Skinpress Rss

Ang kapitbahay (3)




Part 1 | 2 |

Sa muling pagkurap ng mata ni Nico ay hindi na niya nakita ang batang lumulutang. Tanging ang malaking teddy bear na nakapatong sa dashboard ng kama ang napansin niya sa likod ng kapatid.

"Bakit kuya?" nakasimangot na tanong ni Arvin. "Nakakagulat ka naman!"

Hindi alam ni Nico kung dala lang ng takot ang nakikita niya o may nagpaparamdam talaga sa kanya. Hindi naman niya masabi sa kapatid na may multo dahil baka hindi ito makatulog. "Magpalit ka ng damit. Sobrang dumi pala ng suot mo. Bakit ba naman nakadapa ka pa sa damuhan?" pag-iiba niya sa gustong sabihin.

Padabog na kumilos si Arvin papunta sa antigong aparador habang sinusundan siya ng tingin ni Nico. Napapalunok pa si Nico habang binubuksan ng kapatid ang aparador sa takot na baka nasa loob ang bata. Nakahinga siya ng maluwag nang wala namang multo sa loob. Subalit noong isara ni Arvin ang apador, lumitaw sa lumang salamin ang bata. Nakatitig kay Nico. Hindi kumukurap.

Halos mabaliw si Nico. Nakasabunot ang dalawang kamay sa buhok habang tumakbo palayo sa kwarto. "Bakit ako!!!!" Litong lito si Nico sa mga nangyayari.

"Apo ano ba? Anong nangyayari sa'yo?"

"Lola, may.. may... bata sa kwarto. Multo.."

"Huminahon ka nga!" Sumilip ang matanda subalit wala itong nakita. Maging si Arvin ay di man lang kinakitaan ng takot kung may multo nga sa loob. "Ano bang kalokohan 'to?"

"Hindi kalohan lola! Nagpapakita sa akin ang multo sa karegwa!" diin ni Nico. "Kaya siguro ipinagbawal ang pagpunta doon dahil susundan ng multo."

"Naku, apo. Kaya ipinagbabawal ang pagpunta sa ilog dahil nandoon si Ariston. Nabaliw ang taong iyon noong mamatayan ng mga anak. Nananakit siya sa mga taong pumupunta doon. Hindi naman mahuli dahil bihira magpakita."

"Namatayan ng mga anak?" may diin ang pagkakabigkas ni Nico ng salitang mga.

"Nalunod ang anak niya sa ilog noong biglang bumigay ang lupang kinatatayuan ng bata sa tabing ilog. Nagbigti naman ang isa pa niyang anak noong sisihin sa pagkamatay ng kapatid. Dahil doon nabaliw siya at iniwan ng asawa dahil sa pananakit nito."

"Saan po sila nakatira lola? Diyan ba sa abandonadong bahay malapit dito?"

"Oo. Bakit mo alam?" pagtataka ng matanda.

"May nakakwentuhan lang ako lola kanina. Si Mabel. Taga diyan sa kabila."

"Mabel? Ang anak ni Ariston na babae, Mabel ang pangalan. Walang linaw kung saan nga napunta ang batang 'yon. Napakaganda at malinong bata. Nag-aaral nga din ng HRM, second year na noong mawala.."


Lalong nanindig ang balahibo ni Nico. Nilukob siya ng takot. Natatandaan pa niyang hinawakan ni Mabel ang kanyang braso na lalong ikinalambot ng kanyang tuhod. Kung wala ng pumupunta sa karegwa, ang batang kalaro ng kanya kapatid kanina ay posibleng ang batang nalunod at ang batang nagpapakita sa kanya ay ang batang nagbigti. Halos hindi nakatulog si Nico sa kaiisip. Pakiramdam niya ay mabaliw siya sa mga kakaibang kapitbahay. Nagtataka s'ya kung bakit kailangan pa siyang takutin gayong nakakausap naman niya si Mabel.

Kinabukasan, lakas loob siya pumunta sa abandonadong bahay. Umakyat siya sa bakod para makapasok sa bakuran. Siniyasat niya ang ang paligid. Sinubukan niyang pumasok sa loob subalit bigo siya, walang pwedeng daanan papasok. Sinilip niya ang bintana pero wala siyang nakitang palatandaan ng pagkilos. Umikot siya sa likod-bahay kung may posibleng daanan. Pinunusan niya ang bintanang salamin para makita ang loob at nang ididikit na niya ang mukha sa salamin ay bilang pagsulpot ng batang multo. Mata sa mata. Napaurong si Nico. Tumakbo palabas. Nakarehistro pa sa kanyang isip ang itsura ng bata kaya labis ang kanyang takot.

Habol ang hininga ni Nico. Pakiramdam niya ay pagod na pagod siya kaya hirap siyang umakyat sa bakod. Unti-unti ay namuo ang hanging malamig sa kanyang tabi. Pikit mata siyang tumalon sa bakod para di makita kung ano mang nilalang ang nasa tabi niya.

Mabilis siyang kumilos palayo sa bahay. Nanindig pa din ang kanyang balahibo.

"Iligtas mo ang kapatid mo! Lisanin n'yo ang lugar na 'to." wika ng isang pamilyar na boses kay Nico. Si Mabel.

"Lola! Lola!"

"Bakit na naman? Nagsisigaw ka na naman!" tila naasar pang wika ng matanda.

"Nasaan po si Arvin?!"

"Lumabas. Maglalaro lang daw..."


itutuloy...