Skinpress Rss

Unang Halik



"Single by choice o single by no choice?" Binilugan ng babaeng nasa reception ang civil status sa kapirasong papel na nagdidikta ng aking pagkatao at kakayahan. Hindi ko alam kung kaibigan ko ba talaga siya.

Matatawa na maasar ako sa tanong ni Charry pagkatapos ibigay sa akin ang result ng medical. Okay naman daw lahat ang resulta mula X-ray, CBC, stool, urine at ECG. Kung may extra akong pera magpapasecond opinion ako sa ibang laboratory. Sabi sa ECG okay daw ang puso ko, panong nangyari 'yon broken hearted ako?


Mula first year college ay nililigawan ko na si Aelyn pero hanggang makagraduate hindi pa niya ako sinasagot. Nakita ko na siya kung paano nagmahal, nasaktan at nanaba. Hindi naman siya mapili kung tutuusin dahil nagkaroon na siya ng boyfriend na pogi, pangit, mahirap, mayaman, matalino, slow, payat, mataba, mabait at mayabang. Ewan ko ba kung bakit hindi ako nakasama sa pinagpilian.

Sabi ni Charry subukan ko puntahan si Aelyn dahil wala itong kasama ngayon. Walang abala. Yayain kahit konting oras o minuto kung hindi kakayanin magbigay ni Aelyn ng oras. Kumain sa labas pero kung ayaw niya ng kami lang pwede naman siguro magfishball para hindi pormal. Iba na daw kasi ngayon sabi ni Charry. Single na si Aelyn ng mahaba-habang panahon. Umayaw na siguro sa relasyon. Baka mapansin na daw ako this time kasi pursigido ako. Sana. Valentines pa naman.

Syempre akong si ugok naniwala. Iniwan ko ang bulaklak sa kotse para dramatic at hindi magmukhang jologs kapag hindi tinanggap. Para akong member ng batikang kidnapping syndicate na inabangan si Aelyn sa kalye ng Bonifacio. Tatlong upos na ng yosi ang dinurog ko sa pamamagitan ng hiniram kong black shoes kay kuya.

"Aelyn! Aelyn!" sigaw ko matapos makita ang aking pakay. Ngiting kabayo ako habang singhaba ng ostrich ang leeg ni Aelyn sa paghahanap ng tumatawag sa pangalan niya. "Happy Valentines."

"Uy Leandro. Happy Valentines din! Anong ginagawa mo dito?" Aba nagtanong pa kahit alam nya na.

"Alam mo na. Gusto sana kitang yayain..."

"Naku, kasi.." Alam ko na. Huwag mo nang ituloy reject na naman. Ayaw na talaga akong paasahin. Magkaibigan lang talaga kami.

"Kahit konting oras lang?" tanong ko. Turo nga pala ni Charry oras daw muna ang umpisa.

"Kasi may gagawin ako. Madami kailangan sa tindahan."

"Minuto. Kahit magfishball lang tayo." Syempre turo ulit ni Charry. "Hindi ito date. Okay na itong setup natin ngayon, magtitinda na lang kulang parang may konti tayo chibog."

Umiling siya. Tatlo yata o apat na beses. Gumuguhit sa dibdib ang pagbaling ng kanyang ulo sa kaliwa at kanan.

"Ihahatid na lang kita. Sakay na at mukhang nagmamadali ka."

Dapat talaga hindi ako naniwala kay Charry.
Nasaktan na naman ako. Nagmukha ulit kawawa.
May mali kaya sa akin?

Kaya ko din naman magmahal. Sinasaktan lang naman siya ng mga pinili niya. Sapat na siguro ang apat na taon para patunayang mahal ko siya.

"Boss, pabili ng yelo."

"Ilan boss?"

"Isang bloke para manhid na manhid."

Hanga din ako sa gumawa ng bahay nina Aelyn. Lumang-luma na pero may katibayan pa. Tumalon ako at bahagyang bumitin sa mahabang kahoy na nagsisilbing suporta ng bubong. Sanay kaming magkakatropa dati na hinahampas ang parteng 'yon na tila nagtap sa board ng ring ng basketball.

Medyo may grasa pa ang nakuha kong lubid sa likod ng kotse. Nadumihan noong huling nasira ang kotse sa kalagitnaan ng Maharlika. Ilang beses ko ng binalak ibenta ang sasakyan pero may sentimental value kaya umuurong din kapag may buyer na. Presyong hindi ibinebenta sabi nga ng ilang tumingin.

Gumawa ako ng buhol gaya ng natutunan ko sa pagtatali ng kahon sa Puregold. Habang bumibigat lalong hihigpit ang buhol. Sa susunod na gagawa ako ng resume isasama ko na sa special skills ang paggawa ng buhol. Kinuha ko ang yelo sa kotse saka itinali ng lubid. Mas madali ng buhatin.

Kulang ng dalawang turnilyo ang swivel chair na pinagtabihan ko ng yelo. Dapat irerepair ko ito noon kaso nahirapan akong humanap ng kapalit na turnilyo kaya napatambak na lamang sa bodega nila. Naupo ako at pinaikot ng dalawang beses. Nahulog ako. Buti pa ang upuan may dahilan para mahulog. Nilagyan ko na lang ng tali ang ilalim upang magamit.

Sabi ni Charry pagod na si Aelyn. Hindi na siya masaya. Sawa ng magmahal. Bakit kaya hindi naisip ni Aelyn na ako ang sagot sa nararamdaman niya? At kaya ko iyong patunayan kahit hindi niya ako mahalin. Ako itong magtagal ng humihingi ng pagkakataon hindi niya pagkatiwalaan.

Napakaganda pala ng mukha ni Aelyn habang natutulog. Tama si Charry sa pagkakataon itong mahuhulog na siya ng dahil sa akin. Hindi naman instant. Inaayos ko naman ang inuupuan niya. Hinigpitan ko din naman ang lubid na umaalalay sa leeg niya. At may kalakihan pa ang bloke ng yelong pinagpapatungan ng inuupuan niya.

Magmamakaawa kaya siya kapag nalaman niya o baka naman pasalamatan pa niya? Hinintay ko siya magising. Kumilos. "Happy Valentines Aelyn. Walang mananakit sayo." Hinalikan ko siya sa labi saka tuluyang umalis. Hindi pala matamis ang unang halik.

-wakas-