Skinpress Rss

Love Bus - Chapter Ten


Love Bus
by arianne & panjo

Chapter 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | 7 | 8 | 9 |




Sinulyapan ni Andrew ang babaeng dahilan ng kanyang mga ngiti mula pa kanina. Nakapamewang ito habang may kausap sa telepono sa may veranda ng tinutuluyan. Bahagya siyang napatawa. Kung titignan si Miel ay conservative at mayumi ang dating taliwas sa pagiging taklesa nito.

Binalikan ni Andrew ang ginawang feasibility study. Pinag-aralan at binago ang ilang details base sa mga sinabi ni Miel. Inalis niya ang mga paligoy-ligoy at tinumbok agad ang return on investment na unang tinitingnan ng kuya niya.

"Bakit parang naiputan ka ng ibong adarna at di ka gumagalaw d'yan?" tanong ni Miel. "Oh baka naman nagkalat ka na diyan? Nagdiaper ka ba manong?"

"Puro ka talaga kalokohan! Ano namang paggagawin ko dito? Hindi ako sanay ng nakakulong lang sa kwarto."

"Ah ganoon ba?" Lumakad si Miel palayo kay Andrew. "Ito nga pala ang tinatawag na TV kapag binuhay ito may lalabas na kung ano-ano. Ito naman ang component, tumutunog naman ito, di ba anggaling?"

"Anong palagay mo sa akin ermitanyo?"

"Hindi ba? Daming pwedeng paglibangan dito kesa nagmumukmok ka diyan! Dinaig mo ang mga artista sa pag-eemote!"

"Sino kaya ang artista? Award-wining nga ang iyak mo kanina. Sa kanang mata lang may luha tapos slow motion pa ang pagbagsak!" ganti naman ni Andrew sa pang-aasar ni Miel.

"Baka gusto mong di ka na sikatan ng araw?"

"Wow. I'm afraid. So afraid," sarkastikong bawi ni Andrew. Ilang beses sinuntok ni Miel ang braso ni Andrew pero tinatawanan lang siya nito. "Help! Help! Tulungan ninyo siyang ipagamot ang kamay niya!"

"Iwanan na lang kaya kita dito? Mas okay siguro iyon. Bwahaha!"

"Ganun ha!" Mabilis na tumakbo si Andrew papasok ng kwarto ni Miel. Kinuha niya ang bag nito at tumakbo agad palabas ng Villa. "Sige umalis ka ngayon. Nasa akin ang bag mo!"

"Hoy bumalik ka dito!" Nagpapadyak si Miel na parang bata. "Sakit ka talaga ng ulo!"

"Isama mo na ang sakit ng kasukasuan di ko ibabalik 'to!"

"Ibalik mo na kasi 'yan!" sigaw ni Miel pero tila bingi ang kausap. Wala siyang nagawa kundi kunin ng sapilitan ang bag.

Parang mga batang naghahabulan tuwing sasapit ang dapithapon sina Miel at Andrew. Paikot-ikot sila sa mga gazebo at mga puno.

"Paano mo ako aabutan kung takbong pambeach ka!" Huminto si Andrew nang makitang hingal kabayo na si Miel.

Agad sinunggaban ni Miel si Andrew nang makitang nakahinto ito. Taktika niya ang pagkukunyaring pagod. "Gotcha!" Pero nagawang iiwas ni Andrew ang bag at itnago sa likuran. Sa pag-asang makukuha ang bag ay pinagsalubong niya ang dalawang kamay sa likod ni Andrew. Huli na nang mapansin niyang tila nakayakap siya kay Andrew.

"Ehem! Nakakahalata na ako ah!" Mabilis na kumawala si Miel at inayos ang sarili pero halatang namula ang kanyang mukha sa hiya.

"Akin na kasi 'yan. Baka madurog ang make-up kit ko!"

"Para-paraan ah! Akala ko bag lang ang gusto mong makuha, pinagnasaan mo na pala ako." Nakaumis na sambit ni Andrew. Lalong namula si Miel.

"Kapal ng mukha mo! Ikaw nga itong gustong humalik sa akin kanina."

"Inungkat talaga? Siguro nabitin ka." Kumindat pa si Andrew sa kaharap. "Nadala lang ako kasi akala ko si Pearl ka."

"Pwes! Nadala din lang ako kasi akala ko si Carlo ka! Wala din akong balak halikan ka dahil wala pa akong nabalitaang pagong na naging prinsipe!"

"Kaya pala pikit na pikit ka kanina."

"Sumosobra ka na ah! Huwag kang mag-alala Andrew, ayaw kong magaya kay Pearl. Hindi ako magkakagusto sa walang direksyon ang buhay."

Nag-iba ang mukha ni Andrew. Ang kaninang masigla ay biglang napalitan ng pagkadismaya. Nasaktan siya sa sinabi ni Miel. "Sa'yo na!" Ibinalik ni Andrew ang bag ni Miel. "Salamat sa pagpapalakas ng loob ko."

"Diyan ka magaling! Kapag naiipit ka basta ka na lang umaalis!"

"Alam mo kung bakit? Masakit tanggapin ang katotohanan. Pwede mong pagtawanan ang itsura ko, ang kilos ko, pero kapag pagkatao ko na ang usapan, hindi pwede! Huwag kang mag-alala, ayaw kong maging pabigat sa'yo. Bukas na bukas gagawa ako ng paraan para makaalis agad dito." Gusot ang mukha ni Andrew. Halata ang muhi sa sarili.

Tahimik ang villa buong gabi. Hindi makatulog si Miel. Kinain siya ng pride kaya di niya magawang humingi ng sorry. Makailang ulit siyang tumayo para katukin ang kwarto ni Andrew pero nagbago ang isip niya. Takot siyang sumbatan ni Andrew.

Kinabukasan, hindi na inabutan ni Miel si Andrew sa kabilang kwarto. Tinotoo ni Andrew ang banta kagabi. Ilang beses nagbuntong hininga si Miel. Guilty siya. Hindi niya mapigilang mag-alala sa kalagyan ni Andrew lalo pa't nakapalagayan na niya ito ng loob.


"Two thousand five hundred, sir." sambit ng alahera.

"Sagad na ba iyon?" tukoy ni Andrew sa singsing. Pagsasangla ang naisip niyang paraan para makabalik ng Baguio. Hindi niya alam kung mababalikan pa niya ang alahas kaya nais niya ng mas mataas na halaga. Mahal din kasi ang bili ko dyan."

"Mahal po talaga kapag bibilhin pero kapag prenda kung ano lang pong timbang at carats po ang basis namin."

"Sige. Sige. Kailangan ko lang talaga ng pera." Walang nagawa si Andrew kundi pumayag. Gusto na niyang makaabot ng sa byaheng Baguio.

Papunta na sana si Andrew ng terminal nang maisipan niyang dumaan muli ng Bell Tower. Gusto niyang iwan sa Ilocos lahat ng sama ng loob. Gusto niyang isagaw lahat ng gumugulo sa kanya.

Nang makarating sa tower ay muli siyang nabighani sa lugar. Mas maaliwalas ang langit kumpara kahapon. Tanaw na tanaw ang bundok na tila nakahigang babae. Sisigaw na sana siya nang may ilang kalukos ang papalapit sa kanya.

itutuloy...