Skinpress Rss

Saan Aabot ang Bente Pesos ko?


credits to owner
San nga ba ako dadalhin ng bente pesos? Lumang luma na ang linyang ito pero never ko pang sinubukan bumili ng cornetto. Balita ko tumaas na ng piso. 



Pwede akong pumunta ng Tayak Hill at tanawin ang pitong lawa ng San Pablo. Dahil gabi na  pwede ko ng pagdugtungin ang mga tala at iguhit ang iyong mukha.  Ang langit ang aking canvas at ikaw ang pinakamagandang obra. At pagkatapos nun uumpisahan ko na ang paglalakad pauwi. 

Pwede akong bumili ng stationery. Syempre yung pinakamabango! Doon ko isusulat ang pinakamatamis na salita na nababagay sa'yo, sa akin at satin. :) Tula siguro. Pero. Hindi nga pala ako marunong. Ang tula ay isang larawan ng damdamin. Isang sining. Hindi ito basta mga salitang pinagsama-sama at basta may tugma sa dulo.  

Pwede akong bumili ng beer. Pero utang ang kulang. 

O kaya ng pirated copy ng mga Winchesters. Season ano na ba ang Supernatural? Kaaway na ba nila ulit  yung kalaban o kakampi na ulit nila? 

Ano nga ba? 

Sa ganitong dis oras ng gabi mahirap mag-isip lalo na habang umiihi sa pader. Kung tatambay ako sa pisonet mayroon akong isang daan minuto na pwede ubusin sa pagtingin ng larawan mo sa facebook. Pwede! 

Sa number 7 ang paborito kong pwesto. Sa medyo sulok. The best kasi sa kagaya kong left-handed ang walang kabanggaan ang siko. 

Okay nga din ang pisonet kahit sabi  ni JeMarie mabagal ang internet tulad ng destiny ni Avie. Aba, madami na ang umasenso ang buhay tulad ni Pia. Namuhunan lang ng barya nakarating ng Amerika! Si Jaja lang yata ang minalas. Hindi pumatok ang online business niya ng gulay. 

Ayos ang status ng tropa. Kahit gaano ka-busy sa buhay dapat wag mong kalimutan magsaya. Para saan pa nga naman ang pagpapagod kung laging stress? Napagparalan ko  yata noon o kinopya ko lang  sa katabi ko sa Physics na ang stress ay ang force na nagpapadeform ng body.  See? Sa mga bagay nga may epekto lalo na sa tao.  

Uy ikinasal na pala si Princess! Okay talaga ang facebook kaya madaming nag-aaksaya ng oras e palaging updated. Hinanap ko talaga si Nat. At hindi ako nabigong makitang pikit na naman siya sa mga picture. Skills niya yun!

Sa wakas natupad na ang pangarap ni Princess after 25 years. Kinder pa lang kami gusto na niyang mag-asawa hindi dahil sa malandi siya kundi gusto niyang mapalitan ang kanyang apelyido.  Princess Regla ba naman?  Imagine prinsesa ng buwanan dalaw.

Pero teka, kumusta si Renaldo? Siya yung long-time boyfriend ni Princess kaso kasing baho din ang apelyido. Mapapalitan nga ang apelyido kaso Pasacsac  naman. 

 "Pre balita?" tanong ko kay Renaldo. 

"Okay naman Toks." reply niya. 

"Okay as in ok? Or okay as in no-words-to-explain-my-feelings?" Sabi ng mga pahenyong gaya ko, ang OK ang pinakamaikling salita na madaming ibig sabihin. Pwedeng positive, negative, sarcastic at elastic. Syempre yung elastic siningit ko lang wala na akong maisip e. Ooookkkkkkk? 

"Dun ako sa mahaba. Maganda pakinggan." 

"Pre andito lang ako."

"Onga. Dyan ka lang." 

"I mean, I am a friend."

"Pre magkapitbahay lang tayo paenglish-english ka pa. Parang di tayo nagkita kanina."

"Kinasal na si Princess."

"Alam ko. At hindi sakin." Ramdam ko yung kirot sa bawat salitang sinulat niya habang hinihintay kong maubos  yung sumasayaw na dot. Yung indication na nagtatype sya. Basta yun! Explain ko pa ba? Wag na! 

"Ikaw kasi e." Sinisi ko pa talaga kasasabi ko lang na kaibigan ako. 

"Hanggang doon na lang talaga e." 

Siguro nga hanggang doon na lang. Gaya ng bente pesos ko. Hanggang 100 mins lang. Hindi na tuloy ako nakareply dahil naubusan na ako ng oras. Buti  palagi akong naka-incognito para matik log-out every close ng chrome. Syempre wala na akong pera kaya di ko na naclose. Tinira ko na lang sa power-button, di naman nakatingin ang may-ari. 

 Madami pa sana akong gustong sabihin tulad ng pag-ikot ng mundo. Ang paglubog ng araw sa kanluran at ang pag-uha ng bata. Ang pagsibol ng damo matapos ang mapanirang bagyo. Ang diffusion of gases. Ang sikreto ng migration ng ibon sa hilaga. 

Sa simpleng salita, araw-araw may pag-asa. At kung wala naman ako masabi sapat na sigurong damayan ko siya. At syempre sumuporta. That's empathy vs  sympathy! 

Malay natin maghiwalay sina Princess. Oh pwedeng maging sila ulit na hindi kinakailangan magpalit ng apelyido. Bright ko di ba? 


Pero sayang yung bente ko hindi ko man lang nasilip ang crush ko, Sana pinangsuhol ko na lang sa kapatid ko para maghugas ng plato.  

-wakas-