"Nandyan po si Analie Regala?" tanong ko sa matandang babaeng may pinupunasang bata pagsapit ko ng Patria Village. Dinala ako ng aking mga paa sa 811 Lavander St. ng sikat na subdivsion base na din sa nakasulat sa sketch form. Naglalakihan ang mga bahay sa Village pero ang mga nakatira sa Lavander St. iba. Halos yari sa mahihinang materyales at plywood ang mga bahay sa lugar. Mataas na bakod ang naghahati sa dalawa. Salamin ng makasalungat na mundo ng kahirapan at karangyaan. Isang maliit na right of way ang ibinigay ng Patria na kasya lamang ang tao at isang aso ang nagsisilbing daan ng mga nakatira sa Lavander St para makarating ng highway.
"Naku! Wala pa po e. Kanina pang umaga umalis. Iniwan nga ang mga batang ito ng hindi man lang naliliguan e." sagot ng babae. "Hintayin mo na at baka parating na din."
"Kaano-ano n'yo po si Analie?" usisa ko.
"Anak ko. Sa bangko ka ba? Halos araw-araw may naniningil sa batang 'yon e."
Tumango ako. "Nag-aapply po kasi siya ng loan. Microfinancing po. Anak po ni Analie?" tukoy ko sa batang amoy bagong paligo na.
Iniabot sa akin ng matanda ang upuang plastic na inuupuan niya. Mainit-init pa ang upuan tanda ng matagal na pagkakaupo ng matanda. "Oo. Pati ang dalawang 'yon!" nguso niya sa mga batang naglalaro ng mga balat ng candy sa may kubo. "Hindi ko na nga pinapayagang mangutang si Analie kaso kinakapos talaga. Sa hanapbuhay din naman gagamitin e."
"Dami niyo na pala apo." Kumuha ako ng ballpen at nilagyan ng ilang data ang hawak ko CI/BI form. "Ito po?" usisa ko naman sa batang natutulog sa crib.
"Anak ko po sir." Bahagya akong napangiti. Hindi ako makapaniwalang sa edad niya at status ng pamumuhay ay nakagawa pa sila ng maliit.
"Napasipag po yata," biro ko.
"Hindi naman sir," nakatawang sagot niya. "Bihira nga lang e. Natyempuhan lang talaga. Mas madaming masipag at mas mahilig d'yan. Nagkataon lang na di nabubuo ang sa kanila."
"Sabagay. Marami nga pong menopusal baby sa ngayon..."
"Hindi ko naman ikinakahiya na may maliit pa akong anak sa edad kong ito. Kesa naman dyan sa Village, masasabi mo ngang isa lang ang anak pero marami namang kinaangang lalaki bago nagpakasal. Ako isa lang. At kahit mahirap naiiraos namin. Kinakaya."
"Nasaan po ang asawa ni Analie?" pag-iiba ko sa usapan.
"Naglalako ng kalakal. Balak nga magtayo ng tindahan ng mag-asawa kaya pumasok sa microfinance. Maganda na din para matutukan na din ang mga bata. Ikaw ba sir, may pamilya na?"
Umiling ako. "Wala pong magkagusto," pagbibiro ko. "Masyado po kasing mapili ang mga babae."
"Ha!ha!ha! Madaming maganda dyan sa Patria!" natatawang wika ng matanda.
"Oo nga po. Maganda nga po ayaw naman sa akin."
"Masyado kang mabiro, sir! Kung 'yon ang problema pumunta ka sa optical maraming malabo ang mata!"
Naging palagay akong kausap ang matanda. Hindi ko namamalayan ang paglipas ng oras. "Sige po babalik na lang po ako bukas. Pakisabi na lang po na dumaan ako."
Habang paalis ako ng Lavander St, naiisip ko ang mga sinabi ng matanda. Para akong sinampal ng nakaraan. Hindi ko mapigilang mainggit. Magtanong. Oo nga mahirap ang kanilang pamumuhay pero di naman sila sumuko. Nakikita nilang may paraan pa di tulad ng iba na nawawalan agad ng pag-asa.
Kwento sa akin ni lolo, gusto daw akong ipalaglag noon ni Mama. Nag-aaral pa daw noon ang aking ina nang mabuntis. Dahil hiwalay na sila ng aking ama noon, uminom daw ng gamot na pampalaglag si Mama kaya bigla na lamang dinugo. Naisugod daw nila sa ospital si Mama kaya naagapan. Pagkaanak sa akin, umalis na si Mama. Kahit anino niya hindi ko nakita. Ang sabi ng lolo may pamilya na daw iba. Nakakadismaya dahil fetus pa lang ako ay unwanted na.
Madalas akong mapaaway noon dahil sa panunukso ng mga kaklase ko. Napakasakit maging unwanted. Halos tinatamad na akong pumasok noon. Kapag assignment na may kinalaman sa pamilya hindi ko magawa. Hindi ko tuloy lubos maisip na may mga babaeng gusto magkaanak pero ayaw ng asawa. Selfish! Hindi nila naisip ang magiging buhay ng bata habang tinutuksong putok sa buho, singaw ng lupa, pulot sa kanal, iniwan sa basurahan o kung ano-ano pa. Kaya dala ko hanggang pagtanda ang insecurities ng pagiging unwanted. Buti na lang nandyan si lolo na tumayong magulang ko at nagpaliwanag ng lahat sa akin. Tanggapin ko daw ang lahat tingnan ko ang ganda ng buhay sa ibang anggulo.
Para pala akong Lavander St ng Patria na may malaking bakod na naghihiwalay sa mas may magandang buhay. Kung di kanais-nais sa nakakarami pilit kang itatago. Naiingit ako pamilya ni Analie kahit naghihikahos ay kinakaya nilang buhayin ang pamilya. Hindi tumalikod sa obligasyon. Gumagawa ng paraan para makaraos at manatiling buo. Nakakatawang isipin na ang may pinag-aralan at nakakaangat sa buhay ang madalas na may sirang pamilya.
-end-