Skinpress Rss

Huwag mo akong anuhin (baka anuhin kita) part 3


credits : meldita
Kung ako ang tatanungin ng mga nagbabalak magkolehiyo ay agad isasagot ko na pinakamahirap ang mag-aral sa Calamba. Hindi biro ang pag-aaral kung madaming magandang babae kahit sa pinakatahimik na sulok ng library, sangkatutak na hot spring resort na patok sa parehong taglamig at tag-araw at higit sa lahat non-stop na gimikan na umaabot ng madaling araw. Kaya bilib ako at medyo badtrip na din kay Kuring. Biruin mo nagagawa niyang balensehin ang pag-aaral, pagliliwaliw, pagpapa-good vibes at pag-iwas sa gawaing bahay. Hindi naman ako pabayang estudyante at hindi nagpapaiwan sa lesson dahil mas mahirap ang maghabol. Kung tutuusin busy ako sa academics pero sa tuwing magdecide akong magbulakbol ng konti upang maiba naman ang simoy ng hangin doon pa sumasablay.

"Pre fiesta kina Jorge. Samahan mo ko. Saglit lang naman tayo," yaya noon ni Aldrin.

"May exam ako mamayang 4pm e."

"Oh? May apat na oras pa. Vacant pa naman tayo. Saglit lang. Hindi tayo magtatagal." At ayun sumama ako.


Masarap ang kalderata lalo na ang pagkain hindi ko alam ang pangalan. Basta hugis embutido at may palaman itlog, hotdog at medyo lasang manok tapos prito ang pagkakaluto. Hinintay ko ang pangalawang bugso ng buko salad pero hindi naghain sa mesa. Naghihintay pa siguro ng espesyal na bisita. Kumanta ako ng isang Beatles at dalawang Rivermaya. Idol ko si Rico Blanco kahit paiba-iba ang trip n'ya sa itsura niya. Panatiko ako ng mensahe ng bawat kanta nya. Tinapos ko ang pamimista sa saliw ng kanta ni Ely Buendia. Napasarap kami pero pinilit naming umalis agad. Nilamon kami ng traffic sa Parian. Hindi ako nakakuha ng final exam.

Dalawang bumbay ang inutangan ni Ermat para makaexam ako. Kung kelan pa pasilip na ang graduation saka pa sumablay. Paano ko ipapaliwanag na kailangan ko ng special exam at may katumbas itong bayad? Mahirap umisip ng dahilan.


Amoy ginisang bawang at sibuyas ang eskinita papasok sa amin. Tumataas na ang buntot ng mga pusa habang naghihintay ng pwedeng mahulog sa hinahalong ulam ng kanilang amo. Maghahapunan na. Paniguradong tatanungin agad ang exam ko. Ayaw ko naman magsinungaling pa dahil sermon din naman ang uuwian kapag nagkabukingan lalo at alam nilang hindi naman ako pabaya.

"Aba may magandang bisita," wika ko sa sarili ko. Willing akong maghugas ng pinggan basta perfect view ang uuwian. Hindi iisang beses ginawang pangtakip ni Kuring ang mga group projects sa mga gala niya. Isang pasekretong bulakbol ang kapatid ko. Pakunswelo na lang na maganda ang mga kaklase niya. Masarap siguro kumuha ng minor subject sa Tourism class. Sayang late ko na naisipan.

"Kain ka, Konrad," alok ni Abby. Si Abby ang tipo ng babaeng hindi mo papansinin sa unang tingin. Medyo mukha siyang madungis dahil may kaitiman at mayroon siyang bigote. Pero kung tititigan napakanganda pala ng hugis ng labi niya at mapanukso ang mga mata. Tila ba nagyayang umupo ako sa tabi niya at mag-usap kami hanggang maging tandang ang itlog ng kapitbahay.

Ngumiti muna ako. "Dito ka ba matutulog, Abby?" Kumuha ako ng dalawang slice ng tasty bread. Pinisa ko muna bago pinatungan ng ham at ng natitirang lady's choice. "Laro tayo Playstation ha, after n'yan."

Simula nang makilala ko si Abby naging matagal na ako sa banyo at nakakumot na ako matulog. Kahit sigurong lalaki ay dumaan naman sa ganoong stage. Syempre medyo concious na kaya matagal maligo at nakatago sa kumot sa pagtetext para di mahalatang kinikilig.


"Pa, si Konrad. Nanakot na naman ng classmate ko. Ipadlock nyo nga mamaya." Napakabait talaga ni Kuring. Manyakis yata ng turing sa akin.

Hinila ako ni Erpat. "Lumayo ka nga dyan! At bakit amoy alak ka? Kailan ka pa naging lasenggo."

"Pinatagay ako ng tropa n'yo sa labas. Hinahanap nga kayo."

"Sinabi mo na andito ako?"

"Syempre po hindi."

"Buti naman. Kumain ka muna. At huwag mong kulitin ang bisita ng ate mo. Kumusta ang exam?"

Sobrang bait ng magulang ko kaya sobrang hirap sa loob umamin ng kasalanan at mas masakit naman kung magsisinungaling pa. Ikinuwento ko ang ginawa kong paglalakwatsa at humingi ng despensa. After ko aminin ang nangyari umiling lang si Erpat tapos konting sermon. Naluluha na siya dahil alam niyang hindi ako pabaya sa pag-aaral at hindi niya akalain magdedecide ako para sa isang saya kapalit ang mas matinding problema. Muntik na akong mawala sa mood nang biglang magpop-up ng message ni Abby. "Sige. after ng project."

"Ligo lang ako. 2 hours," reply ko. Namula akong parang kamatis.

Yon ang simula ng spice ng aking boring na college life. Sa sobrang kilig ko noon naigawa ko pa ng short story ang sarili ko na may title na "Me and Miss Tourism". Ibinigay ko kay Abby pero hindi ko nabalitaan kung binasa ba niya. Nagkikita kami ng madalas ni Abby pero palihim. Syempre hindi alam ni Kuring. Nagtetext. Chat at kung anu-ano pa. Hindi ko alam kung MU kami. Lalong wala kaming label. Hindi ko alam kung bakit okay sa kanya ang ganong set-up at hindi ko din alam kung kanino kami dapat maglihim. Basta. Ang mahalaga happy.

Sa kwento ni Abby hindi pa siya ready sa commitment. Malinaw na basted na 'yon pero may clause na kung makakahintay ako magtyaga lang. Minsan na siyang niloko kaya natatakot umulit.

"Gumanti ka na lang. I-boyfriend mo ako. Date tayo. Sine. Swimming dyan sa hot spring tapos lokohin mo ako."

"Loko ka! Hindi maganda yon."

"Ayos lang yon at least nagmahalan tayo. Tara na sa kwarto."

"Ano gagawin dun?"

"Ano bang ginagawa ng isang babae at isang lalaki sa kwarto?"

"Gago! Manyak! Bastos!"

"Ito naman. Alam namang biro lang. Maglalaro nga tayo, 'di ba? Inilipat na kasi ang playstation sa taas. Masyado daw kasing makalat kapag dito sa sala. Ayaw nila maniwala na ikaw ang makalat sa ating dalawa. Sobrang organized mo daw kasi kaya imposible."

"See kahit magulang mo hindi naniniwala sayo. Magbago ka na kasi." kantyaw ni Abby.

"Iniisip ko ngang ampunin ka na e. Para hindi na ako mapuna dito sa bahay."

"Oh may yearbook ka na! Patingin!"

"Ako pinakapogi d'yan. Kaya wala kang mahahanap na boyfriend material d'yan."

"Hindi ako desperado."

"Hindi ko sinabing desperado ka. Baka maisip mong maghanap lang. Sige ka baka mabulok 'yan. Lupa lang makikinabang. Sayang din."

"Bastos ka!" Hinampas niya ako ng yearbook sa braso.

"Tingnan mo na. Huwag lang itong isang to."

"Bakit? Cute naman siya ah."

"Huwag 'yan."

"Insecure ka siguro dito."

"Sige pumatol ka d'yan. Kapag nagsex kayo n'yan kasama pa nanay nya."

"Yuck! Hindi ka ba nahihiya sa sinasabi mo sa akin? Isusumbong kita!"

"Biro nga lang. 'To naman oh."

"Baka kasi marinig nila, isipan ako ng masama."

"May punto ka. Next time itetext ko na lang." Tumawa ako ng malakas.


Sa ganitong pagkakataon kailangan ko si Estong. Kahit hindi niya aminin ay ilang beses na niyang napatunayan na isa siyang hokage. Nakapahirap magpalipad hangin. Gusto ko ibang level na kami ni Abby. Ilang buwan na kaming nagkikita pero hindi pa kami nagholding hands. Para matupad ng nais ko kailangang sumangguni sa expert.

"Turuan mo naman ako ng mga the moves mo sa mga babae mo," pilit ko kay Estong.

"Uy! uy! Loyal ako! Wala akong alam sa sinasabi mo. Ilang beses ko bang sasabihin sayo na loyal akong magmahal." Siya siguro ang nakamana ng karisma ni Erpat sa babae. Sayang hindi man lang ako naambunan.

"Isang Andrei Soliman Flores, loyal? Si Trish? Sabay sila ni Queenie. Si Tetay kasabay ni Dhel. Tapos si Louise at si Reese. Ilan pa gusto mong i-enumerate ko?"

"Tol, loyal akong magmahal. Uulitin ko. Si Trish hindi kami naging so hindi ko niloko si Queenie noong nililigawan ko. Si Tetay naman narealize kong hindi ko mahal kaya noong dumating si Dhel dun ko naramdaman ang love kaso hindi pa nakakamove on sa dating bf kaya wala hinantungan. Si Louise hindi ko na kailangan ipaliwanag, alam mo naman siya ang may gusto sa akin. Si Reese friends lamang kami nun, ang mga tao lamang ang nagbibigay ng meaning."

"Linya talaga yan ng mga kolokoy."

"Ang usapan natin dito ay loyalty sa pagmamahal. Paano mo masasabing nagloloko ako kung hindi naman ako involve sa kahit kanino?"

"Ipagpapagawa pa kita ng tarpulin kapag loyal ka na. Take note ipagpapagawa. Personalized!"

"Malay mo si Bianca pala ang soulmate ko? Yung chick mo."

"Woh! Wag siya."

"Bakit type mo siya?"

Natawa ako. "Pati ba naman ikaw?" Gusto ko sanang ipaliwanag na ayaw ni Erpat ng may mabubuong relasyon sa amin dahil baka maging mitsa ng pagkasira ng pagkakaibigan na inalagaan ng ilang salinlahi. "Magkaibagan kami. Ayaw kong maging biktima mo siya."

"Yun naman pala. Hindi ko siya lolokohin. Sana maging close din kami para nakakasakay ako sa kotse niya."

"Turuan mo na lang akong dumiskarte. Trip ko kasi ang classmate ni ate."

"Libre mo muna ako ng meryenda. Para maikwento ko ang konting nalalaman ko kahit wala din naman ako idea."

"Umamin ka na!"

"Ano pangalan ng chick mo?"

"Abby."

Turo ni utol na alamin ko ang hilig, mood, background at oras. Sinibukan ko pero nawala ako sa focus. Naenjoy ko na kasama siya. Kung ano lang siya at kung ano lang kaya ko. Sinulit ko ang oras kasama siya kesa mahanapin kung ano siya.

Magtapat na lang siguro ako. Hindi pwede. Baka umiwas siya. Pero paano kung naghihintay lang siya? Bahala na.

Decided na ako. Handa na akong sabihin kay Abby na mahal ko siya. Hindi na ako papayag na mawala pa siya sa akin. Inaamin ko noong una ayaw kong sumugal lalo na't bawat pagkikita namin ay panakaw kaya hindi ko alam kung tatagal. Pero ngayon, iba na! Alam ko mahal ko na siya, 'yon naman ang mahalaga di ba?

"May sasabihin ako, Abby."

Naexcite ako! Ramdam ko sa buong katawan ang kilig. Hindi ko alam na pareho pa kaming magtatapat ngayon sa isa't isa. Kagabi pa lang magkausap na kami na may aamin sa isa't isa tungkol sa estado naming dalawa. Gusto niya personal kaya nagkakarera ngayon ang mga blood vessels ko sa pagtibok. Noong una talaga corny sa akin ang pagsasabi ng nararamdaman. Sa mga past relationships ko, never akong nanligaw lahat galing sa MU. Ngayon kakainin ko talaga ang pride ko e. Ganun talaga, ito na siguro ang tinatawag na true love. Tinamaan talaga ako. Sapul walang tutol!


"Ako din!" mabilis na sagot niya.

Hindi na kailangan pa ng rainbow para maging makulay ang paligid sapat na nga mata niya para kulayan ang lahat. Niyakap niya ako ng mahigpit. Matagal. Ayaw kong matapos ang sandaling iyon. Ito na siguro ang perfect timing. Hinawakan niya ako sa pisngi. Hinihintay ko na lang maglapat ang aming mga labi. Pumikit ako. "Aalis na kami. Tanggap na ako! Isa na akong ganap na flight steward! Kami ng ate mo!"

"Congrats!" maiki kong sagot.

"Ikaw ano sasabihin mo?"

"Wala. Sasabihin ko nga congrats. Kasi natupad na ang pangarap mo. Kayo ni Kuring." Niyakap niya ulit ako. Mas maikli sa nauna. Tapos hinalikan niya ako. Smack sa lips. Ewan ko kung bakit hindi matamis. Mapait.


...itutuloy