Skinpress Rss

Love Bus - Chapter Five


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 |



Kung may malalapitan lang agad si Andrew hindi niya papatusin ang alok ng babaeng kahit pangalan ay hindi niya alam. Madami siya utang at halos walang magtiwala sa kanya pagdating sa pera dahil sa malaking perang nawala sa kanya noon. Kasama si Andrew sa mga naloko ng malawakang scam ng pyramiding.


"Balak mo akong gawing chimoy?" napailing pang tanong ni Andrew kay Miel. "Kanina ko pa napapansin na pinagtitripan mo ako e!"

"Of course not! Gusto ko lang ng kasama na iexplore ito!" Itinaas ni Miel ang dalawang kamay at pikit-matang umiikot. "Mahirap kumilos bitbit ang lahat ng gamit ko tutal di ka na din naman aabot sa target time mo kung aalis ka din ngayon papuntang Baguio."

"Anong balak mo? Wala akong alam dito. Kahit ninuno ko yata di pa nakatapak sa lugar na 'to."

"Alam mo? Teka anong pangalan mo?"

"Andrew."

"Alam mo Andrew, hindi nakamamatay ang pagtatanong."

"Sige ikaw bahala. Sasamahan lang kita," malumanay na sagot ni Andrew. "Pero huwag mo samantalahin."

"Hindi naman ako masamang tao," katwiran agad ni Miel. "Gusto ko lang maglibang at kung may tutuluyan na tayo pwedeng iwan ang gamit doon," dagdag pa niya.

"Okay. Pasensya na. Puro kasi panlalamang ang ginawa mo simula noong unang pagkikita natin."

"Boring ka kasi kaya nilagyan ko ng konting spice ang buhay mo."

"So sinadya mo talaga?"

"No! Nagkataon lang ikaw ang nasa unahan ko," depensya niya kay Andrew. "Teka hindi mo itatanong ang pangalan ko?"

"Hindi na. Maghanap na tayo ng tutuluyan." Binuhat ni Andrew ang mga gamit ni Miel at sinimulan maglakad.

"Wait!!!" sigaw ni Miel habang hinahabol si Andrew. "Parang alam mo ang pupuntahan ah."

"Alam mo. hindi nakamamatay ang magtanong."

"Whatever!"


Malayo-layo din ang narating ng dalawa bago may dumating na sundo. Tinawagan ni Miel ang isang kakilala para magbigay ng lugar na pwedeng tuluyan. Sa may Vigan Cathedral ang napiling tagpuan. Bagamat pagod, hindi nauubusan ng dahilan si Miel para pikunin si Andrew.

"Hoy! Tulala ka na naman!" panggugulat ni Miel.

"Kung maka-hoy ka naman parang close tayo ah."

"Ito naman. Ibaba mo nga muna ang dala mong problema. Maganda ang lugar. Relax."


Hindi pinansin ni Andrew si Miel. Kung maari lang na iwan niya si Miel ginawa na niya. May pagkakataong namamangha din siya sa lugar. Maraming scene ang nasaksihan niya ng personal na noon ay sa postcard o suot na damit lang ng nakakasalubong niya nakikita.

Magarbo ang napiling lugar ni Miel. Napalunok pa si Andrew dahil sa estima niya ay malaking gastos ang pagtuloy doon. Isang Villa ang kanilang tinuluyan. May dalawang kwarto na may common sala at veranda na kayang tanawin ang siyudad ng Vigan. Pumasok agad si Miel ng kwarto habang nanatili si Andrew sa sala.

"Nandyan ka pa din?" usisa ni Miel. "Bakit hindi mo muna ipasok ang gamit mo?"

"Parang nakakahiya. Mukhang malaki ang gastos dito wala man lang akong maimbag."

"Pwes mag-ambag ka kahit laway!" panunuya ni Miel. "Subukan mong magkwento para di ka nagmumukmok."

"Susubukan ko."

"Ano bang gumugulo sa'yo? Kahit may topak ako sa tingin mo, pwede naman akong pagkatiwalaan."

"Gusto kong magsimula ng bagong buhay." Humugot ng hininga si Andrew bago nagsimulang magkwento. "Wala ng magtiwala sa akin matapos kong maubos ang pera ko pati pera ng mga kaibigan ko. Naloko kami ng isang negosyo na akala naming kikita kami ng malaki kapag nag-invest kami."

"You mean scam? Bakit sa'yo ang sisi?"

"Ako ang humikayat sa kanila na mag-invest dahil kumikita naman talaga ako noong una. Tapos biglang nagsara kaya nasira ako sa mga kaibigan ko."

"Mahirap nga 'yan. Kaya sa kapatid mo na ikaw lalapit. Ano namang negosyo ang papasukin mo ngayon? Kunyari ako ang kuya mo para maidepensa mo ang gusto mo."

Napaisip si Andrew. Kung ganito kakulit ang kuya n'ya malamang di papasa ang proposal niya. Kaya pwede siyang magpractice ng sasabihin kay Miel.

"An outsourcing. Manpower outsourcing. Magprovide kami ng tao sa mga companies from utility to administrative works."

"Parang angency. Okay nga yan. Favorable sa company. Paano mo naman i-encourage na mamuhunan ang kuya mo?"

Binuksan ni Andrew ang bag at naglabas ng ilang papel. Listahan ng target client at feasibility study ng naisip na negosyo. Biglang kinuha ni Miel ang hawak na ballpen ni Andrew at sinulatan ito.

"Anong ginawa mo?!" asar ni tanong ni Andrew.

"Inaalis ang problema mo."


itutuloy...