Skinpress Rss

Remote control


"Para po!"

Lampas na naman ako sa bahay. Lumipad na naman ang isip ko kahit wala naman akong masyadong inaalala. Madalas akong wala sa sarili. Dala siguro ng depression. Madalas kasi akong nag-iisa at walang kakwentuhan. Isa pa, halos lumilipas lang ang araw at gabi ko ng wala man lang nangyayari. Nauubos lang ang oras ko sa harap ng computer sa opisina at tv sa bahay. Kaya di na ako magugulat kung dadating ang panahon na katropa ko na ang mga taong grasa sa daan.

Sumakay ako ng tricycle pabalik sa bahay. Kinapa ko ang aking bulsa para magbayad. Akala ko tapos na ang kamalasan pero naiwan ko na naman pala ang susi sa loob ng bahay. Kailangan ko pa tuloy puntahan ang kapatid ko para humiram ng susi. Masesermonan na naman ako. Hindi bale kesa naman matulog ako sa tabi ni chow chow.

Nag-iisa lang ako sa bahay. Simula noong nag-asawa ang mga kapatid ko, lumipat na sila ng tirahan. Sa ibang lugar naman nakatira ang magulang ko para malapit sa kanilang trabaho. Simula noon, sinanay ko ang sarili ko na kumain ng sarili kong luto kahit parang nilalason ko ang sarili ko. Si chow chow naman masuwerteng naabunan ng kapitbahay kaya kapag dumadating ako ay inaatake na siya ng impatcho.

Sinimulan kong maglakad papunta sa bahay ng kapatid ko. Maraming bumabati na di ko agad napapansin kaya minsan sinasabi nilang suplado ako. Madalas kasi naglalakad akong walang pakialam sa daan. May pagkakataon ngang muntik pa akong mabundol ng sasakyan dahil sa kabagalan ng lakad ko.

Pumasok ako sa bahay ng kapatid ko. Buti na lang, ang asawa't anak pa lang niya ang tao. Pinanood ko ang pamangkin kong si Jela habang naglalaro ng mga hanger ng damit. Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng bahay. Puno ng laruan. Natawa ako ng bahagya. Mas pinili pa kasi ng bata na paglaruan na hindi naman talaga laruan. Hiniram ko muna ang pamangkin ko para hindi makaabala sa paglalaba. Nagdala din ako ng ilang damit dahil madaling pagpawisan si Jela. Nagpaalam kami at dumiretso ng bahay.


Pagbukas ko ng pinto, tumakbo agad si Jela papasok. Lumundag sa sofa at sinigawan si chow chow. May kakulitan at kalikutan si Jela pero nakakaaliw ang pagiging aktibo niya.

Napako ang mata ko sa mga medalyang nakabitin sa isang picture frame. Mga medalyang minsang isinabit sa aking leeg. Napaisip muli ako kung gaano kahalaga ang mga palamuting ito at kailangan pang idisplay. Kung tutuusin nadidismaya ako sa tuwing makikita ko ang mga iyon dahil hanggang ngayon pangarap pa din ang mga gusto kong marating. Hindi talaga ako masaya sa takbo ng aking career.


Nabasag lang aking paghihimutok, noong lumapit sa akin si Jela. Gusto niyang manood ng Hanna Montana na ilang beses na naman niyang napanood. Ilang beses niya akong kinulit kaya napilitan akong halukayin ang mga dvd. Isinaksak ko ang dvd player at tv. Nagsimula na naman siyang sirain ang sofa sa kalulundag. Hindi agad gumana ang remote kaya napilitan akong ioperate sa mismong player. Mahina na siguro ang battery.

"Tito, ano yan?" tanong ni Jela.

"Battery." sagot ko naman agad.

"Battery? Bakit may battery?" usisa niya..

"Para gumana ang remote control."

"Bakit mo inalis?"

"Papalitan ko ng bago." Inilapag ko ang remote at battery sa mesa bago pa ako maubusan ng isasagot kay Jela. "Jela, manood ka muna dyan ha, bibili lang ako ng battery. Huwag kang lalabas baka kagatin ka ni chow chow."

"Bad si chow chow?" Ngiti lang ang sagot ako.

Tumawid ako ng kalsada at bumili ng battery sa katapat na tindahan. Bumili na din ako ng paboritong chocolate ni Jela. Bumalik agad ako ng bahay matapos makuha ang sukli.

Sinalubong agad ako ni chow chow pagkatawid ko ng kalsada. "Chow chow!" Sinipa ko ang aso noong makita kong kagat-kagat niya ang remote control. "Bwisit ka!" Tumakbo ang aso papasok ng bahay at nagtago sa ilalim ng mesa. Palalabasin ko pa sana ng bahay si chow chow pero nakita ko si Jela na nakaupo sa sulok malapit sa mesa. Hindi siya nagsasalita.

Nilapitan ko siya at nagsimulang umiyak. Itinuturo niya ang kanyang lalamunan. Umalis si chow chow sa ilalim ng mesa at tinahulan ang nag-iisang battery sa ibabaw ng mesa.

-end-