Pinigilan ko ang pagbagsak ng aking luha dahil baka pagmulan ng baha. Gusto kong suntukin ang tricycle driver sa mukha para may karamay ako sa sakit. Pero naisip ko na hindi na dapat dahil higit na mahapd ang nararamdaman ko. Hindi nga ako natalo sa laro namin ng daddy ni Jane kanina pero checkmate na ako sa larong binuo ni Jane.
Hindi ko inakalang mamahalin ko si Jane. Pinalampas ko ang pagkakataon kaya ngayon ko lang naiisip na mahalaga sa akin ang brat na iyon. Kung kailan wala na siya. Kung kailan nasa bisig na siya ng iba. Handa ko na sanang ipagtapat ngayon araw na mahal ko siya pero nabahag ang buntot ko dahil sa nakita ko.
Masakit tanggapin na kaya akong paglaruan ni Jane. Kaya pala maganda ang usapan namin kanina dahil may binabalak siya. Lahat ng detalye ng pagdating ko ay inalam niya para harapan kong makita ang mainit na tagpo nila ni Dexter. Alam ko wala akong karapatan na magalit pero hindi na siguro tama na gawin ako tanga sa harap nila.
Sa bukana na lang ng eskinita ako bumaba. Ayokong makita ako ng magulang sa ganitong sitwasyon. At wala akong lakas ng loob na ipaliwanag ang lahat. Mauunawaan naman siguro nila na ang hindi pagdalaw ni Jane sa bahay ay nangangahulugang hindi na kami parte ng buhay ni Jane.
Umupo ako sa tapat ng puno ng nara, lugar na minsan naming tinambayan ni Jane. Mayabong na ulit ang puno at wala ng bumabagsak na bulaklak. Sana kasing tibay ko ang puno bulong ko sa sarili ko para hindi ako nakararamdam ng sakit. Isinumpa ko sa nara na ito na ang huling araw na makakaramdam ako ng sakit. Bukas ibang Zoilo na ang haharap sa tao. Wala ng babae ang makapaglalaro ng damdamin ko.
Nagring ang phone ko. Si Jane ang tumatawag. Hindi ako nagtatanim ng galit pero hindi pa ako handang kausapin siya. Sapat na ang nakita ko. Hindi ko na kailangang marinig ang balita niya na nagbalikan na sila ni Dexter. Siguro noong mga panahong hindi kami nagkikita ay nagkamabutihan na ulit sila.
Hindi ko sinagot ang mga tawag niya. Ilang minuto pa ay nagtext siya sa akin. "Loi, asan ka na? May sasabhin ako sa'yo."
"Jane, I'm sorry," reply ko. Buo na sa loob ko na wala ng pag-asa ang nararamdaman ko.
Ayokong magpaliwag. Hindi ko gawain ang makipagtalo. Kaya pinatay ko muna ang cellphone bago ko masabi ang hindi kanais-nais. Mahalaga sa akin si Jane kaya hindi ko gustong magsalita ng masama laban sa kanya.
Umupo ako sa may bangketa at nagpalipas ng oras. Matagal akong nanatili sa ganoong posisyon. Minimal ang ginawa kong pagkilos. Napapaangat lang ng bahagya ang aking ulo tuwing may mga dumadaang sasakyan sa kalye.
Natawag ang atensyon ko ng ilang sundalong humimpil sa may tindahan. Wari ay may inuusisa at maya-maya pa ay lumapit sa aking kinauupuan.
"Ikaw ba si Zoilo Datu?" tanong ng lalaking nakauniporme na pangsundalo.
"Opo. Ako nga po," sagot ko naman agad.
"Pinapatawag ka ni Sir. Kailangan mong sumama sa amin," singit ng isa pang lalaki. Medyo natakot ako kahit wala naman akong kasalanang ginagawa.
"Bakit po?" pagtataka ko. Bakit kailangan pa akong sunduin?
"Maglalaro yata kayo ng chess." Nakahinga ako ng maluwag. Sa mga napapanood ko sa tv ang mga ganitong eksena ay madalas kinikidnap at ginagawang alipin ng mga matrona. Buti na lang at chess lang ang pakay nila. Siguro nakarating na ang daddy ni Jane kaya gustong ituloy ang naudlot na laro namin kanina.
Sasama na sana ako pero naalala kong nasa bahay nila si Jane. Parang hindi ko kayang maglaro habang nakikita si Jane. "Hindi po ba pwedeng sa bahay na lang kami maglaro?"
"Sabihin mo na lang sa kanya kapag nandoon ka na. Napag-utusan lang din kami," wika ng sundalo habang binubuksan ang pinto ng sasakyan.
Sumakay kami ng kotse at tumulak pabalik sa bahay nina Jane. Idadahilan ko sa daddy ni Jane na sa bahay kami maglaro dahil gusto siyang makilala nina Mommy. Kaunting usapan lang ang namagitan sa amin ng mga kasama ko sa sasakyan. Umiikot din lang sa chess at ilang maliit na bagay tungkol sa buhay.
Pagpasok pa lang nga gate ng subdivision ay kinabahan na ako. Hindi pa talaga ako handang makita si Jane lalo na sa balita niya. Parang gusto kong umuwi ay makipaglaro na lang sa asong si gibo. Hindi ko alam kung mapipigil ko ang sarili ko at sigawan ko si Jane na akin na lang siya.
Pumasok kami ng bahay. Wala akong nakitang bakas ng daddy ni Jane. Napansin kong nagbubulungan ang mga sundalo sa tabi ko.
"Upo ka muna," wika ng isang sundalo na may kalakihan ang katawan. Sa palagay ko kahit bigyan ko ng aking malakas na tadyak ang sundalo ay hindi basta basta bibigay.
"Salamat po," magalang na sagot ko sa alok niya. Hindi pa man ako nakakaupo ng maayos bigla na lang nilang hinawakan ang aking kamay. Inilabas ng isang lalaki ang posas at mabilis na inilagay ang isang bahagi sa aking kamay at ang isa naman ay sa may hagdanan. Nagulat ako sa mga nangyari. "Anong kasalanan ko? Sir?!"
"Pasensya na. Napag-utusan lang." Lumabas ang dalawang sundalo pagkatapos akong iposas. Nanlamig ang buong katawan ko.
Clap! Clap! Clap! Napalingon ako sa pumapalakpak sa itaas ng hagdanan. Si Jane dala ang tawa niyang mapang-asar. Hindi ko alam kung ano namang laro ang balak niya sa akin.
"Buti naman kumagat ka sa aking plano," wika ni Jane.
"Ano namang kalokohan ito!" asar na sumbat ko. "Pati mga sundalo ginagamit mo pa!"
"Ayaw mo akong kausapin kaya pinakiusapan ko si Tito."
"Please Jane! Hindi ako nakikipaglaro sa'yo."
"Well, hindi din naman ako nakikipaglaro. May gusto lang akong sabihin at malaman sa'yo."
"Pwes, tagalin mo ang posas na'to!"
"Hindi pwede. Baka umalis ka."
"Ano pa bang gusto mo? Kanina pinaalis mo ako tapos pinabalik, pinagmukhang tanga at ngayon ganito?"
"Sakit mo naman magsalita," mababang boses ni Jane. "Nasaktan din ako noong sinabi mong hindi ka na nagpapanggap Loi. Pakiramdam ko noon pinaglalaruan mo ang feelings ko lalo kapag sinasabi mong mahal mo ako sa harap ng parents mo pero tumatawa ka."
"Kaya gumaganti ka?"
"Umiwas lang ako. Ayokong masaktan."
"Kaya gumawa ka na naman ng laro? O gusto mo lang talagang ipamukha sa akin na kaya mong gumanti?" Hindi ako natutuwa sa mga ginagawa ni Jane. Maraming paraan para makipag-usap.
"Hindi ako gumaganti, Loi. Tama na! Makinig ka muna please."
"Hindi na kailangan. Sapat na ang nakita ko. Gusto mo pa talagang makita ko kayong naghahalikan ni Dexter." Sinusumbatan ko si Jane sa mga bagay na hindi naman dapat. Kung tutuusin hindi dapat ako magreact sa namamagitan sa kanila pero nasasaktan ako. Pinilit kong alisin ang pagkakaposas kahit alam kong imposible.
"Damn!" Lumabas ng bahay si Jane. Buking ko na siya kaya nagwalk-out na naman. Naubusan na siya ng dahilan.
"Ganyan ka naman palagi. Tumatakas kapag naiipit!" sigaw ko.
Pumasok muli ang dalawang sundalo at lumapit sa akin. Kinapa ang bulsa ko na tila may hinahanap. Dinukot ang panyo ko saka ibinusal sa aking bibig.
"Pasensya na. Napag-utusan lang. Masyado ka daw kasing madaladal," paumanhin muli ng sundalo na nagpakilalang tito ni Jane.
Hindi ko alam na pati militar ay kayang paikutin ni Jane o dinaan na naman nito sa lambing kaya napasunod ang mga sundalo. Pumasok muli ng bahay si Jane matapos akong busalan ng sundalo. Sinigurado muna niyang hindi ko maalis ang busal saka umupo malapit sa aking harapan.
"Hindi kita pinaglaruan Loi. Mahal kita." Hindi ako makapaniwala sa nadinig ko. Mahal ako ni Jane pero nagawa niyang halikan si Dexter sa harap ko mismo. "Kanina noong papunta ka dito lagi kong tinatanong kung nasaan ka na. Kasi gusto ko pagbukas ko ng pinto ikaw ang sasalubong sa akin. Noong may nagdoorbell pikit mata kong sinabi na kiss me pagkabukas ko ng pinto. Pero hindi ko alam na si Dexter ang nasa harap ko."
Kuwento pa ni Jane, isosoli lang ni Dexter ang mga hiniram na libro dati kaya napadpad doon si Dexter. Dahil pikit nga siya hindi niya alam kung sino ang hinalikan at niyakap niya.
Tinanggal ni Jane ang busal sa aking bibig. "Jane, hindi ko alam kung dapat akong maniwala sa mga sinasabi mo. Kasi.."
"Dami mong arte!" Hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil inangkin ni Jane ang aking mga labi. Kinulang ang daliri ko sa kamay at paa para bilangin kung gaano katagal ang aming mga halik. "Ngayon Loi, sino ako sa buhay mo?"
"Teka di ko pa sure kung sino ka sa buhay ko." Muli ko siyang hinalikan para makasigurado sa nararamdaman ko. Mas matagal kumpara sa naunang halik.
"Sure ka na ba this time?" tanong ni Jane.
"Oo. Ikaw ang babaeng mahal ko." Hinalikan ko ulit siya para wala lang. Gusto ko lang humalik ulit.
Ito ang aking buhay. Ang aming love story. Dalawang magkasalungat na pagkatao na pinagtagpo ng pag-ibig. Pag-ibig na balak naming paglaruan sa pamamagitan ng isang kasunduan pero hindi namin alam na pag-ibig na pala ang naglalaro sa amin. At habang ako ay nagkukwento may bwisit na nagtext.
"Punta ka sa ospital!"
"Hu u?" reply ko.
"Ang magiging nanay ng anak mo!" Mabilis akong kumilos para abutin paglabas ng aking panganay.
Epilogue
Sa bahay kami nina Jane naninirahan kasama si Zoilo V. Tulad ng inaasahan napasakamay ni daddy ang malaking orasan. Si Mommy naman ay madalas dumalaw sa bahay para alagaan ang kanyang apo at para magpapansin na din upang ibigay sa kanya ang treadmill.
-end-
------------------
salamat sa mga sumubaybay at nagpakalat ng aking blog.. :)
palike sa fb. http://facebook.com/tuyongtinta
sa wakas natapos din ang aking obligasyon.. haha