Isang pirasong lumpia at buko juice ang naging panawid gutom ni Jomar matapos ang kanyang final interview sa isang kompanya. Hindi niya alam kong paano pagkakasyahin ang perang pabaon ng kanyang ina kaya tiis muna siya. Babawi na lang siya ng kain pagkauwi ng bahay.
Katulad ng dati hindi maganda ang resulta. Siguradong uulanin na naman siya ng sermon pag-uwi. Palibhasa ay malabnaw ang kanyang utak at baluktot mag-english ay hirap siyang makapasa sa mga exams at interviews. Isang taon na siyang graduate pero hindi pa siya nagkaroon ng trabaho. At halos pagsisihan ng kanyang ama ang pagkakatay ng alagang manok na inihanda noong pagtatapos.
Palaging litanya ng kanyang ama ang pagkakaroon ng trabaho ng mga high school graduate sa tuwing di siya papasa sa pag-aapply. Sa bawat masakit na salita lalong bumababa ng kanyang self-esteem. Nabubuo ang gap na tila pader na di matibag sa pagitan niya at ng kanyang ama.
Naisipan ni Jomar na dumaan muna sa kaibigan para magpalipas ng oras. Kailangan niya ng kadamay sa mga ganitong pagkakataon. Isang taong nakakaintindi, susuporta sa kanya sa mga panahong siya ay mahina at nawawalan ng tiwala sa sarili.
"Pareng Jomar, nadalaw ka!" bati ng kaibigan kay Jomar. "Pasok ka!"
"Magpapalipas lang ng oras pareng Budong. Bagsak na naman ako sa apply ko!"
Mula pagkabata ay magkaibigan na si Jomar at Budong. Nagsimula sa kalye ang kanilang samahan pero lumalim dahil halos pareho sila ng pinagdadaanan at madalas talunan.
"Nakakalungkot nga iyan. Anong plano ngayon?"
"Hindi ko alam. Sigurado may sermon na naman ako kay erpat."
Napailing si Budong at hinawakan sa balikat ang kaibigan. "Kung gusto mo dito ka muna para maiwasan mo ang sermon. Magpalamig ka muna." Puno siya ng sensiridad sa sinabi.
"Sira ka ba? Magkapitbahay lang tayo! Parang malaki ang bahay n'yo para di ako makita dito."
"Pasensya na. Iyon lang ang naiisip ko para matulungan ka e. Kaibigan kita kaya ayoko din ng napapagalitan ka."
"Kaibigan ba talaga kita? May gusto sana akong sabihin sa'yo na matagal ko ng gustong gawin."
"Oo naman!" ubod ng lakas na sigaw ni Budong at halos madurog ang buto sa balikat ni Jomar sa tindi ng pagkakahampas niya. "Ano bang gumugulo sa isip mo at baka makatulong ako."
"Gusto ko ng mamatay." Mahina at mababa ang boses ni Jomar.
"Ano?!"
"Gusto ko ng mamatay. Magsuicide. Gusto pa inuulit e!"
"Naloloko ka na ba?!" Inalog ni Budong si Jomar na parang alkansya. "Madaming nagmamahal sa'yo."
"Sino?"
"Si Ally. Mahal na mahal ka niya."
"Break na kami. May iba na siya. Sana huwag mo na akong pigilan."
"Sige baka masabi mo pa akong kill joy e. Pero sa isang kondisyon!"
"Ba't ikaw pa ang may kondisyon?"
"Gumawa ka ng suicide note. Mahirap mapagbintangan. Pirmahan mo na din."
"Alam mo namang mahina ako sa essay e. Tsaka pangit ang penmanship ko!"
"Problema ba iyon? Halika," yaya ni Budong. Binuhay ang computer. Tinapik ang kumukurap-kurap pang monitor. Hinintay komunekta ang sumpunging dial-up internet connection. "Sa google ako naghanap ng cover letter pattern for sure meron ding suicide letter. Iprint natin para readable ang magagawa natin."
"Galing mo! Maasahan ka talaga."
"Kaibigan mo ako e! Kaya handa akong tumulong." May angas pa pagkakabigkas ni Budong na tila okay lang na mamatay ang kaibigan.
Matapos magsearch ay naglabasan ang iba't ibang pattern ng suicide note. May emo, cool, astig at may papansin lang pero di naman nagpakamatay.
"Okay ang isang iyan p're. Samahan mo ng konting english para magandang pakinggan sa tv kung may media na mapapadaan."
"Pasalamatan mo ako sa sulat ha, para may linya ako sa libing mo."
"Sige pare. Ano bang magandang paraan ng suicide?"
"Sleeping pills p're. Overdose. O kaya lason sa daga."
"Hindi ba masama ang lasa nun?"
"Medyo masama siguro pero wala namang side effect. Tsaka wala kang sakit na mararamdaman."
"Goodluck sa akin!"
Nagsimula silang gumawa ng suicide note sa pamamagitan ng pinagtagpi-tagping salita mula sa iba't ibang site. Nilagyan nila ng credits ang pinagkunan nila para di mademanda kung may magreklamo ng plagirism. Ilang sandali pa ay printed na ang suicide note. Dinamihan nila ang kopya para siguradong mababasa kung sakaling malipad ng hangin. Plano nilang ikakapit sa ref, ipapatong sa mesa, ididikit sa toilet bowl at sa lumang salaming nagsasabing ng pinakamagandang babae sa buong pantasya para mapansin agad. Pinirmahan ni Jomar matapos mabasa ang sulat.
"P're ang cool! Lucida Handwriting pa ang font! Astig!"
"Salamat p're sa suporta," maluha-luha pang wika ni Jomar at may bahagya pang pagsilip ng sipon sa bawat singhot. "Pero may isa pang problema. Wala akong pambili ng sleeping pills."
"Patay tayo d'yan. Walang wala din ako ngayon e."
"Magbigti na lang kaya ako? May lubid ka ba d'yan?"
"Meron kaso gamit pa ni bunso sa duyan niya. Yari pati ako kay ermat kapag nalamang wala ng tali ang duyan. Magsaksak ka na lang kaya?"
Napangiwi si Jomar. "Takot ako sa dugo e.."
"Pumikit ka na lang. Kaso wala ang kutsilyo dito. Hiniram ng erpat mo di pa nga sinosoli e."
"Kahit kelan badtrip talaga si erpat!" naasar pang wika ni Jomar.
"So anong plano mo?" Natahimik ang dalawa. Nagpaikot-ikot hanggang mahilo. "Hirap din pala magsuicide."
"Uuwi. Hahayaan ko na lang na si erpat ang makapatay sa akin."
"Magandang idea iyan. Paano itong mga suicide note?"
"Itago mo for future reference. Malay mo kailanganin mo din."
Walang nagawa si Jomar kundi umuwi ng bahay. Inihanda niya ang sarili sa mga sermon na aabutin niya. Pagpasok niya ay agad siyang sinalubong ng ama. Umiling agad si Jomar para ipaalam na bagsak ulit siya.
"Oh anak, kanina ka pa namin hinhintay. Nabanggit ko sa tito mo na wala kang trabaho. Tutal mahilig ka daw sa computer. Kukunin ka daw muna niyang taga-manage ng shop n'ya. Aalis na kasi sila next week papuntang Canada," lahad ng ama ni Jomar pagpasok pa lang niya ng pinto.
-end-
"corny ito kasi corny naman talaga ang magsuicide" - elle.