Skinpress Rss

Love Bus - Chapter Nine


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 |




Halos mabali ang leeg ni Andrew sa pagtanggi sa kagustuhan ni Miel na sumigaw siya. Para sa kanya kalokohan lang ang gustong ipagawa sa kanya. Naisip din niya na maaring pinaglalaruan na naman siya ng babae.

"San mo pa ba gusto? Nandito na tayo eh, edi dito na!" sabi ni Miel.

"Pano?" nagtatakang sabi ni Andrew.


Nakita ni Miel na isang maganda din pagkakataon ito para naman mailabas niya ang matagal ng kinikimkim. May mga alaalang iniwan si Miel sa lugar na iyon, na dala pa din niya hanggang sa pagbalik niya sa Ilocos.

"Ganito." Tumayo siya, at humarap sa direksyon ng dagat na abot tanaw mula sa bell tower ng Bantay Church. Nilagay ang kanang paa sa unahan at sumigaw.

"I hate you Carlo! I hate you! Pagbalik ko ng Manila sinisigurado ko na mag-sisisi ka! Minahal kita noon, maglaway ka ngayon!" Nangilid ang luha ni Miel. Nagulat naman si Andrew sa binitiwang salita ni Miel.

"Aba, kahit pala makulit at madaldal ang babaeng ito ay may tinatago din pala siyang soft side," bulong ni Andrew sa sarili. Gusto sana niyang asarin ang babae pero nakita niya ang nagbabadyang pagpatak ng luha.

Pinahid ni Miel ang luha na gustong kumawala sa kanyang mga bilugang mata. "Iyan ganyan." Pilit niyang iniiwas ang tingin kay Andrew. Hindi dahil nahihiya siyang makita siya nitong umiiyak, kundi dahil ayaw na niyang maungkat pang muli ang kanyang nakaraan. Isa pa, pano pa siya mag-aangas sa binata kung ipapakita niyang siya ay mahina.


"Ano nga kayang itinatago ng babaeng ito?" Nagulo bigla ang isip ni Andrew. Hindi niya kasi akalaing si daldal queen ay may tinatago din palang problema. "Alam mo, kahit itago mo, alam kong umiiyak ka." May halong pang-aasar sa tono ng pananalita ni Andrew.

"Ako? Ano naman iyon?" Hindi parin niya magawang humarap sa kausap dahil batid niyang namumula ang kanyang mga mata.

Pinilit ni Andrew na paharapin ang dalaga. "Sus. Sakin ka pa nagsinungaling."

"Wow. As if naman kilala mo nako! Assuming ka noh!"

"I can listen if you're willing to share your problem." Sumalampak si Adrew sa may kahoy na sahig ng tower. Pinagmasdan niya ang paligid. Humanga siya sa natanaw. Ang mga bundok na magkakarugtong ay tila bumubuo ng isang imahe ng babaeng natutulog.

"Ayoko. Wala naman akong ikukwento eh." Pilit parin niyang itinatago ang nararamdaman.

"Alam mo, nakakapangit iyan. Pangit ka na nga papangit ka pa lalo sige ka." Pang-aasar pa uli ni Andrew.

Siguro nga wala namang mawawala kung magkukwento siya. Kasi alam naman niyang pagtapos ng bakasyon, hindi na muli sila magkikita ng masungit na lalaki na 'to.

"Sige. Pero promise huwag mo akong tatawanan ha?" Biglang nagbago ang aura ng masiyahing dalaga. Ramdam ni Andrew ang bigat na dinadala ng puso ni Miel. "He was my first love. At siya din ang unang lalaking dahilan kung bakit hanggang ngayon, pilit ko pading pinupulot isa isa ang piraso ng puso ko." Muling nangilid ang luha sa kanyang mata.

"Ang daldal mo daw kasi. Kaya ka siguro iniwan."

"Sana nga dahil nalang dun. Willing ako tumahimik para wag niya lang akong iwan." Halos garalgal na ang boses niya.

"Oh eh bakit daw?"

"Niloko niya ako. Nahuli ko siyang niloloko ako nung gabi ng anniversary namin. Hindi ko akalaing magagawa niya yun sakin. I tried to be the best girl. I gave up my career para lang sa kanya."

"Anong ginawa mo?"

"Hinayaan ko lang siya. I decided to cut the communication between us. Kaya eto, binalak kong pumuntang Baguio. Pero napadpad ako dito sa Ilocos."

"Ganun lang kadali yun?"

"Siyempre hindi. Ayoko lang hayaang masira ang ulo ko sa Manila. Maige na yung dito ako. I have to save myself first before I slowly die. Inunahan ko nalang. Ayoko narin marinig ang side niya." Matigas na sabi ni Miel.



Unti-unting nagiging pula ang kaninang bughaw na langit. Wala na ang Palubog na ang haring araw. Naglabasan na ang mga migratory bird na tuwing hapon madalas makikitang lumilipad.

Matagal na magkausap ang dalawa. Puso sa puso. Ang nakakaakit na tanawin ang nagbigay tulay para sa isang kakaibang damdamin.
Pinahid ni Andrew ang luha ni Miel. Sa pagtama ng kanilang mga mata ay may kakaibang kuryente na dumaloy sa kanilang sa kanilang katawan.

Hinawakan ni Andrew ang mga pisngi ni Miel sa pag-aakalang ang nasa harap niya ay si Pearl. Pumikit si Miel, sa parehong dahilan nagbalik ang alaala ni Carlo sa katauhan ni Andrew. Pabilis nang pabilis ang tibok ng kanilang puso. Akmang magtatama na ang kanilang mga labi nang biglang tumunog ang kampana at bumalik ang kanilang ulirat.



"Tara na!" yaya ni Andrew. "Delikado ang daan pababa kung gagabihin pa tayo."

"If I know takot ka lang!"

"Hindi ah! Nag-iingat lang."

"Teka muna!" Pahakbang na sana si Andrew pero hinila si ni Miel pabalik.

Alam ni Andrew ang pakay ng dalaga pero nagkunwari itong nakalimot. "Oh bakit na naman?"

"Sisigaw ka pa e! Sayang ang chance!"

"Kailangan talaga? Akala ko optional," natawang palusot ni Andrew.

"Mandatory! Lagi ka na lang lumulusot?" Akmang pipingutin pa ni Miel ang tenga ni Andrew pero natakpan agad ng lalaki.

"Sino ba naman kasi ang nagpauso ng kalokohan iyan?!"

"Dami po sinasabi e. Sigaw na!"

Huminga ng malalim si Andrew. Kumuha ng bwelo. "Ipinapangako ko, gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat mahalin!"

Lumakad na sila pababa ng bell tower. Hindi nila namamalayan na magkahawak ang kanilang kamay hanggang makarating sa kanilang tinutuluyan.

itutuloy...