Mahigit kalahating oras na din pala ang lumipas bago ko nabasa ang text. Hindi ko kasi agad namalayan dahil busy ako sa pakikipag-usap sa aking sarili. Ilang araw na lang siguro may schizophrenia na ako.
Hindi mababasag ang itlog kung hihilahin ang magkabilang dulo nito. Buti na lang binuwag ni Jane ang dingding na namamagitan sa aming dalawa. Laking pasasalamat ko at naisipan niyang ibaba ang kanyang sarili mula sa pedestal na kinalalagyan niya. Muntik na akong sumuko at napagdesisyunan na tuluyang alisin si Jane sa buhay ko.
Sinalubong agad ako ni Mommy pagkarating ko ng bahay. Labas agad ang ngipin nya at inaalam ang pinag-usapan namin Jane.
"Hindi pa po kami nagkikita," pagtatakip ko sa di maganda naming usapan. "Babalik pa po ako ngayon may pinakukuha lang si Jane," dagdag ko pa.
"Sabihin mo dumaan dito ha?"
"Opo Mommy."
"Anak madali ba pakisamahan ang daddy nya?" bulong ni daddy.
"Opo. Sobrang bait nga po."
"Great! Hindi pala ako mahihirapan hingin ang orasan!"
Uminom muna ako ng tubig hindi dahil uhaw ako kundi para alisin ang tensyon na nabuo sa pagkatao ko. Mahirap talagang ipaliwanag ang panig kung sarado ang tenga ng kausap. Lalo pa't sa simula pa lang ng sasabihin ay may nakahanda na siyang pambara. Pilit kong inunawa si Jane kanina pero nagmatigas siya. Pinalayas ako tapos pababalikan din pala. Alam ko entitled ang babae sa pagbabagong isip kaya hinayaan ko na lang.
Tinawagan ko si Jane para kumpirmahin ang pagbalik ko sa bahay nila. "Late ko na nabasa ang text mo. Pahingi lang ako ng konte babalik na ako dyan."
"Sige hintayin kita. Sorry Loi."
"Hayaan mo na. Ang mahalaga wala ka ng sumpong."
"Hoy wala akong sumpong!"
"Oh ba't ang taray mo?"
"I hate you pa din! Gusto lang kita makausap, yon lang!"
"So sisigawan mo na naman ako?"
"Depende sa mood ko at kung may sasabihin kang nakakaasar."
"Like what?"
"Hindi ko sasabihin. Mabibingi ka na lang mamaya kapag may mali kang nasabi."
"Tatahimik na lang siguro ako. Kakakain."
"Hey! Marunong na ko magbake!" Kung kaharap ko si Jane malamang labas na naman ang kanyang mga ngipin sa laki ng ngiti at halos idikit ang kanyang mukha sa akin dahil sa kanyang bagong ipagyayabang.
"Talaga. Anong binabake mo? Kanin?"
"Bobo! Sarap na sarap ka nga kanina sa brownies e!"
"Kaw nagbake nun?" duda ko.
"Yes!"
"Ows. Kaya pala matabang."biro ko naman. Hindi ko alam na magiging line nya ang baking. At inaamin ko na masarap para sa isang baguhan.
"Matabang pa iyon? Hanggang baba mo ang brownies sa katakawan!"
"Bakit mo naisapan magbake?"
"Wala lang."
"Wala lang or Hindi mo lang masabi."
"Hoy Mister. Kailan ka pa natuto ng telepathy para pakialaman ang iniisip ko? Kapag sinabi kong wala! Wala!" sigaw niya. "Huwag mo ako igaya sa'yo na sinungaling?"
"Ako sinungaling? Naging honest nga ako."
"Replay na yan. Isip ka naman ng ibang dahilan."
Brat talaga. Magaling mang-asar pero madali namang mapikon kapag siya na ang naiipit sa sitwasyon. Palaging tumatakas kapag ayaw sumagot sa tanong. Pero ok na din, at least kinakausap na niya ako. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya kaya nagtatanong ako pero sigaw naman ang matatanggap ko.
"Ba't mo nga pala ako miss?"
"Mukha ka kasing jologs! Nakasalamin ka na naman e."
"Dahil don namiss mo na ako? Wala ka bang sakit?" Natahimik siya. "Jane?"
"Don't ask! Upakan kita e!" Lagi niyang depensa ang pananakit sa tuwing nawawalan na siya ng dahilan. Kung tutuusin di ko naman siya dapat katakutan dahil iyakin naman. "Ano hindi ka pa ba aalis dyan?"
"Bakit ba parang minamadali mo ako?"
"May sasabihin kasi ako," halata sa kanyang boses ang excitement. "Dali na!"
"Mahalagang mahalaga ba?"
"Oo. Kaya nga kinausap na kita kasi may narealize ako."
"Talaga? Naexcite naman ako." May dalang kiliti ang sinabi ni Jane.
"Magugulat ka sa sasabihin ko! Be ready, lover boy."
Umalis ako ng bahay dahil na din sa pamimilit ni Jane. Nadala na naman ako ng malalambing niyang salita. Habang nasa byahe kinukulit niya pa rin ako. Kailangang updated kung nasaan at ilang minuto pa ako bago dumating. Bawat landbank, bato, halaman, bahay, nagsesex na aso ay sinabi ko na para alam nya agad kung saang lokasyon ako malapit. Nahihiwagahan tuloy ako sa gusto niyang sabihin.
"Nasaan ka na?" pangungulit pa din nya.
"Nasa gate ng subdivision nyo."
"Excited na ako."
"Ano ba kasi yan?"
"Malapit ka na naman e kaya wait mo na lang," wika niya sa malambing na tono.
Sa hindi ko alam na dahilan abot tenga ang ngiti ko. Excited akong malaman ang dahilan ng biglang pagbait ni Jane. Siguro ito na din ang tamang panahon para may aminin ako. Sigurado magugulat din siya sa aking rebelasyon.
Bago pa ako makababa ng tricycle nagulat na ako sa sorpresa ni Jane. Sa nakikita ko hindi na namin kailangan mag-usap at wala pala akong dapat ika-excite. Si Jane at si Dexter magkayakap. Alam kong hindi iyon yakap lang ng magkaibigan dahil inabot ko pa ang pagkakalas ng kanilang labi.
May namuong kirot sa aking dibdib. Kung tutuusin hindi ko dapat ito nararamdaman dahil wala naman akong karapatan.
"Manong balik na tayo. Sarado na pala," wika ko sa tricycle driver.
Gusto kong magalit pero wala ako sa lugar. Pakiramdam ko ay napaglaruan ako. Sabagay, mas masaya ang laro kung higit sa dalawa ang player.
itutuloy...
------------------
tuesday ulit