Skinpress Rss

Ang kapitbahay


Taliwas sa inaasahan ni Nico ang magiging takbo ng kanyang bakasyon sa probinsya ng kanyang ina. Inakala niyang magiging kakaiba ang pananatili niya doon kaya naisipan niyang magbakasyon. Tahimik at walang masyadong kaedad niya sa lugar kaya labis ang kanyang pagkainip. Mabuti pa ang nakababata niyang kapatid na mayroon na agad kalaro sa unang araw pa lang ng pananatili nila doon.

Naglakad-lakad siya sa paligid. Pinatalbog ang biniling bola sa bayan para may paglibangan siya kung sakaling may makitang basketball court. Mahigit kalahating oras siyang umikot sa lugar pero wala siyang nakitang court. Malawak na palayan at manggahan lang ang nakita niya sa paligid. Kung may makita man siyang kasing-edad niyang mga lalaki ay tila walang interes sa paglalaro. Abala ang mga ito sa pagsasaka sa bukid.

Wala siyang nagawa kundi bumalik sa bahay ng kanyang lola. Sa palagay niya ay hindi na siya tatagal sa lugar sa labis na pagkainip. Sa oras na bumalik ang Mommy niya galing sa pagsimba ay yayain na agad niya itong umuwi. Papasok na sana siya ng biglang mabitiwan ang bola habang binubuksan ang gate. Gumulong ito papunta sa kabilang kalsada.

Bago pa man madampot ni Nico ang bola ay may babaeng pumulot nito. "Sa'yo 'to?" tanong ng babae matapos damputin ang bolang tumama sa kanyang paa. Iniabot niya ang bola kay Nico.

"A-ah eh. Oo, pasensya na," kakamot kamot na wika ni Nico. Bahagya siyang namula sa hiya ng di niya namamalayan. Sa unang pagkakataon ay nakakita siya ng babae sa lugar na sa palagay niya ay hindi nakakalayo ng edad niya.

"Bago ka dito?"

"Oo. Nagbabakasyon lang. Diyan kami sa katapat na bahay."

"Ah, kay Aling Lagring." Ngumiti ang babae at tumalikod matapos ang usapan.

"Teka!" habol ni Nico. "Ako nga pala si Nico. Baka pwede tayong maging magkaibigan."

"Mabel."

"Hindi ka ba naiinip sa lugar na ito? Para kasing walang kapaguran ang mga tao laging nagtatrabaho kaya wala man lang akong makausap."

"Hindi. Actually, kauuwi ko din lang. Sembreak na kasi. Every two weeks ako bumabalik dito."

"Pareho pala tayo. Sembreak din ako kaya nakabakasyon. Anong course mo?"

"HRM," maikling sagot ni Mabel.

"Talaga? Pareho pala tayo! Second year na 'ko."

"Akalain mo 'yon second year din ako."

"Pareho na naman, siguro soulmate tayo." Nagtawanan silang dalawa na tila matagal ng magkakilala. Naging palagay agad ang loob nila sa isa't isa. Hindi nila namamalayan ang pagdilim.

"Sino naman kasama mong magbakasyon dito? Ikaw lang at ang Mommy mo?" usisa ni Mabel.

"Kasama ko ang kapatid ko. Mamasyal daw sila doon sa karegwa yata."

"Karegwa? Sa ilog?! gulat na wika ni Mabel. "Malayo 'yon at delikado."

"Ilog ba 'yon? Lagot ako nito. May kalikutan pa naman ang batang kapatid ko."

"Sino ba kasama niya?" usisa ni Mabel.

"Iyong mga bata diyan sa bahay na iyan." Itinuro ni Nico ang ikatlong bahay malapit sa bahay ng kanya lola.

"Bata? Ano ka ba Nico? Walang bata diyan! Matagal ng ambandonado ang bahay na yan!"

"Ano?!" Napaurong si Nico. "Nananakot ka ba?"

"Nalunod ang batang nakatira dyan! At wala ng pumupunta sa Karegwa matapos ang insidente. Kumilos ka na bago makuha ang kapatid mo!"

"Pero may nakasilip sa bintana na bahay.."

Mabilis na tumayo si Mabel para makita ang tinutukoy ni Nico. Napakapit si Mabel sa nakita. "W-walang katawan Nico."


itutuloy...