Skinpress Rss

Huwag mo akong anuhin (baka anuhin kita) part 2



credits : meldita martinez
"Konrad Lorenz, huwag mong kalimutan ang bilin ko ha?" Sa totoo lang nawiwirduhan ako sa maling spelling ng aking pangalan na tunong singer pa. Palibhasa science teacher si Ermat kaya binigyan ako ng pangalan mula sa librong binabasa noong nalamang nagbubuntis siya.

"Yes pa." Tumawag si Erpat nang makarating sa kanya na sinundo ako ni Bianca.


Bukod kay Bianca, mahilig din sa garden si Erpat pero ang trip niyang gawin taniman ay ang ulo ko. Hindi na yun bago. May multo sa kanyang isip na gagawa ulit ako ng ikasisira ng pamilya namin. Sa dinami-dami nga naman ng tao sa lugar namin ay sa akin pa naging close ang anak ng dating bossing nya. Kaya itanim ko daw sa aking kokote na huwag gagawa ng masama o kahit konting pagnanasa sa tuwing kasama ko si Bianca. Madami siyang batas na kailangan ko daw isaisip sa lahat ng pagkakataon. Una, sa sobrang puti ni Bianca huwag ko daw masyado hawakan ng sobrang higpit dahil baka magkaroon ng pasa.

Natural daw sa mga may malaporselanang kutis ang agad na pamamasa kapag may naipit na dugo dahil baka isipin ng magulang niya na sinaktan o pinuwersa ko. Pangalawa, medyo matangkad si Bianca kaya tumingala ako sa tuwing nakikipag-usap para maiwasan kong matukso sa mapuputi nitong hita lalo na kapag nakashorts. Pangatlo, huwag akong gagawa ng bagay na maiimpress si Bianca. Magmukha na akong engot kesa humanga siya upang maiwasan mahulog ang loob, mainlove at sa bandang huli ay sasaktan ko lang.

Sa totoo lang wala naman talagang dapat ikatakot si erpat. Kaya wala dapat ika-paranoid. Si Bianca ang tipo ng babaeng hindi papatol sa kahit sinong lalaki na magpapalipad hangin. She's so special. Oppss! Special friend. Wala akong lakas ng loob para sa kahit sinong babae para sabihin o i-express ang nararamdaman ko. Natatandaan ko pa, bumili ako noon ng gitara para mag-aral tumutog dahil iyon naisip kong outlet sa pagdiskarte sa isang chick pero walang nangyari. Ibinenta ko ulit ang gitara.

"Birthday ni Kuring? Ibig sabihin next month kay Estong na."

"Oo nga. Galing mo talaga."

Si Estong ang unang kaibigan ko. Kasama ko siya mula pagkabata. Katabi ko din sa upuan sa klase dahil pareho kami ng apelyido kaya siya ang madali kong nakagaan ng loob. Habang busy ako noon sa academics, abala naman siya sa kanyang NBA at baseball cards. Araw-araw niya iyon binibilang. Noong nga minsang lumindol una niyang sinagip ang mga cards kesa sa bunsong kapatid.

High School na kami nang nalaman kong magkapatid pala kami sa ama. Gulat na gulat ako noon, parang di ko matanggap na magagawang magloko ni erpat. Gusto kong magalit kay Estong dahil matagal na pala niyang alam ang lahat. Pero umurong ang tapang ko noong nalaman kong unang pamilya pala sila at nagkataon lang na si ermat ang pinakasalan. Parang ang bawat ngiti ko noon kapag kasama ko si erpat ay dumudurog naman sa puso ni Estong. Akala ko sa pelikula lang nangyayari ang lahat. Maaring tanggap ng ermat ni Estong ang set-up pero si Estong at kapatid nito? Hindi ko alam. Kwento pa n'ya huling regalo pala ng erpat ang NBA at baseball cards sa kanya kaya sobrang ingat na ingat.

Namiss ko bigla si Estong. Si utol. Si idol. Si tropa.

"Kung hindi kita kilala magdududa akong type mo siguro sa Estong?" balik ko kay Bianca.

"Huwag ka ngang ano! Aanuhin na talaga kita!"

"Ano? Anong aanuhin?"

"Basta! Pareho kayong may topak!"

Oo nga naman. Pareho kaming may topak. Noon. Dati 'yon. Noong nag-aaral pa kami.

Isang araw bago ang graduation nagkita kami ni Estong sa LV Square. Pareho kaming nakaitim. Siya relax at kabado. Sumakay kami ng van at isa-isang piniringan. De-numero ang tibok ng puso ko habang tumatagal ang aming byahe. Hindi ko alam kung saan kami dadalhin ng aming sinasakyan. Maliban sa nagbibigay ng instruction, tahimik ang mga kasama ko sa loob at tanging buntong hininga lamang ang nadidinig sa bawat isa.

"Baba!" sigaw ng isa. Naramdaman ko ang hampas sa aking batok pagkatigil pa lamang ng sasakyan. Pinahawak ako sa likod ng isa kong kasama para maging guide papasok sa isang madulas na lugar. Halatang imbakan ng langis ang aming pinuntahan dahil sa nangingibawbaw na amoy nito.

"Sino ang walang bayag na gustong pang umurong? May isang minuto pa kayo para umurong!"

"Ikaw! Uurong ka?!" sigaw ng isa sa aking katabi.

"Hindi po master!" matigas na sigaw ng isa.

"Hindi ko nadinig! Uurong ka ba?"

"Hindi po master!" mas malakas niyang tugon. "Hindi!"

Hindi ko maunawaan kung bakit kailangan palaging nagsisigawan kapag nag-uusap. Kailangan ba talagang nagsisigawan o tanda ng tunay na pagkalalaki kapag malakas ang boses.

"Ikaw may bayag ka ba?" sigaw naman niya sa akin.

"Meron po master!" sigaw ko sa kanya. Ngayon pa ba ako uurong kung kailan nandito na ako. Isa pa, kung aayaw ba ako papayag ba sila? Desidido na ako. Walang urungan.

"Galit ka ba? Bakit mo ako sinisigawan?" Isang malakas na suntok sa dumapo sa aking sikmura. Halos mapaupo ako sa sakit pero hindi ko ipinahalatang nasaktan ako. "Masakit ba?"

"Hindi po master!" sagot ko.

Tinanggal niya ang piring sa aking mga mata. Maliit lang ang lalaki sa aking harapan. Kung papatulan ko paniguradong hindi basta-basta ako malalamangan. Pero hindi pwede, sa mga ganitong samahan iginagalang ang nakatataas kahit kayang patumbahin sa isang tadyak lang.

Hinanap ko agad si Estong. Nasa  may unahan siya. Magkadaop ang dalawang kamay niya sa may batok habang kausap ng isang lalaki. Bahagyang umurong ang lalaki at ikinumpas ang kanyang kamay. Lumapit ang isang lalaki na may dalang paddle. Ilang saglit pa ay tumanggap siya ng malakas na palo sa likod ng kanyang mga hita. Bahagyang nawalan ng balanse si Estong pero nakabawi din agad. Kumawala ulit ang isang palo na halos ikabuwal niya. Lumapit ang isang matabang lalaki at kinuha ang paddle sa kasama, napaluhod si Estong pinakawalang palo at hindi agad nakatayo.

Lumapit sa aking ang isang pang lalaki. Sunod-sunod ang lunok ko ng laway. Piniringan ako at pinalakad ng bahagya. Hindi ko na alam ang nangyayari. Dinig ko ang bawat daing ng aking mga kasama.

"Ahh!!!" Ramdam ko na ang bawat dampi ng kahoy sa aking mga binti at hita. Mapadhi. Nabibingi ako. Malakas ang bawat palo. Hindi ko na mabilang. Nakakaramdam ako ng hilo. Umaakyat ang dugo sa aking ulo. Hindi ganito ang inaasahan ko. Para akong binububog ng hindi man lang lumalaban.

"Tayo!" sigaw sa akin. Hindi ko na makayanan. Gustuhin man ng isip ko, hindi naman makaya ng binti ko. Isang tadyak ang nagpadapa sa aking sa mabahong lugar. Kumuha muna ako ng lakas sa muling bumangon. Inalis muli ang piring ko. Sa pagkakataong ito hindi ko na makita si Estong. Anim na lang kaming nanatiling nasa loob.

Pinalakad kami palabas ng imbakan ng langis. Inabot ko pa kung paano paglaruan ang isa naming kasama sa itaas ng isang stage. Halos mawalan na din siya ng lakas sa tindi ng hirap na nararamdaman.

"Ikot!" sigaw ng matabang lalaki. Kinakabahan ako. "Lakad!" Delikado ang ipinagagawa nila. "Talon!!!" Kailangan tumalon kapag sumigaw ang pinuno. Dalawa lang ang pwedeng mangyari kapag tumalon, ang manatili sa ibabaw ng stage o mahulog. Tawanan ang mga sa kolokoy sa kanilang pinaggagawa. Buti na lang at papapunta sa gitnang direction ang lakad ng kapwa ko apprentice.

Susunod na sana ako sa stage nang bigla akong lagyan ng sako sa ulo. Itinali ang parteng nasa may leeg. "Tatakbo ka hanggang kaya mo ha?" sabi ng isang lalaki sa akin. "Kapag inabutan kita yari ka. Takbo!"

Tumakbo naman agad ako. Dahil hindi ko alam ang aking dinadaanan at mahina na ang aking mga tuhod madali niya akong inabutan. Habang pinipilit kong tumakbo ay sunod-sunod din ang mga palong natatatanggap ko. Hindi ko na halos iniinda ang sakit. Pumuputi na ang paligid. Hindi na malinaw ang aking dinadaanan. Nakakaramdaman ako ng uhaw. Unti-unti kong naalala ang mga bagay na tinatamasa ko. Ang nakakainip kong buhay, ang mga nang-api sa akin noong bata ako. Ang aking gitara. Ang aking mga magulang. Ang mga sermon mula almusal hanggang hapunan. Si Bianca.

Tama ba ang pinasok kong ito? Hindi ko alam. Bumagsak ako sa lupa.



"Sana sinamahan na lang kita bumili ng halaman noon. Hindi sana ako bantay sarado ni Erpat ngayon."

Tinapik ako ni Bianca sa balikat. "Hayaan mo na, Konrad." Hinawakan niya ang dalawa kong pisngi. Ilang segundo. "Ang mahalaga naredeem mo na ang sarili mo. Nagbago ka na."

"Naredeem ko na ba talaga?"

Ngumiti si Bianca. "Tara na. Dito na tayo."


-itutuloy..."