Skinpress Rss

Ang kapitbahay (2)


Part 1

Napaurong si Nico sa sobrang takot sa sinabi ni Mabel. Tumindig ang kanyang balahibo at pinawisan ng malamig.

"A-ano? Walang katawan?" nauutal na wika ni Nico. Halata sa boses niya ang takot.

"Biro lang! Nanakot ka kasi!" paninisi ni Mabel. "Wala naman tao sa loob eh!"

Mabilis ang tibok ng puso ni Nico. Pinakalma muna niya sa sarili bago muling nagsalita. "May nakita ako!" pagkumpirma ni Nico.

"Asan? Naku, wag mo akong takutin baka di ako makatulog nito."

"Kanina may nakita akong nakasilip. Promise! Walang dahilan para takutin kita!"

"Hallucination siguro dala ng takot na nabuo sa isip mo! Natural 'yan sa mga matatakutin!" Tila nang-asar pang wika ni Mabel sa kausap. Inayos naman ni Nico ang sarili para di naman magmukhang takot na takot siya. Kalalaki nga naman niyang tao ay mas kinakabahan pa. Siguro nga, guni-guni lang niya ang lahat.

"Okay, fine. Ayoko ng ganitong usapan. Iba na lang please."

"Samahan mo na lang ako sa paghahanap sa kapatid ko," yaya ni Nico sa babae. Bukod sa takot siyang pumuntang mag-isa ay di niya kabisado ang lugar.

"Sa karegwa? No way! Para ko na ding pinatay ang sarili ko!"

"Bakit? Ano bang kinatatakot mo?"

"Matagal ng ipinagbabawal ang pagpunta sa ilog. Bukod sa delikado may ilang nagsasabing biglang nagpapakita ang batang namatay sa ilog at nilulunod ang nakakakita sa kanya."

Napalunok ng ilang ulit si Nico ay di siya nagpakita ng kahinaan ng loob. Kailangan niyang sunduin ang kapatid. Kung abandonado na ang bahay na itinuro niya, maaring ang batang multo ang kalaro ng kanyang kapatid.

"Sabihin mo na lang sa akin ang papunta don."

"Kumanan ka lang sa may malaking puno ng mangga. May makipot na daang pababa kang makikita, lakarin mo lang at makakarating ka sa ilog."

"Salamat." Nagsimulang maglakad si Nico at di maalis ang pag-aalala niya sa kapatid.

"Mag-iingat ka. Matagal ng walang pumupunta sa lugar na iyon." Nanindig muli ang balahibo ni Nico sa sinabi ni Mabel.


Pagsapit sa malaking puno ng mangga ay umihip ang malamig at malakas na hangin. Nagliparan ang mga dahon sa harap ni Nico na tila pinipigilan siyang pumunta sa ilog. Binalot siya ng takot. Pero kailangan niyang magpatuloy. Tinahak ni Nico ang makipot na daan. Pakiramdam niya ay may ilang kaluskos na sumusunod sa kanya. Pero sa tuwing hihinto siya ay mawawala ang mga ito. Humakbang siya ng marahan. Nadinig niyang may naputol na sanga kaya nakompirma niyang hindi siya nag-iisa.

Nakarating siya sa ilog. Subalit may kakaibang amoy na umikot sa paligid. Hindi kaaya-aya. Nakakasulasok. Nakita niya ang kapatid na nakahandusay sa damuhan. Nakadapa. Hindi kumikilos.

"Arvin!" Nagmamadaling kumilos si Nico palapit sa kapatid. "Anong nangyari sa'yo?"

Bago pa man niya malapitan ang kapatid ay may biglang humawak sa kanyang braso. Nagulantang si Nico. Tinapik agad niya ang kamay na humawak sa kanya. "Aray! Ano ka ba naman."

"Sorry! Akala ko natatakot ka at di ka pupunta dito?" tanong ni Nico habang nilalapitan ang kapatid. "Arvin!"

"Ano ba naman kuya! Matataya ako e." asar na sagot ni Arvin. "Huwag kang maingay."

"Hindi ko matiis kaya sumunod na ako sa'yo dito. Baka mapahamak ka. Kapatid mo?"

"Oo," maikling sagot niya. "Uuwi na tayo. Hinahanap ka na ni Lola." Nagsinungaling si Nico sa totoong dahilan para matakot ang kapatid.

"Bakit? Naglalaro pa kami."

"Delikadong maglaro dito. May.."

"May ano kuya?"

"Huli ka Arvin!" sigaw ng isa bata. "Ikaw na ang taya."

Napakunot ang noo ni Nico. Hindi ang batang nasa harap niya ang nakitang kasama ng kapatid kanina. Humarap sya kay Mabel.

"Siya ang tinutukoy mo?" tanong ni Mabel. "Hindi siya taga doon sa bahay na itinuro mo kanina."

Umiling si Nico. "Nasaan ang isa mo pang kalaro Arvin? Nakablue na shirt."

"Kalaro? Nakablue? Kami lang ang magkasama kuya. Wala kaming ibang kalaro."

"Ganun ba? Umuwi na nga lang tayo. Baka nag-alaala na si Lola." Habang naglalakad hindi mapakali si Nico. Sigurado siyang may kasama ang kapatid noong namaalam na pupunta ng karegwa. Nakatungo ito kaya di niya namukhaan.

Kinagabihan, habang kumain ay nabanggit ni Nico ang pagpunta ni Arvin sa karegwa. Biglang natigilan ang kanyang lola ng marinig ang balita.

"Huwag na huwag kayong pupunta lugar na iyon!" paalala ng matanda.

"Bakit lola?" usisa ni Nico na kunyari ay di alam ang misteryong bumabalot dito.

"Delikado. Gumuguho ang lupang malapit sa ilog."

"Narinig mo Arvin?"

"Opo." Tatayo na sana si Arvin dahil sa asar subalit bigla muli itong napaupo.

"Bakit? Arvin?" usisa ni Nico.

"May bata. Sa bintana." Mataas ang bahay ng lola nila kaya imposibleng may batang makakaakyat doon kung di dadaan sa loob ng bahay.

Tumayo ang lola ni Nico. "Wala. Wala naman."

"Tumigil ka nga Arvin. Kung anu-ano siguro ang kwento sayo ng kalaro mo kaya ganyan ka."

"Hala pumasok na nga kayo sa kwarto!" utos ng lola nila.

Naunang kumilos si Arvin. Binuksan niya ang pintuan ng kwarto at patalikod na pumasok para maisara muli ang pinto. Nandilat ang mata ni Nico nang makita ang isang bata sa likod ng kapatid. Lumulutang.

"Arvin!!!"


itutuloy....