Skinpress Rss

Uuwi na Siya


Litrato ni tuyong tinta ng bolpen. Hindi maganda ang araw na ito. Ito na siguro ang tinatawag nilang maling bangon sa higaan. Inuuna ko ang kape bago ang asukal sa tuwing magtitimpla ako ng kape pero ngayon asukal muna sa pagbabakasakaling may mababago sa araw na ito.

"Uuwi na ang Papa mo. Susunduin na ng Mama mo. Kaalis-alis lang nila papuntang airport." Iniabot sa akin ni Lola ang plato ng hotdog at ilog. "Iikot mo ang plato mo." Ugali na sa pamilya namin na iikot ang platong kinakainan sa tuwing may paalis na myembro ng pamilya.


Hindi ako masaya. Wala naman pagkakaiba.

"Pauwi na pala si American Boy." Kinder ako noong umalis si Papa para tuparin ang kanyang American Dream. Isang malaking oportunidad ang dumating kaya hindi na niya nagawang palampasin.


"Ano ka ba? Hanggang ngayon ba? Tandaan mo walang ginawang masama ang Papa mo puro sakripisyo para buhayin kayo."

Ready na ulit ang photo album at mga postcards ng Mississippi River. Maiiyak na naman si lola habang ipinakikita sa kamag-anak ang mga larawang ipinadala ni Papa mula Iowa. Sa palagay ko naman ay nakita na ng lahat ang photo album.


"Dalawa lang kami ni Mama. Hindi kami mahirap buhayin. Anim na taon palang ako pinauuwi ko na siya. PUro pangako lang ginawa niya. Tapos ngayon? Ano?"


"Wala kang galang na bata ka!"

"Totoo naman. Pangarap nya 'yon. Hindi para sa amin."

"Hindi ko alam kung anong kasamaan ang itinanim sa iyo ni Mercedes. D'yos ko!"


Hindi biro ang dalawampung taong ninakaw ng American Dream kay Mercedes. Sa unang mga taon may usapan, lambingan at matamis na pangako ng pag-uuwi na sa huli ay hindi matutupad. Mga laruan ang naiisip nilang patumbas sa pangungulila. At sa puntong kayang makaunawa na ang bata mababawasan na ang kumustahan at pangako. Hanggang sa maging susteno na lang ang ugnayan. Hanggang sa nag-asawa na si Mercedes na hindi nakita ang kanyang ama.



Nakangiti ako habang nakahiga sa upuang gawa sa asero. Pinagmamasdan ang huling usok mula sa marijuana na nakapaloob sa sigarilyong tinanggalan ng tabako. Napakagandang pagmasdan ang pusang inaaruga ang kanyang kuting. Dinidilaan at kinakagat kung minsan. Napatawa ako pero may luha. Langya, buti pa yung kuting may naramdaman.


Hagulhol ang salubong ni Lola sa pinakamamahal niyang anak. Yakap-yakap niya habang pumapasok. Hindi sapat ang lakas ng mga kamag-anak namin upang pigilan siya.


"Hindi mo man lang ba titingnan ang Papa mo?" wika ni Mama. Hanga din naman ako kay Mama dahil hindi nabawasan ang pagmamahal niya kahit higit labing-apat na taon silang hindi nagkita.


Umiling ako. "Parang wala naman pagkakaiba. Hindi ko kasi alam ang pakiramdam ng mawalan ng ama at walang kinalakihang ama."


"Patawarin mo na ang Papa mo."

"Wala naman siyang kasalanan. Nagkataon lang na hindi ko lang kilala ang lalaking nakaburol."

Dinig ko ang lalim ng hikbi ni Mama. Nahulog mula sa aking kamay ang upos ng sigarilyo. Tila inaantok ako at gusto kong matulog.

-wakas-