credits to mel |
Nakatayo ako noon sa tapat ng pintuan ng iyong apartment. Hindi ko alam kung ayaw ko pang umalis o may hinihintay. Ngumiti ka bago tuluyang isara ang pinto. Dalawang mabagal na hakbang at isang iling. "Mahina ka," tukoy ko sa aking sarili.
"Teka. May sinabi ka ba kanina?" pahabol mo sa may bintana. "Hindi ko masyado nadinig. Mahina kasi."
"Ah. Sinabi ko mahal kita."
Lumabas ka noon. "Talaga?" Tumango ako. Hinawakan mo ang aking kamay. "Mahal din kita."
Lumundag ako noon. Mas mataas sa karaniwan kong lundag. Sobra ang saya ko. Sobra ang adrenalin. Sobra pa sa pwedeng magsobra.
Kaya pala naglakad tayo mula P. Torres hanggang Sabang na karaniwan naman tayong nagsasakay. Kaya pala mabagal ang ating lakad. Kaya pala panay ang lunok mo ng laway kapag napapadikit ako. Kaya pala para akong kinakabahan. Kaya pala bitin pa ang araw. Kaya pala maganda ang gising ko kanina. Kaya mo pala suot ang bigay ko ponytail. Kaya pala ayaw kong umalis sa tapat ng pintuan. Kaya pala ayaw mo akong paalisin.
Kasi.
Mahal na pala kita.
Kasi.
Mahal mo na pala ako.
Media Noche. Ang gabing naging tayo. Taon-Taon natin binabalikan ang araw na 'yon, di ba? Ang saya natin. Naglalakad ulit tayo mula P. Torres hanggang Sabang pero nakapulupot na ang mga braso. Ako ang nakatoka sa kare-kare at ikaw naman sa spaghetti. Habang hinihintay nating makaluto, exchange gift muna tayo. Pero syempre hindi dapat lalampas ng limang piso. Matindi talaga ang itinawa ko noong binigyan mo ako ng pako.
"Bakit pako?" tanong ko pa habang natatawa.
"Kasi sa tigas ko ba namang 'to, "NAILove ako sa'yo. Boom!"
"Pwede! Pwede!"
Tapos binuksan mo ang bigay ko. "Oh bakit bawang?"
"Pangarap ko kasi yan. Na BAWANG araw maging tayo. Boom!"
Matapos natin kumain ang mahabang kwentuhan kung paano tayo nagsimula. At ang plano sa mga sunod pang media noche. Habang ang lahat ay abala sa putukan, pinatugtog mo ang instrumental ng Grow Old With You. Tulad dati sumayaw tayo. Ang kamay ko nasa iyong bewang. Ang iyo naman nasa aking balikat. Gumalaw ako pakaliwa ikaw naman sa kanan. Ang sagwa. Dalawang direksyon na lang hindi pa sabay. Tumawa ako. Halakhak ka.
Bumulong ka pa sa aking dibdib. "Sino ang pinakamasayang babae sa gabing ito?" Tumingin ka sa akin at sinagot ang sarili mong tanong. "Ako." Niyakap kita ng mahigpit. Napaluha pa ang kaliwa kong mata sa sobrang saya.
Noong mapagod nanood tayo ng pelikula hanggang sa makatulog ka na sa aking braso.Inaamoy ko pa ang buhok mo. Napakaswerte ko.
Kasi.
Mahal kita.Kasi
Mahal mo ako.
Media Noche. Ang pinakamahabang minuto ng buhay ko. Ang pinakamasaya. Pinaka-exciting.
Napakasarap talagang balikan. Kaya ngayon naglakad ulit mula P. Torres hanggang Sabang. Nakatayo ulit ako sa harap ng iyong pintuan. At paniniwalain ang sarili na tayo pa kahit may kasayaw ka ng iba. Sa sunod na taon uulitin ko pa? Siguro. Malamang oo. Kasi noon lang ako sumaya.
-wakas-