Skinpress Rss

Pamakawan - Maikling Kwento


"Kamusta, anak?"

Blankong mukha ang sagot ko sa tanong ni Rolando. Hindi ko inaasahang ang taong kinamumuhian ko ang sasalubong sa aking pag-uwi. Umuwi na pala siya, dumalaw siguro. Kamusta? Para bang wala siyang naalala sa mga ginawa niya at kamusta agad ang tanong niya. Ni hindi ko nga siya matawag na Tatay.

"'Nay, anong ginagawa niya dito?"

"Dito na muli titira ang tatay mo."

"Ano?"

Malaki ang bahay pero pakiramdam ko ay napakasikip dahil sa presensya ni Rolando. Matagal ng burado sa isip ko na may ama ako. Anim na taon ako noong una siyang umalis ng bahay. Nagmamakaawa noon ang nanay habang nakahawak sa kanyang mga binti pero tila bingi siyang umalis at hindi man lang nakuhang lumingon. Wala akong alam noon sa nangyayari pero ramdam ko ang kirot lalo noong niyakap ako ng nanay. Lumuluha at nagtatanong kung paano na kami.

Hindi ko na nakitang ngumiti noon ang nanay. Bata lang ako, anong magagawa ko para mapawi ang lungkot niya? Wala. Gabi-gabi siyang nakaharap sa altar. Nakapikit at lumuluha. Yakap ang tanging sukli ko sa bawat hikbing nadidinig ko. Hindi ko man maibsan ang sakit na nararamdaman niya gusto kong malaman niyang hindi siya nag-iisa. Isinumpa ko noon na iyon na ang huling patak ng luhang mangagaling kay nanay.

Habang nagpapakasaya ang mga kapatid ko sa labas, naranasan kong gumapang sa hirap. Ang magtiis ng gutom sa paghihintay sa pag-uwi ng nanay. Ang magsabaw ng kape sa kanin, pumasok sa eskwela na kulang ang butones ng polo, ang maligo ng walang sabon at higit sa lahat ang pagtawanan sa tuwing madidinig ang kabag ng tyan .

Wala akong mahilig sa sports noon pero pilit kaming nilalaro ng tadhana. Nagkasakit si Nanay. Inaapoy siya ng lagnat at dinadalahik ng ubo. Umiiyak ako noon habang yakap siya. Wasak na ang huling alkansaya, kahit isang paracetamol hindi ko kayang bumili. Ginising ko ang mga kapitbahay. Sumigaw ako hanggat kaya ko. Lumuhod ako sa bawat pintuan, mailigtas lang ang nanay. Hindi ko inalintana ang lakas ng buhos ng ulan. Ang mahalaga madinig ako.

May hindi nagdamot ng tulong at isinugod agad sa ospital ang huli kong kayamanan. Tubercolosis ang tumampalasan sa kalusugan niya. Sa tulong ng mga kapitbahay gumaling siya pero labis ang kanyang panghihina. Kumupis ang kanyang mukha. Kapit ang balat sa buto. Lahat ng nangyari ay isinisisi ko sa isang tao. Kay Rolando. Gusto kong sumuko pero hindi dapat. Ako na na lang ang natitira kay nanay. Alam ko, hindi lahat ng tao ay isinilang na mayaman, hindi lahat dinadapuan ng swerte, pero lahat ng tao binigyan ng pagkakataong magsikap. Iyon ang huli kong pinanghahawakan.

Tumigil ako sa pag-aaral kahit labag sa loob ko. Paltos na ang tsinelas ko, hindi ko na kayang lakarin ang eskwelahan ng nakapaa. Sumama ako kina JP sa pamumulot ng basura. Niyakap ko ang init ng araw para malamnan ang kumakalam na sikmura. Binalewala ko ang pananakit ng ibang bata kapag nauunahan ko sila sa pwesto. Tiniis ko ang inggit sa tuwing makikita kong masayang naglalaro ang mga dati kong kaklase. Pero mas masakit makita ang bagong pamilya ni Rolando, ni hindi man lang nadudungisan ang kanilang damit. May puwang pa kaya ang ginhawa sa akin? Hindi ko nga matandaan kung may naipagdiwang pa akong kaarawan.


Makalipas ang sampung taon ng nakaririmarin na pinagdaanan namin, bumalik si Rolando. Hindi na ako nagtanong o nag-usisa. Alam kong kagustuhan iyon ng nanay. Kahit di ako interesado sa kwento ni nanay, hiwalay na daw si Rolando at ang kerida niya kaya pwede na daw mamuhay ulit ng maayos. Mumuntikan ko pang sumbatan ang nanay dahil hindi man lang niya tinanong ang aking opinyon.

Sa hiling ni nanay pag-aralan ko daw patawarin ang lalaking sumira ng aming buhay. Bukal naman daw sa kanyang loob ang pagbabago. Sa tingin ko malabo mangyari ang gusto ni nanay pero kusang nangusap ang mga labi ko, hindi man literal, ang kausapin ko siya ay senyales ng pagpapatawad. Siguro dahil naramdaman ko ang pagkakaroon ng isang ama.

Kahit di regular ang kanyang trabaho ay nakakatulong din. Hindi na kailangan ng nanay magbitbit ng mabigat na paninda. Ngumingiti na ulit ang nanay. Masaya akong nakikita siyang ganoon. Ganito pala ang pakiramdam kapag buo ang pamilya. Nagbalik ang tiwala ko kay Rolando. Hindi naman niya ako binigo, nakaramdaman ako ng saya kasama siya. Sinuklian din niya ng maayos na pakikitungo ang mga taong kumalinga sa amin noong panahong hikahos kami.


Isang balita ang gumising sa akin, isang umaga. Nawalan ng ulirat ang nanay sa may pintuan. Muli kaming iniwan ng magaling kong ama sa kagustuhan makatakas sa dinadanas na hirap. Akala ko habang buhay na ang kanyang pagbabago pero apat na taon lang pala ang kaya niya. Tapos na daw ng kolehiyo ang mga anak niya sa labas kaya minabuti niyang bumalik.

Muling sumibol ang nasupil na galit. Nabuhay kami ng wala siya kaya kakayanin naming muli. Nagpakatatag si nanay sa paniniwalang magbabalik pa sumira ng aming buhay. Pilit kong pinasarhan ang puso niya para kay Rolando pero siya mismo ang gumagawa ng paraan para magkita sila. Kahit maikling sandali. Kahit patakas. Siya ang legal na asawa kaya di ko maunawaan ang ginagawa niya. Nasasaktan ako sa tuwing ginagawa niya iyon.



At ngayon, muli ngang nagbalik si Rolando. Hindi ko alam kung saan siya kumukuha ng lakas ng loob para magpakitang muli. Gusto kong pakawalan ang nakatikom kong kamao, pero hindi matutumbasan ng pisikal na sakit ang nararamdaman ko.

"Mapatawad mo sang muli ang tatay mo, Ronald." Nakaharap ako sa salamin hindi para tingnan ang aking sarili kundi para tanawin ang dalawang tao sa aking likuran. Kapwa naghihintay ng salita mula sa akin. Matalim ang kaya kong pakawalan kaya minabuti kong tumahimik. Palapit sa akin si Ronaldo pero bago pa niya ako mahawakan ay umiwas na ako.

Umalis ako ng bahay. Hindi ko kayang manatili sa isang lugar na kasama si Rolando. Sa ngayon, wala ng puwang para magpatawad. Upos na ang kandila ng aking pasensya. Wala na akong ama!


"Roland, hinahanap ka ng nanay mo," humahangos na salubong sa akin ni JP sa junkshop. "Kausapin mo na ilang araw na siyang pabalik-balik."

"May kasama?"

"Wala. Hindi ko napansin ang tatay mo."

Nagbigay ako ng galang pagkakita ko kay nanay. Mahigpit ang pagkakayakap ko sa kanya. "Napadalaw kayo?"

"Anak, umuwi ka na, matagal kang hinintay ng tatay mo," wika ni nanay. "Gusto niyang mapatawad mo siya."

"'Nay, minsan ko ng siyang pinatawad, pinagtiwalaan pero sinira niya. Ang minsan niyang nagawa ay kaya n'yang gawin ng paulit-ulit."

"Hindi na, anak. Hinding-hindi na." Bumagsak ang luha sa mata ni nanay. Nabali ang aking sumpang di ko na siya makikitang lumuluha. "Umuwi ka na, sa huling araw niya sa mundo, tayo ang pinili niyang makasama. Sana bago man lang siya ilibing ay bumisita ka sa bahay."

Humakbang ang nanay palayo. Nanigas ang katawan ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdamam ko. Naramdaman ko ang pagbigat ng aking dibdib. Ang pamumuo ng luha sa aking mata. Hindi. Hindi dapat. Walang luha ang babagsak para sa walang kwentang tao.

Tinangay ako ng isang kong paa pauwi habang ang isa ay may alinlangan. Nagbalik sa aking alaala lahat ng hirap na dinanas ko noong iniwan kami ni Rolando. Ang iyak ni nanay sa tuwing haharap siya altar. At pagluhod ko noong may sakit si nanay. Tikom ang aking mga palad. Galit ako.

Subalit noong niyakap ako ni nanay mas naramdaman ko ang pangungulila. Ang apat na taong pinagsamahan namin bilang isang buong pamilya. Ang ngiti ni nanay. Ang http://www.blogger.com/img/blank.gifhalakhak ng lalaking nakaburol sa tuwing magkasama kami. Lumambot ang akala ko ay bato ko ng puso. Niyakap ko ang huling larawang naitago ni nanay ng lalaking pumanaw. Napaluhod ako habang umiiyak. Sinuntok ko ang sahig dahil sa nag-uumapaw na sakit at hinagpis.

"Tatay," hindi ko alam kung paano ko nabitawan ang salitang tatay. Alam ko masama pa din ang loob ko sa kanya. "..kahit kailan madaya ka lagi kang umaalis kung kailan gusto kong sabihing mahal kita..."

-end-