Skinpress Rss

Tugs! Tugs! Tugs!


Ayun na nga walang natuloy sa mga planadong Christmas Party. Naging madalas ang overtime at ang ibang nagplano ay may personal conflict sa schedule. Kanina balik na sa dati ang lahat medyo nadaan lang sa kantyaw si manager kaya nauwi sa inuman.

Tatlong case ng mucho at dalawang may tenga ang pinabaha sa mesa tapos may cognac pa kaya paniguradong walang uuwi na walang tama. Tulad ng inaasahan may umiyak, nagkwento ng lovelife, madaldal, senti at instant concert king. Dehins makalalampas bukas kung sino ang senglot lalo pa't hobby na ng mga pinoy na pagkwentuhan ang dami ng alak, bilang ng bote at brand ng ininom. Syempre imposible akong umamin kahit natitisod na sa batong kasing laki ng holen.

Isusumpa ko na naman bukas ang alak kapag mahaba ang pila sa BDO. Baka abutin ako ng hilo sa tagal ng pagkakatayo. Noong nakaraan nga ubos talaga ang nasa playlist ko sa tagal ko sa pila. Isang branch lang kasi ang open kapag holiday. Ewan ko ba kung bakit nakalimutan ng bangko na maglagay ng upuan o magprint ng number sa CD tulad ng CDR king para hindi kami nagtitiis tumayo. Worse sumabog ang pantog. Hope they find ways.

"Amugong! Anong ginagawa mo d'yan?" Papasok sana ako ng 711 para humigop ng bulalo syempre hindi yung sinususop. Yung hinihigop lang. "Nakatulog ka na. Mukhang nakainom ka ah."

"Slight." Napaidlip na pala ako sa dami ng iniisip ko para sa kinabukasan. Buti hindi ako natokhang.

"Lasing ka e! Sumabay ka na sa amin umuwi. Baka madukutan ka pa." Si Jervis pala. Dating tropa. Medyo nabadtrip ako sa kanya dahil inagaw niya ang jersey number ko sa basketball. Alam naman niyang idol ko sa Rudy Hatfield.

"Evangelista ako dre."

"Iikot ka na namin."

"Hindi na. Kaya ko pa. Ilibre mo na lang ako ng bulalo. Yung noodles lang. Pampahulas." Kapalmuks na pero mas mura yun kesa ihatid nila ako sa kabilang dako ng Makati.

Kumaway pa ang mga kolokoy pagkasakay ng tsikot. Kahit lasing ako natatawa ako sa mga buhok nila na itsurang palong. O lasing lang talaga ako kaya natatawa. Cool pa din naman si Jervis medyo abnormal lang hindi man lang nilagyan ng hot water ang noodles. Papasok pa tuloy ako sa loob.

Kahit maghahating gabi na pahirapan pa ding tumawid sa Buendia lalo na sa kagayang kong hindi makalakad ng tuwid. Hindi iginagalang kahit ng maliliit na sasakyan ang mga pedestrian mas trip nila bumusina kesa tumapak ng preno. Timing lang na may dumaan na byaheng Evangelista, dehins na ako maglalakad ng malayo.

Heaven ang feeling sa pwesto ko. May music at malambot sumandal sa bandang dulo ng jeep. Tugs! Tugs! Tugs!

Ang presko pa ng hangin. Amoy estero at usok. Mix. Parang panis na kainin at nabubulok na diaper.

Unlimited ang singhot ng katapat kong babae. Palagay ko estudyante kasi may accounting book sa hita. Ang hirap na pala mag-aral ngayon inaabot ng hatinggabi. Nung una akala ko sinisipon kasi panay ang labas ng tissue tapos tapon sa bintana. Langya, umiiyak pala. Walang pakiaalam yung nililingkis niyang lalaki. LQ yata.

Nung una nasasakyan ko ang trip ni kuyang driver. Mahilig kasi ako sa sounds pero pati pagpreno niya kasabay ng beat ng music. Nahihilo ako at nasusuka.
Tugs! Tugs! Tugs! Puro bass lang ang tunog at konting tagastas. Walang lyrics. Halatang pinagyayabang ang ganda ng set-up ng sounds.


"Hon, ayaw ko umuwi. Gusto ko umalis." Sakit sa tenga pala kapag umiiyak ang matinis ang boses. Parang latang iniipit pero may pusa sa loob. Wala akong balak tsumismis pero tatlo lang kaming pasahero at lahat kami nasa dulo. Walang may trip mag-abot ng bayad.

"San ka naman pupunta?" Medyo inis pang sagot ng lalaki hindi man lang naging sarcastic.

"Anong ka? Tayo." Niyuyog pa ng babae ang braso ng katabi.

"Hindi ka pwede sa bahay. Mapapatay ako ni Erpat."

"Eh paano ako. Kami. Hindi mo na ba ako mahal." Yari ka boy, kinuwestyon na ang degree ng pagmamahal mo. Mamaya may essay kang sasagutan. Galing-galingan ang sagot para maging tunay na Hokage.

"Mahal. Mahal na mahal.” Yun naman pala. Ang linyang pinakamabisa para mahiga ang babae. “Kaso hindi pa ako ready." Ang linyang ayaw ng magpabangon sa babae.

"Ako din naman hindi ready. Anong gagawin ko?"

"Sinabi ko na di ba. Palaglag mo."

Ito siguro yung tinatawag ng millennials na pakboy. Hindi na uso ang babaero ngayon madalas pakboy na. Dati kasi ang mga babaero takot sa obligasyon kaya score sabay eskapo ngayon buntis lang ng buntis then run.

Nalubak ang jeep ni kuya. Nakakasuka. Bumaligtad ang aking sikmura. Pati mata ko nag-orbit ng 360 degrees. Naririndi ako sa music pati sa mga dahilan ng lalaki. Hindi ko na napigilan ang aking bibig. Pero sinigurado kong sasaboy sa lalaking pakboy ang pinulutan ko kanina with bulalo residue.

Tugs! Tugs! Tugs! Solb.

-wakas-