Skinpress Rss

Huwag mo akong anuhin (baka anuhin kita)


credits : meldita martinez
Dapat nakahiga pa ako at natutulog ng mahimbing dahil wala namang pasok ngayong araw. Bihirang pagkakataong maghiwalay kami ng aking unan pagsapit ng ala-sais ng umaga. Pero heto ako ngayon nakikipagbuno at kumukuha ng lakas sa dingding. Ewan ko ba kung bakit binigyan ako ng mahinang panunaw kaya kapag medyo ginahan o wala laman ang sikmura ay sira agad ang tyan. Napurnada tuloy ang continuation ng aking panaginip na malapit na sana sa climax. Hindi ko man lang nalaman ang pangalan ng damsel na baka senyales ng tunay na pag-ibig. Malay mo di ba? Kung bakit ba naman mag-uumaga na saka dinalaw ng panaginip.

"Anak! Matagal ka pa ba dyan?" Sinlaki ng paminta ang aking pawis pero dinadaan lang ako sa padila-dila na tila nang-aasar.

"Sandali na lang po!" sigaw ko.


"Aba, tumatakbo ang oras. Kulang na lang ang cedula para maging residente ka dyan. Paspasan mo ng konte. May lakad pa kayo ng tatay mo."

Hindi naman ako mareklamo at batugan. Gusto ko lamang na nirerespeto ang aking seremonyas dahil hindi naman ako ang klase ng tao na kapag umupo ay larga agad. It takes time. May process! Minsan kasi nahihiya. Pasilip-silip lang. Kadalasan pa naman kapag masama ang aking gising ay hindi maganda ang kinalalabasan ng araw. Carry-over ang negative vibes hanggang hapon. Pwera na lamang kung tatama ang taya ko sa STL.

Birthday ni Kuring. Bilin ni Ermat huwag ko daw sisirain ang espesyal na araw na ito ni Ate. Hindi niya paborito ang kapatid ko baka lang daw kasi matauhan na this time at maisipang i-give up ang pangarap na maging flight attendant. Ginawa na lahat ni Ermat para i-discourage si Kuring pero hindi umubra. Binigyan ng sariling negosyo ngunit kahit tapak sa pintuan hindi nagawa. Wala din epekto ang paliwanag na kulang sa height ang lahi namin kaya binawi na lamang sa lusog. Isinabak naman ni Erpat ang statistics ng eroplano at bilang ng taong gustong maging flight attendant ay hindi proportion pero nagtaas lang ng balikat si Kuring. Keber tapos taas kilay. So what? Uso kay Kuring ang never give-up na natutunan niya sa mga pinapanood na inspirational movies. Tipong against all odds tapos in the end success with teary-eyed pa. Minsan sinisisi ko ang school dahil obyus naman na kulang kami sa height pero pinayagan mag-enroll sa department nila.


Wala akong natatandaan na pwedeng maging dahilan ng pag-aalburuto ng aking tyan. Madaming chibog kagabi pero hindi ko trip kumain kaya walang laman ang aking sikmura maliban sa tubig na tinungga ko dahil sa pagkatalo sa pusoy. Mayroon kasing babaeng umubos ng atensyon ko buong gabi kaya wala ako sa konsentrasyon. Bago kami magpusoy naki-join muna ako sa mga naglalaro ng truth or consequence. Dahil ipinanganak yata akong kulang sa swerte ako ang buena mano. Para maging masaya at huwaran ng mga susunod na taya tinupad ko agad ang consequence. Give something valuable daw sa I find attractive sa venue. Bukod sa mukhang maton ang mga kalaro kong babae at takot akong makantyawan kapag si Abby ang nilapitan ko pumunta ako dun sa nakatalikod na babaeng malapit sa buffet. Medyo malayo pero hindi mata ang aking ginamit para malamang maganda sya. Mabango siya mula buhok hanggang sa iniwan niyang daan. Saken lang, ewan ko lang sa iba. Scent is beauty. Lumunok ako ng laway, kinuha ko sa wallet ang lumang 10-peso bill saka inabot sa kanya.

"Excuse me. Miss souvenir. Dadating ang panahon konting tao na lang ang meron nito."

"Bakit mo ako binibigyan nito," tanong niya.

Dahil hindi ako hokage. Tameme ako. "Baka magugustuhan mo lang. Kung hindi naman please keep it." Lumakad akong paatras at hindi na siya hinintay sumagot. Sa totoo lang sayang 'yun. Mahigit sampung taon na iyon sa wallet ko. Kung bakit ba naman walang valuable akong dala.

Kahit masarap ang pagkain ay hindi ko na naiisip bumisita sa buffet. Bukod sa takot ako sa komprontahan baka may lalaking lumapit sa akin para pagpaliwanagin ako. Mahirap na. Mahina pa naman ako sa impromptu at essay.

"Siya iyong lalaki."

"Ito ba? Bakit mo binigyan ng 10 pesos ang GF ko?"

"Ah e. Wala. Pinapahanap ko yung pusa."

Paranoid ako e.

Okay sana kung yun lang ang mangyayari e kung unahan ako ng suntok baka sa ilalim ng mesa kami magkita ng pusa. Medyo exag yung kwento ko kasi wala naman lalaki dun sa lugar maliban dun sa waiter pero mabuti na ang nag-iingat. Baka yung waiter kasi ang BF nga. Dapat nagstay na lang ako sa bahay.

Nakagflash back na ako ng nangyari kagabi pero hindi pa ako tapos sa arangkada. May pabugso-bugso at may tila bombang bumabagsak. Fire in a hole!

"Anak! Siguraduhin mong mabubuhay pa papasok dyan!" Tinalo pa ang amoy ng ginisa!"

Pambhira. Kasalanan ko ba kung uso sa design ng bahay ang malapit sa kusina ang banyo? Sa sunod dito na lang sa banyo maggisa ng bawang at sibuyas at sa labas ako. Ewan ko lang. Pero syempre biro lang.

"Suggestion lang, maggisa kayo ng bagoong. Nakatapos din." Pinisil ko ang ilong ni Ermat saka tumakbo palabas.

"Bastos ka! Hindi ka pa siguro naghugas ng kamay."

"Labyu Ma!"


Praning na naman ang langit. Kumukulog habang tirik na tirik ang sikat ng araw. Buti na lang nauso ang mga tindahan na may konting bubong sa dulo ng mga eskinita. Okay nga naman tambayan ng mga takot mabasa ng ulan tapos aaluking magmeryenda muna habang nagpapalipas ng ulan. Syempre kahit medyo busog mapipilitang bumili dahil sa free service ng bubong. Patok na negosyo, Eat While You Wait!

Umulan na nga.

Gaya ng dati, late si Bianca. Bihira naman talaga sa babae ang nasa oras. Kasama na siguro sa right nila pero bawal sila ang maghintay. Zero visibility na daw sa daan. Ako lang naman itong excited lumabas agad ng eskinita kahit alam kong kalhating oras ang byahe niya papunta sa lugar namin. Mahirap kasing makipagsapalaran sa mahaba at masikip na daan. Sabihin na nating umasenso ang mga tao sa amin kaya extended sa kalsada ang kusina, labahan, sampayan, tambayan at inuman. Kaya mag-isip muna bago magmadali baka madulas sa kalsadang amoy downy o maging target ng nagpipilantikang mantika. Worse mahuli sa lakad mo dahil sumasayaw na si Jollibee sa kalagitnaan ng birthday party.

Bibili kami ng halaman. Wala namang bago. Higit isang daang beses na namin itong ginagawa. Bukod sa magandang tingnan, okay din daw pangtanggal ng stress ang pag-aalaga ng halaman. Kesa makalbo sa pag-iisip, isang magandang breathing space daw ang garden. Ibig sabihin ang dami ng halaman niya ang directly proportional sa dami ng stress niya sa buhay.


"Tara!" sigaw ni Bianca. "Akala ko hindi na hihina ang ulan."

"Kahit naman malakas ang ulan hindi ka naman mapipigilan e," sagot ko.

"Natagalan tuloy ako. Bakit ba kasi ayaw mong mag-aral magdrive para ikaw na lang ang pumupunta sa bahay."

"Ah, may phobia kasi ako. Noong nag-aaral akong magbisikleta may nabundol akong aso. Pero sa summer mag-eenroll ako sa driving school."

"Wag na."

"O sige. Tipid yun."

"I mean, huwag ka na lang mag-enroll. Ako na ang magtuturo sa'yo."

"Baka masira ko ang auto mo."

"Problema ba 'yun. Eh di sa dump truck tayo mag-aral."

"Sige. Teka san ba tayo pupunta?"

"San nga ba? Maganda sana dun sa hindi pa natin nararating."

"Sa IRRI! Sa sobrang dami mong halaman, palay na lang ang wala sa koleksyon mo."

"Sige dun tayo! Basta ikaw ang magiging kalabaw."

"Ay! Naalala ko dumalaw dun si Bill Gates, binago niya ang synthesis ng palay. Sagot sa gutom. Isang kain lang busog na buong araw. Punung-puno ng bintamina from A to zinc ang butil ng palay."

"Seryoso?" Medyo gullible si Bianca madali siyang mapaniwala kahit obyus naman na kalokohan.

"Alin? Yung pagpunta natin sa IRRI?"

"Hindi. Yung palay na may vitamins."

"Syempre hindi. Naisip ko lang. Pahenyo lang. Dun na lang tayo sa Rose Botanicals may bagong breed ng bonsai ng kamatis."

"Seryoso na?"

"Syempre hindi pa din!"

"Bumaba ka na kaya!" sigaw niya.

"Seyoso?" balik ko.

"Oo. Wala ka kasing kwentang kausap."

"Alam mo naman wala akong alam sa halaman. Peace yoh! Nga pala may padalang pagkain si Ermat. Birthday ng paborito kong kapatid."

"Wow ha? Paborito e dalawa lang kayo parang may choices."

Galing si Bianca sa lahi ng mayayaman sa Laguna. Lahi nila ang tinatawag ng panginoong may lupa at kami ang aliping sagigilid. Hindi masyado malinaw sa akin ang family tree nila pero apo siya sa alipunga ng talampakan ng mga Yulo. Sabi ni lolo parte ng dating malawak ng sugar plantation ang lugar namin at ang mga dating magtutubo ang maswerteng naambunan ng lupa noong nagkaroon ng land distribution. Kaya kahit hindi na matunog ang pangalan ng mga Yulo tumatanaw pa din ang karamihan ng utang na loob lalo na sa angkan nina Bianca. Pero may ilan din galit dahil mas higit pa daw dapat doon ang matanggap nila. Kaya bilin ni Erpat huwag daw akong maiinlab kay Bianca dahil ayaw nilang pagmulan pa ng hidwaan ang higit isang daang taong pinagsamahan. Pero kung alam lang nila. Basta. Secret muna.


itutuloy...