Maitim ang kaulapan sa kabila ng tirik na araw. Nilalamon ng makapal na usok ang bawat pagtatangka ng pagsilip ng araw sa Lawas. Pahupa pa lamang ang takot na namayani mula pa kagabi. Maging ang mga batang kadalasang naglalaro at ubod ng saya ngayon ay tila mga sisiw na nagkukubli. Ang galos ng matandang babae sa kanyang binti at braso ay alaala ng sunog na tumupok sa lugar. Ang kaserola sanang sisidlan ng pagkain ay nagsilbing tipunan ng mga bagay na pwedeng pakinabangan.
Ang kalye ng Rizal Avenue mula sa lungsod ng Batangas ay nagsasanga pagsapit ng sambat. Ang kanan ay patungong kapitolyo habang ang nasa kaliwa naman ay sa bayan ng San Pascual at Bauan. Simula ng palakihin ang pantalan ng Batangas ay dumagsa ang negosyo at kasunod nito ay ang paglobo ng bilang ng tao. Sumikip ang lungsod pati na din ang mga kalsada.
Ang tinatawag na Lawas ay ang eskinitang nagdudugtong sa dalawang nagsangang daan. Nagsisilbi itong shortcut upang maging mas mabilis ang paglipat sa dalawang kalsada. Sa dami ng taong dumadaan sa eskinita ay sinamantala ito ng madami hindi lamang ng mga negosyante kundi maging ng mga pulubi. Strategic location kumbaga. Business as usual.
Hindi ko inakalang ang lugar na aking iniiwasan ang kusang lalapit upang magpaalala ng pait ng aking pagkabata. Ang lugar na kinatatayuan ko ngayon ay isang madilim na kwebang may mabangis na hayop sa loob. Ni sa gunita ay wala akong balak pumasok. Nakabibingi pala ang mga bulong at ungol ng mga sugatan . Gusto ko na sanang umurong ngunit parte ng trabaho ang aking pakay.
"Nakapag-interview ka na ga, Abner? May ilang tao pa yata sa loob ng eskinita."
"Hindi pa hepe. Inuna ko munang pasakayin ang mga indigent na sugatan." Kung tutuusin wala sanang nasaktan sa sunog subalit dalawang batang Badjao ang sumugod sa eskinita upang mamulot ng mga bagay na pwedeng ibenta kasama nila ang isang matandang may bitbit na kaserola.
"Natatandaan mo ba ang lugar na ito?" Tumango ako. Dalawang beses. "Dito kita unang nakita. Maliit ka pa."
"Dito po mismo sa batong ito ako iniwan ng aking ina."
"Nalulungkot akong hindi ko natagpuan ang iyong ina."
Mapag-anyaya ang bati ng alon habang parating ang barko sa pantalan ng Batangas. Ang ilaw sa lungsod ay ipinagmamalaki ang taglay nitong karangyaan kumpara sa lugar na pinanggalingan ng barko. Nakamamangha ang naglalakihang gusali lalo na dambuhalang istrakturang itinayo sa bundok. Kaaya-aya sa pandinig ang hudyat ng pagdaong. Nakapagtatakang ibinuhos na ang lahat ng biyaya sa Batangas habang ang katabi nitong probinsya ay kaunti lamang ang natatanggap at kung minsan ay pinagdadamutan pa.
"Malapit na tayo, anak. Huwag kang malikot kapag nakarating na tayo sa mga pinsan mo."
Bago pumanaw si Ama nabanggit niyang may mga kamag-anak kami sa Batangas. Malaki ang maitutulong ng mga ito sa amin kaysa magtiis kami ng hirap sa Mindoro. Dala ang kaunting ipon galing sa abuloy ay sumakay kami ng barko upang hanapin ang mga kamag-anak ni Ama. Iniwan namin ang munting kubong nangangalingan ng matinding pagkukumpi. Ang alagang hayop ang nagsilibing pambayad sa iniwan naming utang at iba pang obligasyon.
Nakabuo ako ng pangarap habang unti-unting lumalabo sa aking mata ang huling isla ng Mindoro. Sabi ng madami, sa sandaling umalis ka ng Sablayan patungong Batangas ay kaya nitong baguhin ay iyong buhay basta magsisipag lamang. Pinatunayan pa ito ni Misyang na minsan nagtrabaho sa pagawaan ng asukal. Kung magiging tagahugas ako ng pinggan ay kaya nitong itawid ang aking gutom. Sigarilyo at kendi kung dagdag na kita ang kailangan. Kung kaya naman ng katawan kargador ng bigas para sa mas malaking kita.
Gusto kong tumalon sa tuwa pagkadaong ng barko subalit hindi ko maipakita ang kasiyahan dahil hila ako ng aking ina upang umabot sa paalis na byahe ng jeep. Inilabas ko ang aking ulo sa bintana upang maramdaman ang pagkakaiba ng hangin sa lungsod. Mainit-init kumpara sa Mindoro. Dalawang kurot sa tagiliran ang pumigil sa sandaling kasiyahan.
"San po ba ang bahay ng mga pinsan ko?"
"Hindi ko din alam kaya magtatanong-tanong tayo. Basta malapit daw sa Lawas. Pagbaba natin maglalakad na tayo. Kailangan natin magtipid."
Ang pakikipagsapalaran ni Ina sa Batangas ang naging tulay upang makilala niya si Ama. Kapwa sila manggagawa sa pabrika ng tela. Noong magsara ay nagpasyang tumira ng Sablayan upang magsimula ng bagong pamumuhay. Naging mayabong ang mga pananim at maganda ang ani. Sa isip nila ay tama ang naging desisyon subalit walang sapat na mangangalakal kaya naging matumal ang bentahan at nauwi lamang sa pagkalugi.
Mabango ang tinapay sa kanto ng Lawas. Mapanukso sa sikmurang hindi pa nasasayaran ng pagkain mula pa kagabi. "Ina! Isa lang! Gutom na ko."
"Abner, mahal 'yan kailangan natin magtipid. Halika na. Maglulugaw tayo mamaya."
"Ina!" pasigaw na pagmamakaawa ko. Umupo ako sa batong naghahati sa dalawang daan ng eskinita.
"Kapag hindi ka tumayo d'yan iiwanan kita!"
Nilunok ko ang aking laway para maitawid ang kalam ng sikmura kasunod ang dalawang luha. "Gusto ko nang bumalik ng Mindoro!"
"Bahala ka d'yan!" Kinusot ko ang aking dalawang mata at sa pagdilat ay nakita ko si Ina na tumatakbo palayo sa akin. Hindi ko maintindihan na dinala niya ako ng Batangas para lamang iwan. Napalitan ng takot ang gutom. Mabigat ang bawat hikbi. May pagsisi sa bawat luha. Hindi na sana ako humingi ng tinapay.
Tinapik ako ni hepe upang makabalik sa aking trabaho. Ang DSWD na ang nagsilbi kong tahanan mula nang umalis si Ina. Si hepe ang kumupkop at nagsilbi kong ama. Hindi na ako lumingon sa Lawas sa pait ng idinulot nito sa aking pagkabata. Mahigit isang taon akong tinulungan ng institusyon bago muling nakangiti. Nakatapos ako ng pag-aaral at piniling magsilbi sa DSWD.
"Huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi natin alam ang dahilan ng pag-alis ng iyong ina." Puno ng pangaral si hepe na hindi dapat maghari ang galit sa aking puso dahil lalamunin nito ang aking pagkatao at mauuwi sa mga maling desisyon sa buhay.
"Maraming tanong na gusto ng kasagutan ngunit takot akong madinig ang katotohanan."
"Pagtanggap ang bubura ng takot. Hindi mo kailangan labanan ang multo bagkus ay dapat alamin ang paraan upang ito ay manahimik. Hindi natatapos ang buhay sa nakaraan kundi sa oras na ito'y iyong sukuan."
"Ang mga payo ninyo ang nagpanatili ng pagmamahal ko sa aking ina. Ang pinagdaanan ko ang dahilan ng pagtulong ko sa iba."
Lumapit ako sa isang matandang pulubi na kauupo lamang sa malaking bato. Ngumiti ako bilang tanda ng paggalang. Hindi siya kumilos o nagbigay kahit ng konting ngiti. Ang hawak niyang baston at hindi paggalaw ng mata ang nangusap ng kanyang kalagayan.
"Mawalang galang na po. May kamag-anak ga po kayo dito? Delikado po sa inyo ang lugar na ito."
"Ako ga ang kausap mo?" balik niya sa akin.
"Opo Kaka," wika ko sa matandang lalaki.
"Ah wala. Pero may kasama ako. May kausap ako palagi dito e. Wala ga siya sa dyan?"
"Wala po. Umalis na po ang mga tao dine kanina . Hindi n'yo ho ga alam na nagkasunog dito?"
"Naku utoy hindi! Kaya pala matagal akong naghihintay sa kabilang kalsada, e walang nagtatawid e! Aba'y nasan na kaya ang taong 'yon. Baka natusta na."
"Wala naman pong namatay sa sunog kaya malamang maayos ang inyong kaibigan."
"Mabuti kung gay-on!" Pinunasan niya ang patulong pawis sa noo. "Akala ko pa naman mawawalan ako ng tagapagtawid at kakwentuhan."
"Ano bang itsura ng inyong... Eh ano po palang madalas ninyong mapagkwentuhan?"
"Isa lang. Sampung taon na naming pinagkukuwentuhan ang anak niya. Noong dumating ako dine hindi na ako nagpalit-lipat ng pwesto dahil sa kanya. Maliban na lamang kung ako ay natatae tulad kagab-e." Natatawa pa niyang kwento. "Pihong ako'y sunog kung hindi sumakit ang aking tiyan. Hindi naman ako makakatakbo sa lagay na are. Ay utas!"
Napatawa na din ako sa kwento ng matanda. May naitutulong pala ang sakit ng tyan. "Ah baka naman ho kasama siya ng kanyang anak."
"Imposible. Hindi nga alam ang itsura."
"Wala din ga hong paningin?"
"Hindi. Nawala ang anak niya. Mismong sa lugar na ito." Itinuktok pa niya ang baston sa bato. "Labinglimang taon na siyang hindi umaalis dine sa pag-asang babalik ang anak niya. Sa kwento niya, galit siya noon sa kanyang sarili dahil hindi maibili ng tinapay ang anak. Hindi niya masabing wala ng pera sa bulsa. Lumayo siya ng bahagya sa anak upang hindi makitang umiiyak habang nakaupo pa ang bata sa bato. Dala ng awa, natukso siyang magnakaw ng isang balot ng tinapay. Hinabol siya ng tindera hanggang maabutan at dalhin sa pulis. Nagmakaawa siya at pinakawalan subalit pagbalik niya ay wala na ang anak. Hanggang ngayon iyak siya ng iyak. Humihingi siya ng tawad. Kung iyong madidinig pihong luha ka!"
May kurot sa puso ang bawat salitang tumutukoy sa aking pagkatao. Ang labinglimang taong puno ng tanong at pagdududa. "Tanda niyo ga ho ang ngalan ng bata?"
"Abner. Sa tagal na ng panahon imposibleng magkita pa sila. Pinalalakas ko na nga lamang ang loob."
Nagkakarera ang aking isip at puso. Parehong gusto kumawala at sumabog sa pinaghalong tuwa at kasabikan. "Sa palagay n'yo ho saan ko pa siya pwedeng makita?"
"Garne utoy, baybayin mo ang eskinita at baka nasa kabilang parte. Mas malakas ang limos doon e. Madali mo siyang makikilala kasi palagi siyang may dalang kaserola at may tangay pang Badjao. Iyong kaserola daw ang huling gamit na pwedeng magpaalaala ng kanyang pamilya."
Tumakbo ako sa sasakyan at niyakap ang matandang babae.
-wakas-
Ang Likhang ito ay Lahok sa Saranggola Blog Awards 2017