Skinpress Rss

Biscuit


"Oh, Michael 'san ka ba pupunta?"

"Doon sa may pintuan ate," sagot ng bata sa kapatid habang tumatakbo palayo. "Namimigay sila ng biscuit at candy!"

Inihatid ng tingin ni Aubrey ang kapatid papunta sa kumpol ng mga batang nag-aagawan sa libreng tinapay at candy. Naiwan s'yang katabi ni Allan. Wala na sa bukabularyo niya ang muling pagbalik sa bahay ng dating kasintahan. Sa di nga lang inaasahang pagkakataon namatay ang lola ni Allan na naging malapit sa kanya. Isa pa, magandang pagkakataon din para tuluyang magkaroon ng maayos na closure ang tatlong taon nilang pagsasama.  

"K-kamusta na," may halong pait na wika ni Aubrey para basagin ang tila pader na katahimikang namagitan sa kanilang dalawa. "Kayo-"

Mag-iilang linggo pa lang noong naghiwalay ang dalawa. Napatunayan niyang may iba pang babaeng nagpapaligaya kay Allan. Noong una hindi siya naniniwala sa mga balita o talagang sarado lang ang kanyang padinig at bulag ang kanyang mata dahil sa matinding pagmamahal.

"Buntis siya," mahinang tugon ni Allan. "Three months."

Tango lang ang naging sagot ni Aubrey. Parang may malaking tinik sa kanyang lalamunan kaya di n'ya nakayang pang magsalita o magbigay man lang ng reaksyon. Nabingi siya sa sinabi ng kausap. Tatlong buwan. Mga panahong maayos naman ang takbo ng kanilang pagsasama. Gusto niya umiyak pero ayaw niyang gumawa ng eksena sa bahay. Hindi naman siya makaalis agad dahil kararating pa lang nila. Naglaro sa kanyang isip ang mga matatamis na salitang binitawin ni Allan noon. Bumalik din ang mga pangakong sila ang magsasama.

Bahagyang naputol ang kanilang pag-uusap noong sumingit ang ina ni Allan. Humingi ito ng paumahin sa gulong pinasok ng kanyang anak. Malaki daw ang pagkakaiba ng babaeng magiging ina ng anak ni Allan kaysa sa kanya. Tumaba ang kanyang puso sa mga papuri ng matanda. Sa isang banda, naawa naman siya sa babae dahil parang istranghera itong walang kausap sa may kusina. Bata pa ang babae at halatang hindi pa handa sa kanyang pinasok.

"Ilang taon na siya?" usisa niya kay Allan. "Hindi mo ba siya sasamahan sa may kusina?"

"19. Mamaya na lang siguro," tugon ng lalaki. Pitong taon ang tanda nila sa babae. "Aubrey pwede ba kitang makausap ng sarilinan."

Pumayag siya sa gusto ng dating nobyo dahil iyon din naman ang kanyang pakay. Marami siyang gustong sabihin at naghihintay lang siya ng tamang tyempo. Naupo sila sa mahabang upuang yari sa binayak na puno ng sampalok. Sa lugar na iyon madalas din silang mag-usap dati ni Allan sa tuwing gusto nilang maging pribado ang usapan.


"Masaya ako para sa'yo," sambit ni Aubrey kahit sa isip ay gusto niyang siya ang kasama ngayon ni Allan. "Nakita mo na ang pupuno sa mga pagkukulang ko."

"Hindi ko siya mahal, Aubrey." pagtatapat niya. "Natukso lang ako. Dala na din siguro ng alak. Patawarin mo ako."

Gusto niyang sumbatan ang lalaking kasama niyang nangarap na bumuo ng isang masayang pamilya. Alam niyang ibinigay na niya ang lahat sa lalaki pero nagawa pa siyang lokohin. Nagawa pa nitong sisihin ang alak at hindi ang kanyang pagiging mapusok.

"Hindi ako galit sa'yo. Tanggap ko na ang lahat. Nagpapasalamat ako sa mga oras na  inilaan mo sa akin. Naging masaya ako kaya wala akong pagsisihan." Hindi siya nagpakita ng galit dahil alam niyang mas masakit sa lalaki kung mananatili siyang mahinahon. Pinigilan niya ang paglalabas ng kahit konting emosyon.

"Ikaw pa din ang mahal ko." Matigas ang lalaki sa binitiwang salita.

"Yan din ang paniniwala ko..... Noon." Garalgal ang boses niya. Gusto pa niyang magsalita pero pinilit niyang maging matibay dahil alam niyang babagsak ang kanyang luha. Kung hahabaan pa niya ang kanya sasabihin ay baka makuha pa niyang magmakaawa na siya ang piliin kaysa sa babaeng alam niyang hindi mahal ni Allan.

"Aubrey.. Patawad..." Niyakap niya si Aubrey ng buong higpit. Gumanti naman ang babae dahil alam niyang iyon na ang huling pagkakataon na ikukulong siya sa bisig ng minamahal. Masakit tanggapin ang lahat subalit iyon ang kailangan. Kailangan niyang magpatuloy dahil sa iba na iikot ang buhay ni Allan. Nanuot sa kanyang puso ang bawat hagulhol ni Allan. Ramdam niya ang pagsisi. "Hindi ko man natupad ang pangako ko, magiging lalaki akong haharapin ang pinasok ko."

"Aasahan ko 'yan." Bumalik sa loob ang bahay ang dalawa matapos ang usapan. Namaalam na din sya sa ibang kamag-anak dahil alam niyang anumang oras ay babagsak na ang kanyang luha.

Mabigat ang kanyang mata pero maluwag ang kanyang dibdib. Sapat na ang sandaling iyon para tanggapin na tapos na lahat. Hindi na niya kailangang isumbat ang lahat dahil ang pagpapakasal sa taong hindi mahal ay sapat na bilang parusa. Tapos na ang lahat. Hindi karapat-dapat iyakan ang lalaki.

"Ate, nagugutom ka ba?" tanong ni Michael habang naglalakad sila pauwi. "Biscuit galing kina kuya Allan."

Ngumiti lang si Aubrey habang hinahaplos ang kanyang sinapupunan.

-end-