Skinpress Rss

Media Noche


credits to mel
Media Noche. Ang pinakamahabang minuto ng buhay ko. Ang pinakamasaya. Pinaka-exciting.

Nakatayo ako noon sa tapat ng pintuan ng iyong apartment. Hindi ko alam kung ayaw ko pang umalis o may hinihintay. Ngumiti ka bago tuluyang isara ang pinto. Dalawang mabagal na hakbang at isang iling. "Mahina ka," tukoy ko sa aking sarili.

"Teka. May sinabi ka ba kanina?" pahabol mo sa may bintana. "Hindi ko masyado nadinig. Mahina kasi."

"Ah. Sinabi ko mahal kita."

Lumabas ka noon. "Talaga?" Tumango ako. Hinawakan mo ang aking kamay. "Mahal din kita."

Lumundag ako noon. Mas mataas sa karaniwan kong lundag. Sobra ang saya ko. Sobra ang adrenalin. Sobra pa sa pwedeng magsobra.

Kaya pala naglakad tayo mula P. Torres hanggang Sabang na karaniwan naman tayong nagsasakay. Kaya pala mabagal ang ating lakad.  Kaya pala panay ang lunok mo ng laway kapag napapadikit ako. Kaya pala para akong kinakabahan. Kaya pala bitin pa ang araw. Kaya pala maganda ang gising ko kanina. Kaya mo pala suot ang bigay ko ponytail. Kaya pala ayaw kong umalis sa tapat ng pintuan. Kaya pala ayaw mo akong paalisin.

Kasi.

Mahal na pala kita.

Kasi.

Mahal mo na pala ako.



Media Noche. Ang gabing naging tayo. Taon-Taon natin binabalikan ang araw na 'yon, di ba? Ang saya natin. Naglalakad ulit tayo mula P. Torres hanggang Sabang pero nakapulupot na ang mga braso. Ako ang nakatoka sa kare-kare at ikaw naman sa spaghetti. Habang hinihintay nating makaluto, exchange gift muna tayo. Pero syempre hindi dapat lalampas ng limang piso. Matindi talaga ang itinawa ko noong binigyan mo ako ng pako.

"Bakit pako?" tanong ko pa habang natatawa.

"Kasi sa tigas ko ba namang 'to, "NAILove ako sa'yo. Boom!"

"Pwede! Pwede!"

Tapos binuksan mo ang bigay ko. "Oh bakit bawang?"

"Pangarap ko kasi yan. Na BAWANG araw maging tayo. Boom!"

Matapos natin kumain ang mahabang kwentuhan kung paano tayo nagsimula. At ang plano sa mga sunod pang media noche. Habang ang lahat ay abala sa putukan, pinatugtog mo ang instrumental ng Grow Old With You. Tulad dati sumayaw tayo. Ang kamay ko nasa iyong bewang. Ang iyo naman nasa aking balikat. Gumalaw ako pakaliwa ikaw naman sa kanan. Ang sagwa. Dalawang direksyon na lang hindi pa sabay. Tumawa ako. Halakhak ka.

Bumulong ka pa sa aking dibdib. "Sino ang pinakamasayang babae sa gabing ito?" Tumingin ka sa akin at sinagot ang sarili mong tanong. "Ako." Niyakap kita ng mahigpit. Napaluha pa ang kaliwa kong mata sa sobrang saya.

Noong mapagod nanood tayo ng pelikula hanggang sa makatulog ka na sa aking braso.Inaamoy ko pa ang buhok mo. Napakaswerte ko.


Kasi.

Mahal kita.Kasi

Mahal mo ako.


Media Noche. Ang pinakamahabang minuto ng buhay ko. Ang pinakamasaya. Pinaka-exciting.

Napakasarap talagang balikan. Kaya ngayon naglakad ulit mula P. Torres hanggang Sabang. Nakatayo ulit ako sa harap ng iyong pintuan. At paniniwalain ang sarili na tayo pa kahit may kasayaw ka ng iba. Sa sunod na taon uulitin ko pa? Siguro. Malamang oo. Kasi noon lang ako sumaya.


-wakas-



The Weather is Inviting


image : mel martinez

Pumasok kami sa silid na may dalawang pintuan pero walang bintana. May maliit na lamesa sa kanan at may malaking kama sa gitna. May aircon, telepono at cable tv pero hindi afford ang sofa. 

Humiga agad si Hersey. Dalawa o tatlong beses yata siyang tumalbog. Kita ko ang kanyang pusod. Iniisip ko na agad kung saan kami aabot. Gigil na agad ako. Hinawakan niya ang aking kamay na kasing lamig ng yelo. Tinapik nya ang higaan. Hindi ako nagdalawang-isip tumabi.

"Ligo lang ako," bulong niya kasunod ang malagkit na ngiti.

Wala sa reyalidad ang isip ko ngayon. Gustong umalis ng kaluluwa ko sandali para takasan ang bigat ng iniisip. Unti-unting kinakain ng alalahanin ang aking pagkatao.

Mabait ang magulang ko. Hindi nila hinihiling ang mataas na grado. Basta pasa. Kahit tres basta wag singko. Pinipilit kong sulitin ang bawat sentimo nilang pinagpapaguran. Ilang araw na nga akong puyat sa pag-aaral.

Hindi ko talaga trip ang BioStat. Lalo na si Sir Torrecampo. Hindi ko masakyan si Gregor Mendel. Isa siyang pari pero nag-abala sa pag-aaral ng buto ng patani. Siya ang pasimuno ng lahat ng aking paghihirap. Anong pakialam ko genetics!


Sabi ng Prof ko sa Psychology, ang kambal kahit palakihin sa parehong paraan ng magulang ay magkakaroon ito ng magkaibang prospective, values, beliefs, kakayahan at kahinaan. Kaya balak kong ipakiusap si Sir Torreccampo sa kanya para malaman niyang hindi lahat ng estudyante ay kaya ang Biostat. May mga taong mahilig sa acads, sports, pormahan, tumambay at yung iba magmahal. At lahat dumadaan sa pagiging stupident. Nabobobo.



Hindi naman ako pabaya. Marunong ako sa Math at Science. Hindi ako honor student pero perfect ako sa attendance. Hilig ko ang Biology lalo na ang Natural Selection ni Darwin. Hindi ko lang talaga kaya ang larangan na ginagamitan pa ng analysis. Ayaw ko din ng reasoning. Mahirap aralin.


Si Hersey yung katabi ko sa Physics. Bagay sa kanya ang pangalan niya kasi amoy chocolate. Madaldal siya at makulit. Boring daw akong kausap kaya nachallenge siya na i-tropa ako. Tingin niya sa akin isa akong guinea pig. Magaling siyang magturo. Kapag positive daw ako, isa akong proton kapag negative naman isa akong electron at kapag wala akong pakelam isa akong neutron. Magaling siya. Lahat handa niyang ituro sa akin. Umabot nga sa naghubad na siya para alam ko din ang human body system kahit hindi naman namin subject. Nalaman ko tuloy ang voluntary at involuntary muscle pati na din ang muscle control.


"The weather is inviting," text niya sa 'kin. "Tara! San ka?"

"Dito sa puno." Kapag ganun ang tema ng usap isa lang ang pwedeng puntahan.



Hindi ko na maaninag ang mukha ni Ely. Pilas na ang huling pahina na pinakaingatan kong songhits. Hindi ko na mabasa ang lyrics ng Huling El Bimbo.

"Pwede makiupo?" tanong nya sa akin. Ngiti lang ang sagot ko. Umupo sya.

"Bakit ka malungkot?" may pagtatakang tanong niya.

"Wala ba akong karapatan malungkot?" sagot ko.

"Ang bobo mo naman! Hindi sa tinatanggalan kita ng karapatan kundi gusto ko malaman ang dahilan."

"Hindi ako bobo, matalino ako. Kaya nga dito ako nag-aral."

"Oh bakit ka nga malungkot?"

"Ang sabi nga ng isang kanta "Maybe we'll realize, we're only human", yung ang dahilan."

"Maybe we don't need no reason."

"Yup."

"Subukan mo kasi minsan maging tao. Wag mong gayahin ang rebulto ng school na 'to. Nawawalan ng sense sayo ang fertility tree. Dito ka pa tumambay. Tara na! Habang kulimlim pa."


Naniniwala ako kay Hersey na ang mga bituin ay katumbas ng bilang ng tao. At sa bilyong tao sa mundo ay may nakalaan talaga para sayo. Minsan nga lang hindi mo napansin o di talaga pinansin kaya lumampas lang tulad ng ng nahulog na tala o falling star. Ang madalas kasi natin tinitingnan ay ang pinakamaliwanag. Naghahangad tayo ng sobra. Never settle for less, ika nga? Sa Geometry merong complementary at supplementary angles na kaya siguro itinuro yon satin para makita ang tama para sa atin. Hindi pwede palaging greater than o equal to. Tumingin muna sa angulo. Baka click yung iisa ng trip o parehas sa halos lahat ng bagay. Mas madali kumilos kung solid o complementary. Ika nga iisa ang amoy ng utot. Meron din naman na you find yourself complete kapag may pupuno ng kulang. That's supplementary!

Kami ni Hersey. Hindi ko pa alam. Dati lines lang kami na biglang nag-intersect sa common point. At  yun ang gagawin namin ngayon.


Naglalaba pa yata si Hersey sa tagal sa banyo. Naitumba ko na ang baon naming dalawang bote ng beer. Dapat tig-isa kami. Lumabas si Hersey. Nakatapis. Hugis na hugis ang katawan niya. Nakapaglalaway ang kinis na hinaluan pa ng pagkawetlook.

"Pwedeng huwag mo munang isipin ang BioStat?" Hinalikan niya ako habang inaalis ang telang bumabalot sa aking katawan.

"Ramdam ko ang tama ng alak. Hindi ko alam kung saan ako aabot."

"Gago ka e. Hindi naman tayo pumunta dito para tumungga."


"Tagal mo e. Naglaba ka pa yata."

Patuloy siya sa kanyang ginagawa. Halik sa labi, leeg, dibdib hanggang pababa.

Napapapikit ako hanggang sa tuluyang pumalaot ang isip ko.

"Huy! Gago! Dan!" Nakaidlip na pala ako.


Kapag ganitong malamig at umuulan ang gusto ko lamang gawin ay matulog. Indeed, the weather is inviting.

-wakas-


Saan Aabot ang Bente Pesos ko?


credits to owner
San nga ba ako dadalhin ng bente pesos? Lumang luma na ang linyang ito pero never ko pang sinubukan bumili ng cornetto. Balita ko tumaas na ng piso. 



Pwede akong pumunta ng Tayak Hill at tanawin ang pitong lawa ng San Pablo. Dahil gabi na  pwede ko ng pagdugtungin ang mga tala at iguhit ang iyong mukha.  Ang langit ang aking canvas at ikaw ang pinakamagandang obra. At pagkatapos nun uumpisahan ko na ang paglalakad pauwi. 

Pwede akong bumili ng stationery. Syempre yung pinakamabango! Doon ko isusulat ang pinakamatamis na salita na nababagay sa'yo, sa akin at satin. :) Tula siguro. Pero. Hindi nga pala ako marunong. Ang tula ay isang larawan ng damdamin. Isang sining. Hindi ito basta mga salitang pinagsama-sama at basta may tugma sa dulo.  

Pwede akong bumili ng beer. Pero utang ang kulang. 

O kaya ng pirated copy ng mga Winchesters. Season ano na ba ang Supernatural? Kaaway na ba nila ulit  yung kalaban o kakampi na ulit nila? 

Ano nga ba? 

Sa ganitong dis oras ng gabi mahirap mag-isip lalo na habang umiihi sa pader. Kung tatambay ako sa pisonet mayroon akong isang daan minuto na pwede ubusin sa pagtingin ng larawan mo sa facebook. Pwede! 

Sa number 7 ang paborito kong pwesto. Sa medyo sulok. The best kasi sa kagaya kong left-handed ang walang kabanggaan ang siko. 

Okay nga din ang pisonet kahit sabi  ni JeMarie mabagal ang internet tulad ng destiny ni Avie. Aba, madami na ang umasenso ang buhay tulad ni Pia. Namuhunan lang ng barya nakarating ng Amerika! Si Jaja lang yata ang minalas. Hindi pumatok ang online business niya ng gulay. 

Ayos ang status ng tropa. Kahit gaano ka-busy sa buhay dapat wag mong kalimutan magsaya. Para saan pa nga naman ang pagpapagod kung laging stress? Napagparalan ko  yata noon o kinopya ko lang  sa katabi ko sa Physics na ang stress ay ang force na nagpapadeform ng body.  See? Sa mga bagay nga may epekto lalo na sa tao.  

Uy ikinasal na pala si Princess! Okay talaga ang facebook kaya madaming nag-aaksaya ng oras e palaging updated. Hinanap ko talaga si Nat. At hindi ako nabigong makitang pikit na naman siya sa mga picture. Skills niya yun!

Sa wakas natupad na ang pangarap ni Princess after 25 years. Kinder pa lang kami gusto na niyang mag-asawa hindi dahil sa malandi siya kundi gusto niyang mapalitan ang kanyang apelyido.  Princess Regla ba naman?  Imagine prinsesa ng buwanan dalaw.

Pero teka, kumusta si Renaldo? Siya yung long-time boyfriend ni Princess kaso kasing baho din ang apelyido. Mapapalitan nga ang apelyido kaso Pasacsac  naman. 

 "Pre balita?" tanong ko kay Renaldo. 

"Okay naman Toks." reply niya. 

"Okay as in ok? Or okay as in no-words-to-explain-my-feelings?" Sabi ng mga pahenyong gaya ko, ang OK ang pinakamaikling salita na madaming ibig sabihin. Pwedeng positive, negative, sarcastic at elastic. Syempre yung elastic siningit ko lang wala na akong maisip e. Ooookkkkkkk? 

"Dun ako sa mahaba. Maganda pakinggan." 

"Pre andito lang ako."

"Onga. Dyan ka lang." 

"I mean, I am a friend."

"Pre magkapitbahay lang tayo paenglish-english ka pa. Parang di tayo nagkita kanina."

"Kinasal na si Princess."

"Alam ko. At hindi sakin." Ramdam ko yung kirot sa bawat salitang sinulat niya habang hinihintay kong maubos  yung sumasayaw na dot. Yung indication na nagtatype sya. Basta yun! Explain ko pa ba? Wag na! 

"Ikaw kasi e." Sinisi ko pa talaga kasasabi ko lang na kaibigan ako. 

"Hanggang doon na lang talaga e." 

Siguro nga hanggang doon na lang. Gaya ng bente pesos ko. Hanggang 100 mins lang. Hindi na tuloy ako nakareply dahil naubusan na ako ng oras. Buti  palagi akong naka-incognito para matik log-out every close ng chrome. Syempre wala na akong pera kaya di ko na naclose. Tinira ko na lang sa power-button, di naman nakatingin ang may-ari. 

 Madami pa sana akong gustong sabihin tulad ng pag-ikot ng mundo. Ang paglubog ng araw sa kanluran at ang pag-uha ng bata. Ang pagsibol ng damo matapos ang mapanirang bagyo. Ang diffusion of gases. Ang sikreto ng migration ng ibon sa hilaga. 

Sa simpleng salita, araw-araw may pag-asa. At kung wala naman ako masabi sapat na sigurong damayan ko siya. At syempre sumuporta. That's empathy vs  sympathy! 

Malay natin maghiwalay sina Princess. Oh pwedeng maging sila ulit na hindi kinakailangan magpalit ng apelyido. Bright ko di ba? 


Pero sayang yung bente ko hindi ko man lang nasilip ang crush ko, Sana pinangsuhol ko na lang sa kapatid ko para maghugas ng plato.  

-wakas-



Alas Tres y Medya



credits to orig owner 
Naghihintay siya ng liwanag mula sa pintuan at bintanang nakapinid. Tila hudyat na sasagip sa buhay na matagal nang nagtatago sa dilim.   Nakangiti siyang nakatingin sa huling usok na nagmumula sa sigarlyo at sa paglaho nito ay saka kinalabit ang gatilyo. Ang kalungkutang bumalot sa kanyang katauhan ay tila isang mitsa na naging tulay hanggang sumabog. Na sanay naupula kung may liwanag sanang sumilip.

Alas tres y medya. Pumanaw si utol.

Sabi ng professor  ko sa Social Science, ang pagkawasak daw ng pamilya ay tila isang malubhang sakit. Hindi ito basta lilitaw ng walang sintomas o senyales. Hindi pwedeng bigla lang. Walang instant na kanser, high blood o diabetes. Kahit simpleng sinat paniguradong dadapo. Kaya hindi pwede palaging idaan sa paracetamol tapos ingat dapat may check-up. Pero paano pa magpapacheck-up kung imbalido na? Kung bumulagta na. 

Simulang nang maging empleyado namin si Jilyn ay nagbago ang aming buhay. Magaling siyang maglaba. Sa sobrang sipag niya pati patalon at brief na sout pa ni Erpat ay nagawa niyang hubarin. Parang washing machine si Jilyn. Gumigiling. Umuugong.  Walang laban si Ermat dahil matagal na itong tumigil maglaba simula ng maopera.  

Ang mga bulungan ang kumunoy na humila sa amin pailalim.  Isa sanang sinat na naagapan. Kung may gumamot  sana at di dinaan sa patapal-tapal lang... 

Pinilit namin umahon pero sinulid ang aming nakapitan. Ang kahuhulihan hibla na amin sanang panghahawakan ay nauna nang bumigay. Ang aming ina.

Ang kwadernong naiwan sa ilalim ng kama ang naglalaman ng damdamin ni utol. Ang pagtangis ni Ermat. Ang galing ni Jilyn sa paglalaba. Ang pagbingi-bingihan ni Erpat. Ang pagtangis namin ng walang luha. Ang pagkupkop ng dilim sa pagkatao.  Ang pinagtagping dyaryo sa bintana hanggang sa walang liwanag ang kanyang manlaban.


Tanaw ko ang buwan mula sa aking kinatatayuan. Katabi nito ang nagkikislapang bituin na tila nagyayabang sa kaya nitong ibigay na liwanag kumpara sa buwan. Bakit nga ba nag-iisa siya kumpara sa ibang mga planeta? Bakit nga walang sariling liwanag ang buwan?  Ramdam kong  tumatangis ito dahil sa mapanlibak na mga tala kaya dahan-dahan itong nagtatago sa ulap.

Gaya ngayon... 

Sabi ng bulungan hindi matalino si utol tulad ng dinidikta ng kayang grado sa klase. Bobo siya. 
Hindi siya malakas tulad ng sinasabi ng kanyang husay  sa sports. Mahina siya. 
Hindi siya matapang tulad ng kanyang mga sinulat sa school paper. Duwag siya. 
Hindi siya magaling dahil nawalan na siya ng pag-asang mabuhay. 

Dahil hindi iyon si utol.

Si utol ay isang manlalakbay ng buhay. Isa siyang taong may kahinaan at kalakasan. Isang katawang naghahanap ng masasandalan pero pagkakalooban ng malambot na higaan.

Nalungkot ako para kay utol. Hanga ako sa kanya. 
Naghihintay ako ng liwanag mula sa pintuan at bintanang nakapinid. Tila hudyat na sasagip sa buhay na matagal nang nagtatago sa dilim.   Nakangiti akong nakatingin sa huling usok na nagmumula sa sigarlyo at sa paglaho nito ay saka ko kinalabit ang gatilyo.

Alas tres y medya na.

-wakas-


Lawas - Maikling Kwento



Maitim ang kaulapan sa kabila ng tirik na araw. Nilalamon ng makapal na usok ang bawat pagtatangka ng pagsilip ng araw sa Lawas. Pahupa pa lamang ang takot na namayani mula pa kagabi. Maging ang mga batang kadalasang naglalaro at ubod ng saya ngayon ay tila mga sisiw na nagkukubli. Ang galos ng matandang babae sa kanyang binti at braso ay alaala ng sunog na tumupok sa lugar. Ang kaserola sanang sisidlan ng pagkain ay nagsilbing tipunan ng mga bagay na pwedeng pakinabangan.


Ang kalye ng Rizal Avenue mula sa lungsod ng Batangas ay nagsasanga pagsapit ng sambat. Ang kanan ay patungong kapitolyo habang ang nasa kaliwa naman ay sa bayan ng San Pascual at Bauan. Simula ng palakihin ang pantalan ng Batangas ay dumagsa ang negosyo at kasunod nito ay ang paglobo ng bilang ng tao. Sumikip ang lungsod pati na din ang mga kalsada.

Pakyaw - Maikling Kwentong Pambata


Parang mga batang nagtitinikling ang mga ibon sa dalampasigan habang naghihintay ng malinamnam na agahan. Kadalasan ay nakikipaglaban sila sa malikot na alon o 'di kaya ay nakaabang sa biyayang ihahagis ng mga mangingisda. Naging tanawin na sa Bantigue ang pagdagsa ng tagak tuwing umaga.

Pasikat pa lamang ang araw ay sinalubong na ng mga batang tumatakbo ang alon sa dalampasigan. Naging katuwaan na nilang paliparin ang mga ibon bilang katuwaan. Ngunit iba ang pakay ni Moymoy ngayon sa dalampasigan.


Doon sa may Vergara


Litrato ni tuyong tinta ng bolpen.
May nagsabi sa akin na hindi pa pwedeng mamatay si Kardo sa Probinsyano kaya dapat umilag siya sa RPG. Hindi dahil sa mataas ang rating nito sa primetime kundi sa mga artistang tinetesting kung sisikat at para sa mga laos na pwede pang makabalik ng limelight. Testing waters ika nga ng mga burgis.

Iba't iba talaga ang topic kapag inuman kaya pati si Kardo napag-usapan. Hindi daw kasi nalalayo si Dalisay sa aming kapitbahay. Hindi pa pwede magretiro kahit nanlalagas na ang puting buhok kasi madami pang umaasa. Tapos bigla kaming nagtawanan. Late bloomer daw kasi ang matanda.


May UTI si pareng Omar. Tamad daw kasi siyang uminom ng tubig pero kaya nyang lumaklak ng isang dosenang redhorse kahit hindi naman bumibili. Madaming nainom si pare. Maya maya umiyak nang wala dahilan. Tama may UTI sya. Uminom Tapos Iyak. Naiscam pala sya. Hindi pera kundi sa pag-ibig. Matapos mag-invest ng feeling nawala na. ayun iyak si kolokoy.

Uuwi na Siya


Litrato ni tuyong tinta ng bolpen. Hindi maganda ang araw na ito. Ito na siguro ang tinatawag nilang maling bangon sa higaan. Inuuna ko ang kape bago ang asukal sa tuwing magtitimpla ako ng kape pero ngayon asukal muna sa pagbabakasakaling may mababago sa araw na ito.

"Uuwi na ang Papa mo. Susunduin na ng Mama mo. Kaalis-alis lang nila papuntang airport." Iniabot sa akin ni Lola ang plato ng hotdog at ilog. "Iikot mo ang plato mo." Ugali na sa pamilya namin na iikot ang platong kinakainan sa tuwing may paalis na myembro ng pamilya.

Si Nicole Hyala Kasi


Litrato ni tuyong tinta ng bolpen.
Umiiyak na naman si ate. Ilang araw na siyang hindi kumakain ng normal sa kanyang capacity. Gusto ko sana siyang lapitan subalit hindi ko alam kung paano at ano ang nararapat na salita para kalamayin ang loob niya. Wasak na naman siguro ang puso niya. Sumigaw si ate tapos umiyak. Nadagdagan na naman pala ang timbang.

Si James Yap Kasi


Litrato ni tuyong tinta ng bolpen.2008 pala noong huli akong nanood ng pelikula sa sinehan madalas kasi sa bus na lang.

Sinaniban ako ng anghel ng kasipagan kaninang umaga. Isinulong ko ang aparador pakanan sa pwesto ng inaagiw na computer monitor. Hindi ko na kailangan maghukay para makatuklas ng mina madalas matatagpuan ito sa likod o ilalim ng aparador. Nandoon pala ang nawawala kong pouch. Tanda ko pa na pinagbintangan ko si Gelo sa pagkawala nito. Muntik pa kami magkainitan. Magsorry pa kaya ako? Hindi na siguro. Sure ako hindi lang ako ang guilty ng ganito sa mundo. Tama?

Unang Halik



"Single by choice o single by no choice?" Binilugan ng babaeng nasa reception ang civil status sa kapirasong papel na nagdidikta ng aking pagkatao at kakayahan. Hindi ko alam kung kaibigan ko ba talaga siya.

Matatawa na maasar ako sa tanong ni Charry pagkatapos ibigay sa akin ang result ng medical. Okay naman daw lahat ang resulta mula X-ray, CBC, stool, urine at ECG. Kung may extra akong pera magpapasecond opinion ako sa ibang laboratory. Sabi sa ECG okay daw ang puso ko, panong nangyari 'yon broken hearted ako?

Huwag mo akong anuhin (baka anuhin kita) part 3


credits : meldita
Kung ako ang tatanungin ng mga nagbabalak magkolehiyo ay agad isasagot ko na pinakamahirap ang mag-aral sa Calamba. Hindi biro ang pag-aaral kung madaming magandang babae kahit sa pinakatahimik na sulok ng library, sangkatutak na hot spring resort na patok sa parehong taglamig at tag-araw at higit sa lahat non-stop na gimikan na umaabot ng madaling araw. Kaya bilib ako at medyo badtrip na din kay Kuring. Biruin mo nagagawa niyang balensehin ang pag-aaral, pagliliwaliw, pagpapa-good vibes at pag-iwas sa gawaing bahay. Hindi naman ako pabayang estudyante at hindi nagpapaiwan sa lesson dahil mas mahirap ang maghabol. Kung tutuusin busy ako sa academics pero sa tuwing magdecide akong magbulakbol ng konti upang maiba naman ang simoy ng hangin doon pa sumasablay.

"Pre fiesta kina Jorge. Samahan mo ko. Saglit lang naman tayo," yaya noon ni Aldrin.

"May exam ako mamayang 4pm e."

"Oh? May apat na oras pa. Vacant pa naman tayo. Saglit lang. Hindi tayo magtatagal." At ayun sumama ako.

Huwag mo akong anuhin (baka anuhin kita) part 2



credits : meldita martinez
"Konrad Lorenz, huwag mong kalimutan ang bilin ko ha?" Sa totoo lang nawiwirduhan ako sa maling spelling ng aking pangalan na tunong singer pa. Palibhasa science teacher si Ermat kaya binigyan ako ng pangalan mula sa librong binabasa noong nalamang nagbubuntis siya.

"Yes pa." Tumawag si Erpat nang makarating sa kanya na sinundo ako ni Bianca.


Bukod kay Bianca, mahilig din sa garden si Erpat pero ang trip niyang gawin taniman ay ang ulo ko. Hindi na yun bago. May multo sa kanyang isip na gagawa ulit ako ng ikasisira ng pamilya namin. Sa dinami-dami nga naman ng tao sa lugar namin ay sa akin pa naging close ang anak ng dating bossing nya. Kaya itanim ko daw sa aking kokote na huwag gagawa ng masama o kahit konting pagnanasa sa tuwing kasama ko si Bianca. Madami siyang batas na kailangan ko daw isaisip sa lahat ng pagkakataon. Una, sa sobrang puti ni Bianca huwag ko daw masyado hawakan ng sobrang higpit dahil baka magkaroon ng pasa.

Huwag mo akong anuhin (baka anuhin kita)


credits : meldita martinez
Dapat nakahiga pa ako at natutulog ng mahimbing dahil wala namang pasok ngayong araw. Bihirang pagkakataong maghiwalay kami ng aking unan pagsapit ng ala-sais ng umaga. Pero heto ako ngayon nakikipagbuno at kumukuha ng lakas sa dingding. Ewan ko ba kung bakit binigyan ako ng mahinang panunaw kaya kapag medyo ginahan o wala laman ang sikmura ay sira agad ang tyan. Napurnada tuloy ang continuation ng aking panaginip na malapit na sana sa climax. Hindi ko man lang nalaman ang pangalan ng damsel na baka senyales ng tunay na pag-ibig. Malay mo di ba? Kung bakit ba naman mag-uumaga na saka dinalaw ng panaginip.

"Anak! Matagal ka pa ba dyan?" Sinlaki ng paminta ang aking pawis pero dinadaan lang ako sa padila-dila na tila nang-aasar.

"Sandali na lang po!" sigaw ko.

Tugs! Tugs! Tugs!


Ayun na nga walang natuloy sa mga planadong Christmas Party. Naging madalas ang overtime at ang ibang nagplano ay may personal conflict sa schedule. Kanina balik na sa dati ang lahat medyo nadaan lang sa kantyaw si manager kaya nauwi sa inuman.

Tatlong case ng mucho at dalawang may tenga ang pinabaha sa mesa tapos may cognac pa kaya paniguradong walang uuwi na walang tama. Tulad ng inaasahan may umiyak, nagkwento ng lovelife, madaldal, senti at instant concert king. Dehins makalalampas bukas kung sino ang senglot lalo pa't hobby na ng mga pinoy na pagkwentuhan ang dami ng alak, bilang ng bote at brand ng ininom. Syempre imposible akong umamin kahit natitisod na sa batong kasing laki ng holen.

Isusumpa ko na naman bukas ang alak kapag mahaba ang pila sa BDO. Baka abutin ako ng hilo sa tagal ng pagkakatayo. Noong nakaraan nga ubos talaga ang nasa playlist ko sa tagal ko sa pila. Isang branch lang kasi ang open kapag holiday. Ewan ko ba kung bakit nakalimutan ng bangko na maglagay ng upuan o magprint ng number sa CD tulad ng CDR king para hindi kami nagtitiis tumayo. Worse sumabog ang pantog. Hope they find ways.

"Amugong! Anong ginagawa mo d'yan?" Papasok sana ako ng 711 para humigop ng bulalo syempre hindi yung sinususop. Yung hinihigop lang. "Nakatulog ka na. Mukhang nakainom ka ah."

"Slight." Napaidlip na pala ako sa dami ng iniisip ko para sa kinabukasan. Buti hindi ako natokhang.

"Lasing ka e! Sumabay ka na sa amin umuwi. Baka madukutan ka pa." Si Jervis pala. Dating tropa. Medyo nabadtrip ako sa kanya dahil inagaw niya ang jersey number ko sa basketball. Alam naman niyang idol ko sa Rudy Hatfield.

"Evangelista ako dre."

"Iikot ka na namin."

"Hindi na. Kaya ko pa. Ilibre mo na lang ako ng bulalo. Yung noodles lang. Pampahulas." Kapalmuks na pero mas mura yun kesa ihatid nila ako sa kabilang dako ng Makati.

Kumaway pa ang mga kolokoy pagkasakay ng tsikot. Kahit lasing ako natatawa ako sa mga buhok nila na itsurang palong. O lasing lang talaga ako kaya natatawa. Cool pa din naman si Jervis medyo abnormal lang hindi man lang nilagyan ng hot water ang noodles. Papasok pa tuloy ako sa loob.

Kahit maghahating gabi na pahirapan pa ding tumawid sa Buendia lalo na sa kagayang kong hindi makalakad ng tuwid. Hindi iginagalang kahit ng maliliit na sasakyan ang mga pedestrian mas trip nila bumusina kesa tumapak ng preno. Timing lang na may dumaan na byaheng Evangelista, dehins na ako maglalakad ng malayo.

Heaven ang feeling sa pwesto ko. May music at malambot sumandal sa bandang dulo ng jeep. Tugs! Tugs! Tugs!

Ang presko pa ng hangin. Amoy estero at usok. Mix. Parang panis na kainin at nabubulok na diaper.

Unlimited ang singhot ng katapat kong babae. Palagay ko estudyante kasi may accounting book sa hita. Ang hirap na pala mag-aral ngayon inaabot ng hatinggabi. Nung una akala ko sinisipon kasi panay ang labas ng tissue tapos tapon sa bintana. Langya, umiiyak pala. Walang pakiaalam yung nililingkis niyang lalaki. LQ yata.

Nung una nasasakyan ko ang trip ni kuyang driver. Mahilig kasi ako sa sounds pero pati pagpreno niya kasabay ng beat ng music. Nahihilo ako at nasusuka.
Tugs! Tugs! Tugs! Puro bass lang ang tunog at konting tagastas. Walang lyrics. Halatang pinagyayabang ang ganda ng set-up ng sounds.


"Hon, ayaw ko umuwi. Gusto ko umalis." Sakit sa tenga pala kapag umiiyak ang matinis ang boses. Parang latang iniipit pero may pusa sa loob. Wala akong balak tsumismis pero tatlo lang kaming pasahero at lahat kami nasa dulo. Walang may trip mag-abot ng bayad.

"San ka naman pupunta?" Medyo inis pang sagot ng lalaki hindi man lang naging sarcastic.

"Anong ka? Tayo." Niyuyog pa ng babae ang braso ng katabi.

"Hindi ka pwede sa bahay. Mapapatay ako ni Erpat."

"Eh paano ako. Kami. Hindi mo na ba ako mahal." Yari ka boy, kinuwestyon na ang degree ng pagmamahal mo. Mamaya may essay kang sasagutan. Galing-galingan ang sagot para maging tunay na Hokage.

"Mahal. Mahal na mahal.” Yun naman pala. Ang linyang pinakamabisa para mahiga ang babae. “Kaso hindi pa ako ready." Ang linyang ayaw ng magpabangon sa babae.

"Ako din naman hindi ready. Anong gagawin ko?"

"Sinabi ko na di ba. Palaglag mo."

Ito siguro yung tinatawag ng millennials na pakboy. Hindi na uso ang babaero ngayon madalas pakboy na. Dati kasi ang mga babaero takot sa obligasyon kaya score sabay eskapo ngayon buntis lang ng buntis then run.

Nalubak ang jeep ni kuya. Nakakasuka. Bumaligtad ang aking sikmura. Pati mata ko nag-orbit ng 360 degrees. Naririndi ako sa music pati sa mga dahilan ng lalaki. Hindi ko na napigilan ang aking bibig. Pero sinigurado kong sasaboy sa lalaking pakboy ang pinulutan ko kanina with bulalo residue.

Tugs! Tugs! Tugs! Solb.

-wakas-