumilipad na ibon. Maliban sa mga kalawanging mga yero ng bahay na sumasalubong sa lahat ng pa-landing na eroplano.

Inihanda ang aking sarili. Ilang minuto na lang pababa na ang eroplano. Tiningnan ko ang mga gamit sa paligid ng upuan at siniguradong walang naiwan.

Bote at Pangarap


"Koo-leektor ka?" bungad sa akin ng lalaking sa palagay ko ay edad kuwarenta. Hindi na tuwid ang kanyang pananalita dala ng kalasingan kahit wala pang alas dyes ng umaga. "Lahat ng koolektor dito ay nagbibigay sa akin... sham-pong piisso.." patuloy niya habang senisenyasan akong magbigay ng pera sa kanya. Akala ko sa pelikula lang ni FPJ nangyayari ang mga ganoong scenario. Wala pa naman akong kakilala sa lugar kaya medyo may namuong takot sa akin.

"Hindi po. Hinahanap ko lang po ang bahay ni Alice... Alice Sanchez." Maliit lang ang bayan ng Rizal sa bayan ng Laguna pero di ko ko agad nakita ang bahay na hinahanap ko dahil di ako pamilyar sa lugar. Hindi ko nga alam na mayroon palang bayan ng Rizal sa mapa ng Laguna. Naging palatandaan ko lang ang Rizal Reacreation Center na nakasulat sa sketch form ng loan application.

Tumayo ang isang lalaki at hinawi ang kamay ng lasing na sumalubong sa akin.. "Asawa ko po si Alice," sagot ng lalaking kasama sa umpok ng nag-iinuman. "Ano pong kailangan?"

Bahagya akong nadismaya. Magsasagawa ako ng BI/CI investigation para sa asawa ng lalaking nasa inuman na agad. Habang ang kanyang asawa ay nagkukumahog mangutang siya naman ay narito't nagpapasarap sa halip na gumawa ng pagkakakitaan. Laborer ang nakasulat na trabaho ng asawa ni Alice. Ibig sabihin sa ngayon ay walang trabaho ang lalaking kaharap ko. "Sa Microfinance po ako. Nag-apply po kasi ang asawa n'yo ng loan baka po pwede makausap."

Men, Kuha Mo?


Alam mo ba 'yong pakiramdam na gusto mong sabihin sa isang tao na mahal mo siya pero wala naman ng lakas ng loob? Nakakaasar di ba? Lalo na kapag may chance na pero naipit pa ang dila. Grabe, tindi ng pawis, 'yong malamig pa! Tulad nung pawis kapag biglang natatae habang nabyahe sa NLEX.

Hirap kasi! Halimbawa, nasabing mahal ko siya tapos nagtanong ng bakit. Anong isasagot? Kahit noong nag-aaral pa ako ayoko na ng reasoning. Eh kung di pa satisfied hahaba lalo at baka makagawa pa ako ng essay.

Hindi naman kasi nadadaan sa salita lang ang LOVE. Tulad ng pag-ihi, ang LOVE dapat ginagawa hindi iniipon lang sa loob at lalong di pwedeng sabihin lang ng sabihin pero wala namang actual. Hirap di ba? Sayang din ang emotional investment kung hanggang tingin lang.

Ganda ng gising ko kaninang umaga. Ganda nga ng ngiti ko e. Mas maganda pa sa ngiti ng may ginawa kagabi. Pero nasira lang sa isang text msg! Sobrang bad news! Nasira ang pangarap kong sunrise at sunset kasama ang taong mahal ko.

Aral sa Isang Eskinita


"Nandyan po si Analie Regala?" tanong ko sa matandang babaeng may pinupunasang bata pagsapit ko ng Patria Village. Dinala ako ng aking mga paa sa 811 Lavander St. ng sikat na subdivsion base na din sa nakasulat sa sketch form. Naglalakihan ang mga bahay sa Village pero ang mga nakatira sa Lavander St. iba. Halos yari sa mahihinang materyales at plywood ang mga bahay sa lugar. Mataas na bakod ang naghahati sa dalawa. Salamin ng makasalungat na mundo ng kahirapan at karangyaan. Isang maliit na right of way ang ibinigay ng Patria na kasya lamang ang tao at isang aso ang nagsisilbing daan ng mga nakatira sa Lavander St para makarating ng highway.

"Naku! Wala pa po e. Kanina pang umaga umalis. Iniwan nga ang mga batang ito ng hindi man lang naliliguan e." sagot ng babae. "Hintayin mo na at baka parating na din."

"Kaano-ano n'yo po si Analie?" usisa ko.

"Anak ko. Sa bangko ka ba? Halos araw-araw may naniningil sa batang 'yon e."

Tumango ako. "Nag-aapply po kasi siya ng loan. Microfinancing po. Anak po ni Analie?" tukoy ko sa batang amoy bagong paligo na.

Second Chances? (1 of 2)


Hindi ko maimagine sa ganitong set-up pa kami magkikita muli ni Yanie. Matagal ding panahon bago ako nagkaroon ng lakas ng loob magparamdam. Parang gusto kong umurong kahit papasok na ng pintuan. Siguro hindi ako handa o kaya naman hindi ko pa lubos na tanggap ang nangyari.


"Pasok ka," alok sa akin ng nanay ni Yanie. Mamula-mula pa ang kanyang mga mata habang ginagabayan ako papasok ng bahay. Hawak niya ang aking braso hanggang marating ako sa loob.

Utang


"Kahit 300 lang pinsan," kakamot-kamot sa ulong wika ko.

"Saan mo na naman gagamitin ang pera? May utang ka pa sa akin noong nakaraan," tugon naman niya.

"Maghahanap ng trabaho. Babayaran ko din naman agad kapag nagkapera."

"Tumutulong ka na lang sa nanay mong magtinda ng ihaw-ihaw siguro hindi ka aabot sa pangungutang. At kung naipon mo ang mga ipinahiram ko sa'yo malamang may sarili ka ng puhunan."

"Minalas lang talaga pinsan," pagtatanggol ko sa sarili ko, "kung hindi siguro para sa akin ang mga inaaplyan ko baka may mas malaking naghihintay sa akin."

Tutor - Maikling Kwento


"Papa!" sigaw ni Kyle pagkapasok ng bahay.

"Oh kamusta? Mahirap ba?" tukoy ni Donald sa exam ng anak. Nasa grade three na si Kyle at masayang s'yang nakikitang masipag ito sa pag-aaral. Sulit ang bawat pagod niya sa trabaho dahil palagi itong may dalang magandang balita pag-uwi.

"Look!" pagmamalaki ni Kyle habang iniaabot sa ama ang test paper.

Ngumiti si Donald. "Basahin mo na lang anak. Parang mas masarap madinig para ganahan akong magtrabaho palagi."

"Math 100. English 90. Filipino 100. Science 95!"

"Galing talaga ng anak ko!" Hinawakan niya ang anak sa ulo pagkatapos ay tinatapik ng isang kamay ang balikat. "Naasan nga pala si Lyn?"

"Pinauwi ko na po!" Si Lyn ang tutor ni Kyle mula pagkabata. Hindi pa man nag-aaral si Kyle ay ikinuha na niya ng tutor ang anak.

Napakunot ang noo ni Donald. "Bakit mo pinauwi anak?"

"Sabi ko sa kanya aalis tayo ngayon. May pangako ka po di ba?"

Bahagyang siyang nag-isip at inalala ang ipinangako sa bata. Naalala niya ang laruan gusto ni Kyle noong minsan silang dumaan sa Mall. "Oo nga pala. Maglilinis lang ako ng kamay. Aalis na tayo."

"Bilisin mo Papa! Baka mawala pa ang toy sa store."

Namatay sa sakit sa baga ang asawa ni Donald noong isang taon gulang pa lang si Kyle. Dala ng hirap ng buhay hindi naagapang ipagamot ni Donald ang asawa. Namamasukan siya bilang mekaniko noon kaya di sapat ang nagiging kita niya. Simula noon isinumpa ni Donald ang kahirapan. Hindi niya hahayaang danasin ni Kyle ang paghihirap niya noon. Nagtayo siya ng sariling talyer matapos makaipon. Bukod sa magaling siyang magkumpi mura lang siyang sumingil kaya madami siyang kustomer. Ibinuhos niya ang kanyang oras sa pagtatrabaho para sa ikabubuti ng anak. Kumuha siya ng tutor para tumutok sa pag-aaral ni Kyle.

"Papa, pwede bang wala na lang akong tutor?" hiling ni Kyle sa ama.

"Napag-usapan na natin ito dati. Kyle, hindi ko matutukan ang pag-aaral mo kaya kailangan natin si Lyn."

"Kaya ko na naman po. Grade Three na po ako e."

"Sa ngayon kaya mo... pero kapag mahirap na baka di kita matulungan," paliwanag niya sa anak. "Kita mo naman madami akong kustomer palagi."

Bahagyang sumimangot ang bata pero lumiwanag muli ang mukha nito matapos makita ang laruang pakay sa mall. Isang set ng pokemon duel monters.

"Nandito pa Papa!" Kinuha niya ang laruan at hinila papunta sa counter ang ama. "Miss!"

"Good afternoon po," bati ng cashier. Kinuha niya ang laruang hawak ng bata. "P 235.50 po."

"P 235.50," bulong ni Donald sa sarili. Tiningnan niya ang laman ng wallet. "Ito ang bayad." Iniabot niya ang isang daan piso.

"Sir P 235.50 po," banggit muli ng cashier. "Kulang pa po ng P 135.50."

"Pasensya na malabo na ang mata ko. Mali ang nakuha ko sa wallet ko," natatawang wika ni Donald. Sinuklian naman siya ng ngiti ng cashier. "Ito na." Iniabot niya ang limang daang piso at ibinalik sa kanya ng cashier ang isang daang piso.

Ipinasyal pa niya ang anak sa mall. Bumili ng ilan pang gamit na pwedeng makatulong sa pag-aaral ng anak. Tuwang tuwa si Kyle kaya nag-uumapaw din ang kaligayahan ni Donald.

"Ano? Gaano katagal?!" iritableng boses ni Donald.

"One month kuya," sagot ni Lyn. Humingi siya kay Donald ng bakasyon para makadalaw sa mga kamag-anak niya. "Matalino naman si Kyle kaya hindi naman siguro siya maiiwan sa klase."

"May magagawa pa ba ako." Bumalik si Donald sa pagkukumpuni ng sasakyan. Halatang masama ang loob. "Sana nagsabi ka ng maaga para nakahanap ako ng pansamantalang kapalit."

"Pasensya na talaga kuya. Biglaan din kasi ang abiso sa akin."

Hindi alam ni Donald kung saan lupalop siya kukuha ng pasamantalang kapalit ni Lyn. Bibihira sa lugar nila ang masasabing may utak at matyagang magturo sa bata. Bukod pa dito, nagiging tagasundo at hatid na din si Lyn ni Kyle dahil magkalapit ang school na pinapasukan ng bata at trabaho ni Lyn.

"Oh! Donald, bakit ikaw yata ang sundo ni Kyle ngayon?" puna ni Ms. Jazz Robleo, isang teacher din sa pinapasukan ni Kyle.

"Magbabakasyon daw muna si Lyn kaya ako muna," sagot niya.

"Wala si Ate Lyn, Papa?" singit ni Kyle kahit nadinig na niya sa ama na wala si Lyn.

"Wala e. Isang buwang wala kang tutor."

"Papa!" Hinila niya ang kamay ng kanyang ama. "May ibubulong ako sa'yo."

"Ano? Susubukan ko anak."

"Ano namang pinagbubulungan niyong mag-ama?" usisa ni Jazz. "Parating na ang tricycle."

"Ah, Eh. Sabi ni Kyle kung pwede ka daw munang substitute tutor."

"Hmmm. Pag-iisipan ko muna."

"Yes! May bago na akong tutor!" sigaw ni Kyle.

"Pag-iisipan pa daw anak."

"Ayaw mo ba sa akin Ma'am?" tanong ni Kyle. "Lagi naman po tayong magkasama sa tricycle kaya po magaan na ang loob ko sa inyo."

"Siguro nga anak ayaw niya sa atin. Pero kahit wala ka ng tutor huwag mo sanang pababayaan ang pag-aaral mo," gatong niya sa hirit ng anak.

"Opo, Papa. Huwag po sana kayo magalit kung magiging mababa ang grades ko."

"Okay! Okay! Payag na ako," mabilis na sagot ni Jazz. Nag-apir ang mag-ama.

Nagsimulang maging tutor si Jazz ni Kyle. Tuwing hapon ang session nila. Tulad ni Lyn, araw-araw silang magkasabay pumasok at umuwi. Malambing na bata si Kyle kaya hindi nakararamdan ng pagod si Jazz. Isa pa, madaling makaunawa ang bata sa mga aralin kaya parang tagapanood na lang ang ginagawa niya. Napamahal sa kanya ang bata kaya parang kapatid o higit pa sa kapatid ang turing niya.

"Alam mo Donald, palagay ko hindi kailangan ng anak mo ang tutor," suwestyon ni Jazz.

Napabaling si Donald kay Jazz. "Kailangan niya, para sa kanya din iyon." Lumakad siya papunta sa kusina. Hindi niya gustong may nakikialam sa mga desisyon kapag pag-aaral ni Kyle ang nakasalalay. Ayaw niyang makipagtalo kaya umiwas siya sa dalaga.

"Matalinong bata si Kyle. Kung tutuusin wala akong ginagawa dito kasi kaya niyang sagutan lahat," katwiran niya. "Kahit ang bata ayaw niyang tulungan siya kasi gusto niyang patunayan na kaya n'ya."

"Bata pa si Kyle para malaman ang nararapat."

"Pero dapat nakikinig ka din sa opinyon ng anak mo!"

Matigas si Donald. "May gagawin pa ako sa labas."

Nanatili ang katahimikan sa pagitan ni Donald at Jazz. May pader na humaharang kay Jazz para ilapit ng husto ang kanyang loob sa lalaki. May damdaming gustong sumabog sa loob niya. Gusto niyang imulat ang mata ni Donald pero umiiwas palagi ito. Alam niyang tahimik na tao si Donald pero hindi niya akalain na lubhang misteryoso ang pagkatao nito. Pakiramdam niya ay hindi niya kayang tumagal sa loob ng bahay buti na lang nababago ang mood niya dahil sa magiliw na pagtanggap sa kanya ni Kyle.

"Papa, galit ka ba kay Ma'am?" usisa ni Kyle.

"Hindi. Hindi anak," mabilis na sagot ni Donald.

"Ma'am, hindi daw po galit sa'yo si Papa. Ma'am, ikaw galit ka ba kay Papa?"

"Huh?" Umiwas siya ng tingin sa bata. Nagkunyari siyang busy sa pagtuturo sa bata. "Hindi Kyle."

"Hindi naman pala e." Hinila ni Kyle ang kamay ng ama. Pinaupo niya ito sa tabi ni Jazz. "Mag-usap po muna kayo. Kukuha lang po ako ng maiinom."

Kinagat ni Jazz ang kanyang labi para pigilan ang paglitaw ng kanyang ngiti. Tumingin siya kay Donald, nakangiti ito sa kanya. "Ikaw kasi." Sabay silang nagtawanan sa kanilang pag-aasal bata.

Tumayo si Donald para sundan ang anak sa kusina. Pinabalik na niya si Kyle sa sala dahil baka makabasag pa ito ng mga kasangkapan. "Kukuha lang ako ng kape."

"Sige."

"Kyle! Kyle! Nasan ang kape at asukal!" tawag ni Donald sa anak. Mataas ang kanyang boses dahil palagi niyang pangaral sa anak na dapat ibalik ang lahat ng gamit sa pinagkunan para hindi mahirap hanapin.

Halip na si Kyle ang lumapit, si Jazz ang pumunta sa kusina. "Hayan oh! Kung ahas 'yan, tutukain ka na e." Itinuro ni Jazz ang ilang bilog na sisidlan. May label ang bawat lalagyan kung ano ang laman nito.

Binuksan ni Donald ang sidsidlan para masigurado ang laman nito. "Hindi lang ako sanay na binabago ang mga gamit." Hindi siya humarap sa kausap.

"Hindi mo ba nagustuhan? Project iyan ni Kyle." Hinawakan niya ang isa at inilapit sa mukha ni Donald. "Maganda naman di ba?"

"Maganda," tipid na sagot niya. "Nasanay lang siguro akong na isang tingin ko pa lang ay alam ko na ang kukunin ko."

Ilang araw na lang matatapos na ang pagiging tutor ni Jazz. Nakabalik na din si Lyn kaya paniguradong hanap-hanapin n'ya ang presence ni Kyle. Pinagmamasdan niya ito habang inilalagay ang baon sa bag. Sa isip niya, may paghanga siya kay Donald dahil napalaki niya ng may pagkukusa si Kyle. Hindi na kailangan iutos ang mga bagay na kaya nitong gawin.

"Kyle baka mahuli na tayo!" paalala ni Jazz.

"Saglit lang po, ididikit ko lang po itong sulat." Lumapit siya sa bata at tinulungang idikit ang sulat sa pinto ng ref.

"Ano ba kasi 'yan?"

"Invitation po para kay Papa..."

"Invitation?" Binasa niya ang laman ng sulat. "Wow! Ikaw pala ang representative ng class nyo sa declamation contest! Bakit di mo na lang sabihin?"

"Gusto kong isurprise si Papa kaya di ko sinabi..."

"Oh tara na!"

Makailang ulit na hinanap ni Kyle ang kanyang ama sa karampot na bilang ng tao sa stadium ngunit bigo siya. Maging si Jazz ay umasang darating si Donald pero kahit anino ay hindi niya napansin. Bagamat nanalo si Kyle ay umuwi itong malungkot.

Gusot ang mukhang pumasok ng bahay si Kyle. Hindi niya pinansin si Donald kaya nagtaka ang ama.

"Kyle, may nangyari ba?" tanong agad niya pero hindi nagsalita ang bata. "Jazz?"

"Nagtanong ka pa?"

"Kasi di ko alam!"

"Ngayon ang ang declamation contest na matagal pinaghandaan ni Kyle!" iritableng boses ni Jazz. "Hinintay ka nga niya e. For your information, nanalo nga pala siya."

"Hindi ko alam," nalulumong sagot ni Donald. "Hindi naman sinabi sa akin."

"Hindi pa ba malinaw? Gusto ka niyang sorpresahin!" sakrastikong tugon. Para sa kanya sobra na ang pagpapahirap ni Donald sa emosyon ng bata. "Sumulat pa nga siya sa'yo." Sinulyapan niya ang sulat sa pinto ng ref pero wala na doon.

Hinubad niya ang suot na jacket at inihagis sa sofa sa sobrang pagkairita. "Hindi ko nabasa. Kung alam ko lang darating agad ako." Tulad ng dati tumalikod si Donald para iwasan ang pakikipagtalo.

"Kyle, huwag ka ng malungkot. Hindi pala nabasa ng Papa mo ang sulat. Siguro nilipad ng hangin ang sulat."

Niyakap ni Kyle si Jazz. "Buti po nandoon kayo. Kung nagkataon wala pong magsasabit sa akin ng medalya."

Bumitaw sa pagkakayakap si Jazz nang may napansin sya sa hinubad na jacket ni Donald. Sa bulsa noon ay may nakasilip na piraso ng papel na hawig sa ginawang invitation ni Kyle. Lumapit siya para makasigurado. Hindi siya nagkamali. Dumilim ang kanyang paningin dahil nakuhang magsinungaling ni Donald. Kahit wala siyang karapatang makialam ay sinugod niya ang ama ni Kyle.

"Hoy! Napakasinungaling mo!" sigaw ni Jazz. "Pati bata niloloko mo! Sinasaktan mo."

"Ano bang sinasabi mo? Sumosobra ka na ah!" Mataas na din ang kanyang boses. "Umuwi ka na nga!"

"Bakit nakukuha mong magsinungaling sa anak mo? Hinintay ka nya. Hindi mo man lang inisip ang nararamdaman niya!"

"Kulit mo. Hindi ko nga nabasa!"

Kinuha ni Jazz ang jacket ni Donald. "Ano 'to? Hindi mo nabasa o wala ka talagang pakialam sa nararamdaman ng anak mo! Hindi sapat ang materyal na bagay lang para maging masaya ang bata... Kailangan ka niya bilang ama. Pamilya.."

Umiwas muli si Donald. Ayaw niyang magsalita. Hindi niya kailangang magpaliwanag. "Pasensya na. Hindi ko talaga nabasa..."

Umiling si Jazz. "Ganyan ka naman. Lagi kang umiiwas." Hinila niya ang braso ng kausap bago pa ito makaalis. "Hindi ko alam kung nagtatanga-tangahan ka para sabihin hindi mo nabasa pero nasa bulsa mo... Siguro tanga ka nga kaya manhid ka."

"Oo tanga ako! Tanga ako!" Napaupo si Donald. Bago nagkasakit ang kanyang asawa, nadinig din nya ang mga katagang iyon. Ang inakala niyang makakaunawa sa kanya , ay sisihin pa siya sa kanyang kamangmangan kaya mahirap ang kanilang buhay. "Kasalanan ko ba kung hindi ako natutong magbasa? Kasalanan bang isipin ko ang kabutihan ni Kyle?"

Hindi napigilan ni Donald ang pagbagsak ng kanyang luha. Sariwa sa kanyang alaala ang mga pangungutyang natatanggap niya. Ang hirap na nararanasan niya sa tuwing bibili siya sa tindahan. Iniuntog niya ulo sa mesa.

"Sorry hindi ko alam." Nakaramdam ng matinding awa, paghanga at pagkapahiya si Jazz. Hindi niya alam kung tama ang ginawa niyang panghihimasok sa buhay ni Donald.

"Ngayon alam mo na kung bakit may tutor pa din sa Kyle." Tumayo siya para umiwas.

"Papa," wika ni Kyle. Hinila niya ang ama at inabutan ng lapis. Naglakad sila pabalik sa mesa. Kumuha si Kyle ng papel at iniabot sa ama. Ipinatong ni Kyle ang kamay niya sa kamay ng ama. "Papa, A. Sabihin mo A."

"A." Dahan dahan kumilos ang kamay ni Kyle at sumunod naman si Donald hanggang makabuo sila ng letter A. Gumuhit sa pisngi ni Donald ang luha dahil tanggap ng anak ang kahinaan niya.

Pasinghot-singhot na pinanood ni Jazz ang tutor ni Donald.




"B. B, Papa."

"B."

-end-

Aktibista - Maikling Kwento


Aktibista
Maikling Kwento


"Bakit gising ka pa?" tanong ni Anton nang makitang parating si Charry sa kanyang kinauupuan. Abala siya sa pagpipintura kaya hindi niya namalayan na ilang oras na lang ay sisilip na ang araw. Napatingin siya sa bilog na orasan sa may estante. "Alas dos na."

"Ako sana ang magtatanong niyan." Naupo si Charry sa kalapit na silya. Minasdan ang ginagawa ng asawa. "Hindi kita namalayang umakyat o humiga man lang sa kwarto."

"Lalakad kami mamaya. Ikaw na ang bahala sa mga bata."

"Anton, paano ang pangako mo kay Darwin?" usisa ni Charry sa kanyang asawa. Tumayo ito at tumalikod sa dismaya dahil alam niyang magtatanong na naman ang anak mamaya. Naramdaman ni Charry ang pagdampi ng palad ni Anton sa kanyang balikat. May diin at may kabig. "Aasa na naman ang bata na ikaw ang magsasabit ng medalya sa kanya mamaya."

"Ikaw na ang bahalang magpaliwanag sa kanya. Matalinong bata si Darwin kaya mauunawaan niya."

Tatlong dekada at limang presidente na ang napalitan pero patuloy pa rin sa pakikibaka para sa pagbabago si Anton. Para sa kanya hangga't may maliliit na di makapagsalita ay mananatili siyang mag-iingay sa lansangan. Buong lakas niyang ibabangon ang nasalantang karapatan ng mga dukha. At patuloy na tutuligsain ang gobyerno, kapitalista at embahada kung ang desisyon ng mga ito ay di ayon sa kapakanan ng nakararami.


Madalas may uwing balita si Anton sa pamilya tungkol sa tagumpay, pagkabigo at patas na desisyon. Masaya siyang makatulong sa mga maliliit at labanan ang mapanlamang. Hindi niya inalintana ang pasa, galos at sakit ng katawan, ang mahalaga ay naipahayag niya at ng mga kagrupo ang hinaing nila. May pagkakataong may nasasawi o lubhang nasusugatan sa mga pag-aaklas.

"Naku naman Anton! Kailan mo ba ititigil ang kabaliwan mong iyan! Napapahamak ka lang sa pagiging aktibista mo," pag-alala ni Charry sa asawa matapos umuwi itong may sugat. "Wala namang libreng gamot sa pagwewelga n'yo!"

"Malayo sa bituka 'to," pagmamalaki pa ni Anton. Putok ang kanyang ibabang labi matapos manlaban sa mga pulis. "Hindi naman ako makapapayag na ipasa ang Cha-Cha! Baka di matamasa ng mga anak natin ang kalayaang mayroon tayo ngayon!"

"Huwag naman kasing matigas ang ulo n'yo!" Nagtaas ng boses si Charry. "Bukod sa nagdulot kayo ng matinding trapiko, sumugod pa kayo sa Mendiola eh alam n'yo namang bawal doon kaya nagkagulo."

"Wala kaming nakikitang mali sa ginawa namin. Kung hindi kami tumutol baka nasa ilalim na naman tayo ng batas militar." Nanatiling mahinahon si Anton kahit mahigpit ang pagtutol ng asawa.

Bagamat maraming natutulungang estudyante, magsasaka, manggagawa at iba pang kasapi ng mababang sektor, hindi sang-ayon si Charry sa napiling paraan ng pagtulong ng asawa. Mapanganib at laging may kaba sa kanyang dibdib sa tuwing aalis ang kabiyak.

"Kuya, ano ba ang aktibista?" tanong ni Allen sa nakatatandang kapatid na si Darwin. Nakikinig pala ito sa pinag-uusapan ng mga magulang. "Aktibista daw ang itay."

"Hmmm. Sila iyong boses ng maliliit sa tuwing may gusto silang iparating sa nakatataas. Pagwewelga ang paraan para mapansin at madinig ang mga hinaing nila," paliwanag ni Darwin.

"Welga? Hinaing?" Napakamot ng ulo si Allen dahil hindi niya maintindihan ang sinabi ng kapatid.

"Ganito na lang." Kinarga ni Darwin ang kapatid. "Si Armie hindi pa marunong magsalita 'di ba?"

"Oo. Kasi maliit pa siya kuya e."

"Anong ginagawa niya para maiparating sa atin ang gusto niya?" tanong ni Darwin sa kapatid.

"Umiiyak o kaya sumisigaw."

"Tama!" Nag-apir pa ang dalawang bata. "Parang ganoon ang aktibista. Kapag may gusto silang iparating gumagawa sila ng ingay."

"Umiiyak si itay kapag may gustong iparating?" usisa muli ni Allen. Namilog ang mga mata nito habang naghihintay ng kasagutan.

"Hindi. Nagwewelga sila o kaya naman isinusulat nila sa mga malaking tela o karton."

"Ah. Halika kuya, gusto ko din maging aktibista!"

"Ikaw talaga! Huwag mo na munang isipin iyon, bata ka pa."


Hindi maiwasan ni Darwin mag-usisa sa ina sa tuwing hindi tutupad sa pangako ang kanyang ama. Hindi man lubos na maunawaan ay tinatanggap na lamang niya ito. May mga araw ngang hindi nila nakikita ang ama dahil gabi na itong umuwi galing sa trabaho o kaya naman ay maaga itong umaalis dahil sa pag-oorganisa ng rally.

"Aalis na ako! Magpapakabait kayo!" Panibagong pakikibaka muli ang susuungin ni Anton para tuligsain ang gobyerno. Hindi palalamasin ng kanyang grupo ang maanomalyang transaksyong pinasok ng tauhan ng gobyerno.

"Itay! Itay!" tawag ni Darwin mula sa bintana. Dali-dali itong bumaba ng hagdanan para habulin ang ama. "Itay, nakikinig din po ba ang mga aktibista?"

"Oo naman. Kaya nga nagkakaroon ng diyalogo para pakinggan ang magkabilang panig. Bakit anak?"

"Sandali lang po." Pumasok ng bahay si Darwin.

"Nagwewelga po kami itay!" sigaw ni Allen. Itinaas niya ang dalawang kamay habang hawak ng punit ng karton ng sapatos. Nakasulat sa karton ang pangalan ni Allen. Lumabas si Darwin bitbit ang bunsong kapatid na si Armie. At sa leeg ng bata ay may nakasabit na papel na nagsasabing nakakalakad na ito.

"Itay marunong na pong sumulat ng pangalan si Allen. Kaliwete nga po pala siya. Nakakalakad na po si Armie. Sayang po kasi wala kayo noong una niyang ginawa iyon. Tuwang tuwa po si Inay," lahad ni Darwin sa ama. "Itay, kailangan po namin ng ama.. ng gabay at patnubay. Humihiling po kami ng sapat na oras. Hinihingi po namin ito dahil karapatan po namin ito bilang anak."

"Mahal ka po namin itay," niyakap ni Allen ang ama. "Nasasaktan din po kami kapag nakikita po namin kayong may sugat."

"Itay sana marunong din po kayong makinig tulad po ng hiling n'yo sa bawat pakikibaka n'yo. Maari po ba dito na lang po kayo sa bahay?" Lumabas ng bahay si Charry para tingnan ang pamilya. "Kaarawan po ni Inay ngayon." patuloy ni Darwin.

Bumagsak ang luhang kanina pa pinipigilan ni Anton. Malaki na pala ang kayang pagkukulang. Naantig ang damdamin ni Anton sa sinabi ng anak. Ngayon lang niya naisip na habang pinupunan niya ang obligasyon sa bayan ay nagkukulang na siya sa pamilya.

"Patawarin n'yo ako mga anak kung hindi ako naging mabuting ama. Makikinig ako sa inyo hindi bilang aktibista kundi bilang ama." Niyakap niya ng buong higpit ang pamilya na tila matagal na nawalay sa kanya.

Biscuit


"Oh, Michael 'san ka ba pupunta?"

"Doon sa may pintuan ate," sagot ng bata sa kapatid habang tumatakbo palayo. "Namimigay sila ng biscuit at candy!"

Inihatid ng tingin ni Aubrey ang kapatid papunta sa kumpol ng mga batang nag-aagawan sa libreng tinapay at candy. Naiwan s'yang katabi ni Allan. Wala na sa bukabularyo niya ang muling pagbalik sa bahay ng dating kasintahan. Sa di nga lang inaasahang pagkakataon namatay ang lola ni Allan na naging malapit sa kanya. Isa pa, magandang pagkakataon din para tuluyang magkaroon ng maayos na closure ang tatlong taon nilang pagsasama.  

"K-kamusta na," may halong pait na wika ni Aubrey para basagin ang tila pader na katahimikang namagitan sa kanilang dalawa. "Kayo-"

Mag-iilang linggo pa lang noong naghiwalay ang dalawa. Napatunayan niyang may iba pang babaeng nagpapaligaya kay Allan. Noong una hindi siya naniniwala sa mga balita o talagang sarado lang ang kanyang padinig at bulag ang kanyang mata dahil sa matinding pagmamahal.

"Buntis siya," mahinang tugon ni Allan. "Three months."

Tango lang ang naging sagot ni Aubrey. Parang may malaking tinik sa kanyang lalamunan kaya di n'ya nakayang pang magsalita o magbigay man lang ng reaksyon. Nabingi siya sa sinabi ng kausap. Tatlong buwan. Mga panahong maayos naman ang takbo ng kanilang pagsasama. Gusto niya umiyak pero ayaw niyang gumawa ng eksena sa bahay. Hindi naman siya makaalis agad dahil kararating pa lang nila. Naglaro sa kanyang isip ang mga matatamis na salitang binitawin ni Allan noon. Bumalik din ang mga pangakong sila ang magsasama.

Bahagyang naputol ang kanilang pag-uusap noong sumingit ang ina ni Allan. Humingi ito ng paumahin sa gulong pinasok ng kanyang anak. Malaki daw ang pagkakaiba ng babaeng magiging ina ng anak ni Allan kaysa sa kanya. Tumaba ang kanyang puso sa mga papuri ng matanda. Sa isang banda, naawa naman siya sa babae dahil parang istranghera itong walang kausap sa may kusina. Bata pa ang babae at halatang hindi pa handa sa kanyang pinasok.

"Ilang taon na siya?" usisa niya kay Allan. "Hindi mo ba siya sasamahan sa may kusina?"

"19. Mamaya na lang siguro," tugon ng lalaki. Pitong taon ang tanda nila sa babae. "Aubrey pwede ba kitang makausap ng sarilinan."

Pumayag siya sa gusto ng dating nobyo dahil iyon din naman ang kanyang pakay. Marami siyang gustong sabihin at naghihintay lang siya ng tamang tyempo. Naupo sila sa mahabang upuang yari sa binayak na puno ng sampalok. Sa lugar na iyon madalas din silang mag-usap dati ni Allan sa tuwing gusto nilang maging pribado ang usapan.


"Masaya ako para sa'yo," sambit ni Aubrey kahit sa isip ay gusto niyang siya ang kasama ngayon ni Allan. "Nakita mo na ang pupuno sa mga pagkukulang ko."

"Hindi ko siya mahal, Aubrey." pagtatapat niya. "Natukso lang ako. Dala na din siguro ng alak. Patawarin mo ako."

Gusto niyang sumbatan ang lalaking kasama niyang nangarap na bumuo ng isang masayang pamilya. Alam niyang ibinigay na niya ang lahat sa lalaki pero nagawa pa siyang lokohin. Nagawa pa nitong sisihin ang alak at hindi ang kanyang pagiging mapusok.

"Hindi ako galit sa'yo. Tanggap ko na ang lahat. Nagpapasalamat ako sa mga oras na  inilaan mo sa akin. Naging masaya ako kaya wala akong pagsisihan." Hindi siya nagpakita ng galit dahil alam niyang mas masakit sa lalaki kung mananatili siyang mahinahon. Pinigilan niya ang paglalabas ng kahit konting emosyon.

"Ikaw pa din ang mahal ko." Matigas ang lalaki sa binitiwang salita.

"Yan din ang paniniwala ko..... Noon." Garalgal ang boses niya. Gusto pa niyang magsalita pero pinilit niyang maging matibay dahil alam niyang babagsak ang kanyang luha. Kung hahabaan pa niya ang kanya sasabihin ay baka makuha pa niyang magmakaawa na siya ang piliin kaysa sa babaeng alam niyang hindi mahal ni Allan.

"Aubrey.. Patawad..." Niyakap niya si Aubrey ng buong higpit. Gumanti naman ang babae dahil alam niyang iyon na ang huling pagkakataon na ikukulong siya sa bisig ng minamahal. Masakit tanggapin ang lahat subalit iyon ang kailangan. Kailangan niyang magpatuloy dahil sa iba na iikot ang buhay ni Allan. Nanuot sa kanyang puso ang bawat hagulhol ni Allan. Ramdam niya ang pagsisi. "Hindi ko man natupad ang pangako ko, magiging lalaki akong haharapin ang pinasok ko."

"Aasahan ko 'yan." Bumalik sa loob ang bahay ang dalawa matapos ang usapan. Namaalam na din sya sa ibang kamag-anak dahil alam niyang anumang oras ay babagsak na ang kanyang luha.

Mabigat ang kanyang mata pero maluwag ang kanyang dibdib. Sapat na ang sandaling iyon para tanggapin na tapos na lahat. Hindi na niya kailangang isumbat ang lahat dahil ang pagpapakasal sa taong hindi mahal ay sapat na bilang parusa. Tapos na ang lahat. Hindi karapat-dapat iyakan ang lalaki.

"Ate, nagugutom ka ba?" tanong ni Michael habang naglalakad sila pauwi. "Biscuit galing kina kuya Allan."

Ngumiti lang si Aubrey habang hinahaplos ang kanyang sinapupunan.

-end-

Remote control


"Para po!"

Lampas na naman ako sa bahay. Lumipad na naman ang isip ko kahit wala naman akong masyadong inaalala. Madalas akong wala sa sarili. Dala siguro ng depression. Madalas kasi akong nag-iisa at walang kakwentuhan. Isa pa, halos lumilipas lang ang araw at gabi ko ng wala man lang nangyayari. Nauubos lang ang oras ko sa harap ng computer sa opisina at tv sa bahay. Kaya di na ako magugulat kung dadating ang panahon na katropa ko na ang mga taong grasa sa daan.

Sumakay ako ng tricycle pabalik sa bahay. Kinapa ko ang aking bulsa para magbayad. Akala ko tapos na ang kamalasan pero naiwan ko na naman pala ang susi sa loob ng bahay. Kailangan ko pa tuloy puntahan ang kapatid ko para humiram ng susi. Masesermonan na naman ako. Hindi bale kesa naman matulog ako sa tabi ni chow chow.

Nag-iisa lang ako sa bahay. Simula noong nag-asawa ang mga kapatid ko, lumipat na sila ng tirahan. Sa ibang lugar naman nakatira ang magulang ko para malapit sa kanilang trabaho. Simula noon, sinanay ko ang sarili ko na kumain ng sarili kong luto kahit parang nilalason ko ang sarili ko. Si chow chow naman masuwerteng naabunan ng kapitbahay kaya kapag dumadating ako ay inaatake na siya ng impatcho.

Sinimulan kong maglakad papunta sa bahay ng kapatid ko. Maraming bumabati na di ko agad napapansin kaya minsan sinasabi nilang suplado ako. Madalas kasi naglalakad akong walang pakialam sa daan. May pagkakataon ngang muntik pa akong mabundol ng sasakyan dahil sa kabagalan ng lakad ko.

Pumasok ako sa bahay ng kapatid ko. Buti na lang, ang asawa't anak pa lang niya ang tao. Pinanood ko ang pamangkin kong si Jela habang naglalaro ng mga hanger ng damit. Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng bahay. Puno ng laruan. Natawa ako ng bahagya. Mas pinili pa kasi ng bata na paglaruan na hindi naman talaga laruan. Hiniram ko muna ang pamangkin ko para hindi makaabala sa paglalaba. Nagdala din ako ng ilang damit dahil madaling pagpawisan si Jela. Nagpaalam kami at dumiretso ng bahay.


Pagbukas ko ng pinto, tumakbo agad si Jela papasok. Lumundag sa sofa at sinigawan si chow chow. May kakulitan at kalikutan si Jela pero nakakaaliw ang pagiging aktibo niya.

Napako ang mata ko sa mga medalyang nakabitin sa isang picture frame. Mga medalyang minsang isinabit sa aking leeg. Napaisip muli ako kung gaano kahalaga ang mga palamuting ito at kailangan pang idisplay. Kung tutuusin nadidismaya ako sa tuwing makikita ko ang mga iyon dahil hanggang ngayon pangarap pa din ang mga gusto kong marating. Hindi talaga ako masaya sa takbo ng aking career.


Nabasag lang aking paghihimutok, noong lumapit sa akin si Jela. Gusto niyang manood ng Hanna Montana na ilang beses na naman niyang napanood. Ilang beses niya akong kinulit kaya napilitan akong halukayin ang mga dvd. Isinaksak ko ang dvd player at tv. Nagsimula na naman siyang sirain ang sofa sa kalulundag. Hindi agad gumana ang remote kaya napilitan akong ioperate sa mismong player. Mahina na siguro ang battery.

"Tito, ano yan?" tanong ni Jela.

"Battery." sagot ko naman agad.

"Battery? Bakit may battery?" usisa niya..

"Para gumana ang remote control."

"Bakit mo inalis?"

"Papalitan ko ng bago." Inilapag ko ang remote at battery sa mesa bago pa ako maubusan ng isasagot kay Jela. "Jela, manood ka muna dyan ha, bibili lang ako ng battery. Huwag kang lalabas baka kagatin ka ni chow chow."

"Bad si chow chow?" Ngiti lang ang sagot ako.

Tumawid ako ng kalsada at bumili ng battery sa katapat na tindahan. Bumili na din ako ng paboritong chocolate ni Jela. Bumalik agad ako ng bahay matapos makuha ang sukli.

Sinalubong agad ako ni chow chow pagkatawid ko ng kalsada. "Chow chow!" Sinipa ko ang aso noong makita kong kagat-kagat niya ang remote control. "Bwisit ka!" Tumakbo ang aso papasok ng bahay at nagtago sa ilalim ng mesa. Palalabasin ko pa sana ng bahay si chow chow pero nakita ko si Jela na nakaupo sa sulok malapit sa mesa. Hindi siya nagsasalita.

Nilapitan ko siya at nagsimulang umiyak. Itinuturo niya ang kanyang lalamunan. Umalis si chow chow sa ilalim ng mesa at tinahulan ang nag-iisang battery sa ibabaw ng mesa.

-end-