Skinpress Rss

Bote at Pangarap


"Koo-leektor ka?" bungad sa akin ng lalaking sa palagay ko ay edad kuwarenta. Hindi na tuwid ang kanyang pananalita dala ng kalasingan kahit wala pang alas dyes ng umaga. "Lahat ng koolektor dito ay nagbibigay sa akin... sham-pong piisso.." patuloy niya habang senisenyasan akong magbigay ng pera sa kanya. Akala ko sa pelikula lang ni FPJ nangyayari ang mga ganoong scenario. Wala pa naman akong kakilala sa lugar kaya medyo may namuong takot sa akin.

"Hindi po. Hinahanap ko lang po ang bahay ni Alice... Alice Sanchez." Maliit lang ang bayan ng Rizal sa bayan ng Laguna pero di ko ko agad nakita ang bahay na hinahanap ko dahil di ako pamilyar sa lugar. Hindi ko nga alam na mayroon palang bayan ng Rizal sa mapa ng Laguna. Naging palatandaan ko lang ang Rizal Reacreation Center na nakasulat sa sketch form ng loan application.

Tumayo ang isang lalaki at hinawi ang kamay ng lasing na sumalubong sa akin.. "Asawa ko po si Alice," sagot ng lalaking kasama sa umpok ng nag-iinuman. "Ano pong kailangan?"

Bahagya akong nadismaya. Magsasagawa ako ng BI/CI investigation para sa asawa ng lalaking nasa inuman na agad. Habang ang kanyang asawa ay nagkukumahog mangutang siya naman ay narito't nagpapasarap sa halip na gumawa ng pagkakakitaan. Laborer ang nakasulat na trabaho ng asawa ni Alice. Ibig sabihin sa ngayon ay walang trabaho ang lalaking kaharap ko. "Sa Microfinance po ako. Nag-apply po kasi ang asawa n'yo ng loan baka po pwede makausap."

Nagpaalam muna ang asawa ni Alice na nagpakilalang si Roldan sa mga kainuman. Pumasok kami sa gate na pula at kumanan pagsapit sa bahay na puno ng mga nanay na naglalaro ng bingo. "Pasok po kayo."

Bago ako naupo ay napansin ko ang mga medalyang nakasabit sa dingding bukod pa ang mga certificate of merit na medyo burado na ang mga nakasulat. Tiningnan ko ang application, bata pa ang mga anak ni Alice para humakot ng mga medalya. Pito at anim na taon pa lamang ang nag-aaral. Tumayo muna ako habang hinihintay lumabas si Alice. Nagluluto pa daw ang pastilyas kaya di agad maharap dahil baka masunog. Tinitigan ko ang mga medalyang lampas sa bilang ng aking mga daliri. Kay Alice pala ang mga iyon base sa mga nakaukit na pangalan sa medalya.

Base sa criteria ng Credit Investigation ko, hindi papasa o sasapat ang asset sa bahay nina Alice. Electric fan lang ang nakitang may kuryenteng gamit sa bahay. Hindi din ako matatakot maglakad sa gabi kahit walang ilaw dahil walang gamit akong mababasag o mabubundol.

Ilang saglit pa ay lumabas na si Alice. Maganda ang kanyang ngiti habang pinupusan ang kamay gamit ang laylayan ng suot na damit. "Magandang araw po," bati niya sa akin. "Anak sa labas ka muna," utos ni Alice sa anak na noon ay bigla na lamang sumulpot mula sa kusina.

Ngumiti ako bilang tugon. "Dami n'yo naman medal. Sa akin best in attendance lang, ribbon pa," pagbibiro ko. "Honor po kayo dati?"

"Valedictorian..." mahinang sagot niya.

"Wow! Bakit di po kayo nag-college?" Hindi naglalayo ang edad namin ni Alice kaya kung gagamitin niya ang talino, malayo ang mararating niya.

"Eh, nakapag-asawa po agad. Ayaw nga po akong ipakasal agad dahil sayang ang scholarship ko noon kaso buntis na e." Matagal bago nakapagsalita si Alice. Nakatingin din siya sa mga medalyang minsan ay nagpangiti sa kanyang mga magulang. "Ayaw ko naman pong makasama ang anak ko sa madaming bata na walang ama. Hindi ko na naman naituloy ang pag-aaral dahil maselan ang pagbubuntis ko."

Bakas sa mukha ni Alice ang panghihinayang. Siguro kung hindi siya naging mapusok noon ay mas maayos sana ang buhay niya ngayon. "Aral na lang po ulit kapag may pagkakataon."

Sabi ng lolo ko noon, mag-aral ako ng mabuti bilang sukli na din sa pag-aalaga nila sa akin. Magsikap daw kahit pabagsak-bagsak ako sa mga subject ko dahil di lang ang mga matatalino ang nagkakaroon ng maganda trabaho. Sa kaso ni Alice tama si lolo. Hindi sapat ang talino lang para magkaroon ng maayos na buhay. Kailangan din ng action. Kailangan isabuhay ang natutunan.

Kaninang umaga bago ako pumunta dito sa Rizal, nanood kami ng isang video tungkol sa sucess. Noong una naging mahiwaga sa akin ang topic. Tinanong kasi ng speaker sa video kung ilang percent na ang naachieve ng mga listener sa kanilang pangarap sa buhay o ilang percent na bago makamit ang success. Napaisip din ako. Ilang percent na nga ba? Siguro 80% na. Pamilya na lamang ang kulang 100% na.


Habang tumatagal ang video, nawala na ang interes ko sa panonood. Hindi na ako sang-ayon sa sinasabi ng speaker dahil ang pera at materyal na bagay na ang measurement niya ng pangarap at success. Kung pera din lang at materyal ang sukatan, bakit may mga taong pilit nagpaparami ng pera kahit puno na ang kanilang bulsa? Hindi pa ba sila successful kahit kaya na nilang bilhin lahat ng materyal na bagay? May mga tao ding hilig magpadami ng titulong ikakabit sa kanilang pangalan kahit salat sa financial pero masasabi nilang naabot na nila ang kanilang pangarap. May mga tao ding namatay ng walang pera pero nakuha pa nilang ngumiti dahil naging maayos ang pagpapalaki sa kanyang mga anak. Gusto ko sanang tumutol sa speaker dahil mali ang kanyang sinasabi kaso video lang siya.

Tulad nga ng hinala ko, walang trabaho sa ngayon ang asawa ni Alice. Matalino nga ba si Alice? Bakit niya pinili ang isang taong wala man lang responsibilidad sa katawan? Siguro dala nga ng pagmamahal.

Paglabas ko ng bahay, alam ko na ang resulta ng CI/BI. Reject. Bagsak. Layunin ng microfinancing na tumulong sa mga taong gustong magkaroon ng maliit na negosyo sa pamamagitan ng pagpapahiram ng halaga para maging puhanan. Pero bakit nga ba di pumasa si Alice? Dahil ayaw kong mahirapan lalo si Alice. Maaring mapahiram siya ng puhunan pero lalo siyang maghihirap dahil sa interes na dadagdag sa tuwing di siya makakabayad. Naputulan pala ng kuryente sina Alice, ibig sabihin wala silang kakayanang mag-amortize ng loan.

Bago pa ako nakasakay ng tricycle nakita kong ang isang batang namumulot ng basura sa tabing kalsada. Pamilyar sa akin ang bata dahil iyon ang nasa bahay kanina ni Alice. Alam kaya ng magulang ang ginagawa ng kanilang anak? Hindi ba nahihiya ang isang ama sa pagsisikap ng isang bata?

"Masipag talaga ang batang 'yan," sambit ng matandang nasa may karinderya nang mapansing nakatitig ako sa bata. "Wala kasi pagkukunan ng baon kaya araw-araw ganyan 'yan. Matalinong bata kaya sayang kung di makakatapos."

Tumango ako. Hindi dapat ako maawa sa bata dahil paghanga ang deserve niya. Gusto ko sana siyang abutan ng pera para may panggastos kahit ilang araw lang pero hindi limos ang kailangan ng bata dahil marunong na siyang magsikap. Kung masasanay siya sa limos maaring mawala ang determinasyon niyang magpatuloy..

"Isa nga pong mineral water." Mabilis kong ininom ang tubig at inihagis sa bata. Nagpalitan kami ng ngiti pagkapulot niya sa bote ng tubig. Mas matamis nga naman ang tagumpay kung pinaghihirapan.

-end-


Related post:

Aral sa Isang Eskinita