Skinpress Rss

Utang


"Kahit 300 lang pinsan," kakamot-kamot sa ulong wika ko.

"Saan mo na naman gagamitin ang pera? May utang ka pa sa akin noong nakaraan," tugon naman niya.

"Maghahanap ng trabaho. Babayaran ko din naman agad kapag nagkapera."

"Tumutulong ka na lang sa nanay mong magtinda ng ihaw-ihaw siguro hindi ka aabot sa pangungutang. At kung naipon mo ang mga ipinahiram ko sa'yo malamang may sarili ka ng puhunan."

"Minalas lang talaga pinsan," pagtatanggol ko sa sarili ko, "kung hindi siguro para sa akin ang mga inaaplyan ko baka may mas malaking naghihintay sa akin."

"Sabihin mo, mas nauuna ang bisyo bago ang hanap ng trabaho," pangusong turo niya sa hawak kong yosi. Iniabot ni pinsan ang hiniram kong tatlong daan. Madali naman hiraman ng pera ang pinsan ko palibhasa nakaluluwag sa buhay at natural na sa kanya ang pagiging matulungin sa kamag-anak. Kailangan lang munang makinig sa sermon bago bitawan ang pera. "Bayaran mo ako agad para di naman madala. Mag-iingat ha!"

"Salamat pinsan. Iiwan ko na din muna sa'yo ang relo ko may kaunti lang gasgas pero mataas pa ang presyo n'yan."

"Naku Daruis, ito na nga lang ang huling remembrance ng pag-aabroad mo!"

"Okay lang pinsan! Kesa naman mabenta ko pa, eh sayo pwede kong bawiin anytime kapag nagkapera ako."


Ipinangako ko sa sarili ko na hindi ako babalik sa kinagisnan kong buhay. Pero parang kusa akong hinihila ng pagkakataon para bumalik sa multo ng nakaraan. Kung tutuusin may choice naman akong tumanggi o umiwas pero matindi na talaga ang aking pangangailangan.

Pumunta ako ng department store ang binili ang laruan baril gamit ang ipinahiram sa akin ni pinsan. Hindi halatang laruan ang baril kung tititigan. May sukli pang tatlong piso, saktong pambili ng yosi at isang kendi. Wala ng atrasan. Isang subok lang at hindi na talaga ako babalik. Timing lang ang kailangan para di mapahamak.

"Ano handa na ba?" tanong ni Nick.

"Oo. Ready na!" mabilis na sagot ko.

"Bakit laruan yata dala mo?"

"Kung babae ang bibiktimahin di na natin kailangan ng totoo."

"May punto ka. Sana lang puro nga babae."

"P're after nito hiwa-hiwalay na ha! Huli na 'to."

"Walang problema. Kung gusto mo pagkatapos ng hatian hindi na agad tayo magkakilala."

Libertad ang aming target. Maraming tao. Lahat nagmamadali. Konting hiwa lang ni Nick sa bag may jackpot agad. Ganun kasimple. Halos hindi na ako nagtrabaho, paniniksik lang ang ginagawa ko. Namimili din naman ako ng bibiktimahin, dapat mukhang masyadong mapagmataas at ubod ng palekera sa mga tindahan. Sila kasi ang madaming dala madalas.

Ala sais na siguro noong nakatapos na kami. Akala ko uwian na pero humirit pa si Nick noong sumakay kami ng jeep. Sigaw agad ng hold-up si loko noong nasa madilim na lugar ang jeep. Hindi man lang ako pinaupo. Isa-isa isang kong inagaw ang dalang bag ng mga sakay sa parteng hulihan habang nakatutok ang laruang baril. Si Nick naman ang bahala sa mga nakapwesto sa parteng unahan. Tumalon ako sa jeep pagkatapos makulimbat ang pakay. Matagal bago nakasunod sa akin si Nick. Humahangos.

"Akala ko kung napano ka na!" wika ko.

"Ugok! Iniwan mo ako e."

"Oh bakit may dugo ka?"

"Iyong... Iyong isang lalaki kasi.."

"Hinga muna.."

"Iyong isang lalaki kasi nanlaban pa. Napuno ako. Inundayan ko nga ng isa."

"Usapan walang masasaktan ah? May nakuha ka naman?"

"Nagkabiglaan e. Ayaw kasi ibigay ang suot na relo kasi sa pinsan daw niya." Tuloy ang kwento ni Nick habang ipinakikita sa akin ang relo. "May kaunting gasgas lang pero palagay ko mataas pa yan sa bentahan. O kung gusto mo sa'yo na lang!"

Unti-unti akong natitigilan habang iniaabot niya sa akin ang relo. Hindi ako nagkamali. Iyon ang relo kong ibinigay ko kay pinsan. Gusto kong tumakbo pabalik sa jeep pero natatakot akong mamukhaan.

-end-


Tweet ka lang may kita pa! sign up now and get P15 for every sign up. click here to start .