Skinpress Rss

Cellphone


Kung magustuhan mo ang kwento, pakishare na din sa iba at pakiboto na din ng entry na ito.
1. Bisitahin ang PEBA site
2. Sa left side, makikita ang voting poll, hanapin ang Philippine based nominees.
3. Piliin ang entry 13. tuyong ng tinta ng bolpen. (ctrl f or search para di malito)
4. Submit your vote. Thanks!
Hanggang October 31 ang botohan kaya pwede kang mag-encourage ng friends.. :)


****************************************


"Mang Gardo, pagpasensyahan mo na ang anak ko," paumanhin ni Sherine matapos sigawan ng masasakit na salita ang apo ni Mang Gardo na si Tom. Inakala kasi ng anak ni Sherine na kinuha ni Tom ang paborito nitong laruang kotse. "Ito kasing kapatid niya alam namang ayaw ng pinakikialaman ang gamit, eh dinala pa dito."

"Away bata lang 'yan Sherine. Lilipas din maya-maya," tugon ni Mang Gardo habang hinahaplos ang buhok ng apo.

"Tom, wag ka magagalit sa anak ko ha. Bagong gising lang kaya may sumpong," paumanhin muli ni Sherine.

"Hindi po ako galit sa kanya. Sabi po ni Mommy, kapag po may galit sa iyo hindi kailangan galit ka din sa kanya," matuwid na katwiran ni Tom. Nagtinginan at napangiti ang dalawang matanda.

Pagkaalis ni Sherine ay sunod-sunod ang buntong hininga ni Mang Gardo habang nakatingin sa bata. Malaki na si Tom. Malapit na ang ikaanim nitong kaarawan, na sanang pag-uwi rin ng ama nitong nasa Gitnang Silangan. Kung hindi dahil sa kanya, siguro magkapiling na ngayon ang mag-ama.


"Naloloko ka na ba?!" singhal ni Mang Gardo sa anak na si Rema. "Hahayaan mong umalis ang asawa mo? Dito pa nga lang sa Pilipinas nagloloko na!" Sariwa sa alaala ni Mang Gardo ang ginawang pangangaliwa ni Glen noong nagbubuntis pa lang ang anak. Kung hindi siya napigilan ni Rema, malamang ay napatay niya ito.

"Itay, bigyan n'yo ng pagkakataon si Glen! Mula noong nagkaanak kami, malaki na ang ipinagbago niya. May sarili ng paninindigan!" samo ni Rema sa ama.

"Kalokohan! Ang hayop kahit bihisan mo ng sa tao, hayop pa din! Hindi ko nga alam kung bakit tinanggap mo pa iyan! Kung nabubuhay ang inay mo malabong makaakyat pa siya ng bahay."

"Ayoko ng sirang pamilya itay lalo't alam kong maaayos pa. At alam ko sa pagkakataon ito ay babawi na siya," kalmadong wika ni Rema. Padabog na lumabas ng bahay si Mang Gardo bago pa tuluyang kumawala ang matinding galit.

Walang kibo si Glen sa pagtatalo ng mag-ama. Nanatili siya sa kwarto kahit tapos na ang paghahanda ng gamit niya. Alam niya sa sarili na mali ang ginawa niya kaya di niya maalis ang hinanakit ng biyenan. Gusto sana niyang makipag-ayos bago umalis pero bigo siya.

Dating tambay lang si Glen pero nagawa siyang mahalin ni Rema. Malaki ang kanyang pagsisisi sa nagawa niyang kasalanan kaya naisipan niyang maghanap ng trabaho para makabawi. Dahil kulang sa kaalaman bigo siyang humanap ng trabahong may malaking sweldo. Namasukan siya bilang tubero at noong may sapat ng kaalaman ay nagpasyang magtrabaho sa ibang bansa.

Hindi biro ang naging buhay ni Glen. Hirap siyang mag-english kaya madalas ay nagtatanong pa sa kapwa Pilipino para maintindihan ang utos. May pagkakataong bumabagsak ang kanyang luha habang kumakain dahil naalala niya ang kanya pamilya. Ang kanilang mga kwentuhan sa agahan, tanghalian at hapunan. Lalo na ang aliw na dala ng kanyang anak na si Tom sa tuwing yayakapin siya nito kapag naglalambing at ipagmamalaki ang nakuhang star sa school. Bibong bata si Tom kaya madaling kagiliwan. Gusto na niyang umuwi kahit kararating pa lang pero kailangan niyang magtiis. Iniisip na lang niya na maikli lang ang dalawang taon.


"Ano?! Tama ba ako? Walang pang padala ang magaling mong asawa?!" may panunudyong wika ni Mang Gardo. "Malamang inuubos lang sa mga walang kwentang bagay. Hindi ko talaga maisip kung ba't ka pumutol don!"

"Itay, ilang buwan pa lang po si Glen doon kaya hikahos pa din siya. Nangako naman po siyang sa sunod na buwan ay magpapadala na."

"Dapat lang! Hindi biro ang nawaldas sa lalaking iyon. Baon ka pa sa utang hanggang ngayon. Isipin mo na lang kung anong mukha pa ang ihaharap mo sa tao kung magloloko lang ang magaling mong asawa!"

"Bakit po ba ang init ng dugo ninyo sa asawa ko? Nagbago na siya itay. Bigyan n'yo siya ng pagkakataon para man lang kay Tom. Ibaon n'yo na sa limot ang kasalanan niya noon."

"Limot? Paano ko malilimutan ang katarantaduhan nun?! Halos gabi-gabi kang umiiyak at di kumakain. Alam mo bang napakasakit sa isang ama ang walang magawa? Masakit maging inutil, anak.... alam mo ba ang pakiramdam na ang pinakaiingatan ko ay sasaulain lang at paglalaruan lang ng kung sino lang? Kung di ka lang buntis nun baka napatay ko pa siya." Emosyonal ang bawat binitiwang salita ni Mang Gardo. Garalgal ang boses. Bakas sa kanyang mukha ang galit at muhi. Nakakuyom ang mga kamao. Isang yakap lang mula kay Rema ang nagpakalma sa ama. Isang yakap din lang ang nagpabagsak ng luha sa may pusong sintigas ng bato.

Pinanindigan ni Glen ang pangako. Nagbanat siya ng buto, nag-ipon at di nakalimot tumawag sa Diyos. Tiniis niya ang matinding init ng araw, ang nakasisilam na bagyo ng buhangin at ugali ng iba't ibang lahi. Sa tulong ng asawa ay unti-unti silang nakapundar. Buwan na lang ang bibilangin ay uuwi na siya. Nasasabik siya makita ang anak.

"Lilipat?" maktol ni Mang Gardo. "Hindi naman kayo pabigat dito ah!" Matindi ang pagtutol ni Mang Gardo sa naisip na pagsasarili ng kanyang anak at asawa nito.

"May kaunti na po kaming ipon, itay. Gusto din po ni Glen na magsarili at magkaroon ng sariling bahay," katwiran ni Rema.

"Hanga talaga ako sa asawa mong 'yan ano? Nagkapera lang, eh nagmamalaki na! Palibhasa, uuwi siya akala mo aagawan ng kwarta!"

"Hindi naman sa ganoon, itay. Tulad po ng bawat pamilya gusto din po namin ng sariling bahay." Mahinahon pa din si Rema sa kabila ng masasakit na salitang nadidinig niya.

"Eh bakit doon sa malapit sa partido niya?! Madami namang subdivision malapit dito sa atin? Ilalayo niyo ako sa kaisa-isa kong apo? Nanadya yata siya eh!" Biglang napahawak sa dibdib si Mang Gardo. Nanikip ang dibdib niya dahil sa galit . Nahihirapang huminga. Napaupo siya. Kahit ang mesang kinunan niya ng lakas para manatiling nakatayo ay bumigay din. Bagsak siya sa sahig.

"Itay! Napaano kayo? Itay?!" Inalalayan niya ang ama at mabilis na humingi ng tulong.

Isinugod si Mang Gardo sa malapit na ospital. Hindi mailarawan ang mukha ni Rema sa labis na kaba at takot na lumukob sa kanyang katauhan. Lito ang kanyang isip. Balisa. Hindi niya inaasahan na hahantong sa ganoon ang sinabi niya.

"Hello, Glen?! Ang itay... I-inatake..." garalgal ang boses ni Rema habang nagkukwento sa nangyari. Hindi siya mapakali sa pwesto. Walang tigil ang kanyang hagulgol. Nabasa ng luha ang cellphone.

"Patingnan mo agad sa espesyalista! Kung kinakailangang operahan, gawin agad!" natataranta na ding utos ni Glen. "Magpapadala ako ng pera. Sabihin mo agad kung kukulangin para makapanghiram ako sa iba kong kaibigan dito."

"Salamat Glen.. Patawarin mo si itay kung galit pa din siya sa'yo."

"Mahal kita, si Tom pati ang tatay mo kaya di ko kayo pababayaan. Magpakatatag ka habang wala ako. Ikaw lang ang masasandalan ng tatay mo."

Sumailalim agad sa bypass surgery si Mang Gardo at naging maayos naman ang resulta. Ubos ang naipong pera ni Rema at nabaon muli sa utang. Napagkasunduan niya at ni Glen na ipagpaliban muna ang paglipat bukod sa naubos ang kanilang ipon ay kailangang alagaan ang ama. Hindi muna din uuwi si Glen para masuportahan ang gamot ni Mang Gardo.


May kabang dinampot ni Mang Gardo ang cellphone ni Rema. Hinanap ang number ni Glen. Subalit, namayani ang pride, binitawan niya ang cellphone. Lumabas. Lumanghap ng hangin. Nakita niya si Tom at ang batang umaway dito kanina. Masaya na muling naglalaro ang mga bata. Pawi na ang galit sa bata na kanina'y nag-aamok.

Bumalik siya sa loob ng bahay. Muli niyang dinampot ang cellphone at buong lakas ng loob na tinawagan si Glen. Takot siyang masumbatan pero sa pagkakataong ito, gusto niyang pasalamatan ang asawa ng anak.

"Hello, Glen," panimula ni Mang Gardo. "A-anak, salamat sa lahat. Patawarin mo ako. Sa mga nagawa ko sa iyo, sa lahat.."

Nangilid ang luha ni Glen. Sa unang pagkakataon ay tinawag siyang anak ni Mang Gardo. Lagi niyang hinihiling na maging maayos sila. Sinagot na ang kanyang dasal. "Itay, kailanman po ay hindi ako nagalit sa inyo. Wala po kayong ginawang kasalanan sa akin. Magpagaling po kayo."

Bakas na din sa mukha ni Mang Gardo ang butil ng luhang pumapatak sa mata hindi dahil sa lungkot kundi dahil ubos na ang salitang pwedeng magpahayag ng kanyang kasiyahan. "Mag-iingat ka lagi ha? Alam mo naman ako, tumatanda na kaya sumpungin."

Magaan ang loob at maaliwalas ang pakiramdam ni Mang Gardo matapos ang usapan. Walang panunumbat siyang nadinig. Ngayon, nagpapasalamat siya kay Rema dahil si Glen ang minahal niya. Tumingala siya sa langit ang nagpasalamat sa pangalawang buhay.

"Tom, Apo! Halika nga!" tawag ni Mang Gardo sa apo. Niyakap niya ito ng mahigpit bilang pasasalamat kay Glen. "Salamat apo."

-WAKAS- 

****************************************

Ang kwento ito ay alay ko sa mga OFW lalo't higit sa masugid na tagasubaybay ng blog na ito. Sa mga reader's from Doha, sana mainspired kayo lalo.

-Sa mga tropa ko na dati ding tambay na gaya ko, na noong nakapamilya ay nagsikap na.

-Sa mga pinsan, kaklase, dating katrabaho, ingat diyan. at sa mga nakabarikan, ang tagay ko ay para sa inyo..

-Kay Tin, Cheth, Gem, Marge, Elle, Aiden, Jeff aka Aroro, Emman, mga p're salamat sa pagsubabay at friendship.. 

Sa Organizers ng PEBA, maraming salamat. Ang espasyo ng aking blog ay palaging bukas para sa inyo.



OFW Supporter Category
"Pagtibayin ang Pamilyang OFW
Mas Matibay na Tahanan Para sa Mas Matibay na Bayan"