Skinpress Rss

HU U? (11)






chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|







Dati, palagi akong nangangarap na magkaroon ng babaeng ikukulong ko sa aking mga bisig at hahaplusin ang buhok habang nanonood ng tv. At ngayon, natupad na nga. Dalawa pa. Kahit humble ako, pakiramdam ko tuloy napakagwapo ko.

Nakakabighani talaga ang pagiging malambing ni Jane kaya kahit brat siya madaling napagbibigyan. Mahirap nga lang kapag nasobrahan. Kinagat nga n'ya ang kamay ko kasi trip lang daw nya. Pero noong naikwento ko kay Daddy, sinabi nya na gawain din daw iyon ni Mommy kapag naglalambing. Kumbaga may papasok na lang na mga demonyo sa utak ng babae tapos bibiktimahin ang nanahimik na kamay o braso at kapag minamalas-malas tenga o balikat ang kakagatin.

Naaliw ako sa mga rebelasyon ni Daddy. May itinatago din palang kalandian ang magulang ko. Sa Day Care Center sila nagkikita ni Mommy. Naging palusot nila ang pagbabantay sa nakababatang kapatid para sa sekretong magkita. Inaabutan na lang ni Daddy ng barya ang kapatid ni Mommy para hindi magsumbong. Kwento pa niya, tutol daw sina lola sa relasyon nila kaya naisipan nila magtanan. Muntik pa nga daw mapurnada dahil hindi mapatakbo ng maayos ni Daddy ang padyak na hiniram niya sa kaibigang si Mang Mar.

"May kabigatan kasi ang Mommy mo!" natatawang wika ni Daddy.

"Sumbong ko kayo."

"Load? Manahimik ka lang." suhol ni Daddy sa akin. Alam niyang tatalakan siya ni Mommy kung magsusumbong ako.

"Sige po. Tatlong daan."

"Mahal. One hundred na lang?" tawad ni Daddy.

"One fifty! Last bid."

"Deal!"

Nakatulog akong may ngiti sa labi kagabi. Kakaiba talaga ang dala ng pag-ibig. Lalo na kung mainit ang pagsasama higit pa sa init na dala ng magkasintahang magkayakap sa jeep kahit ang araw ay tirik na tirik. Kaya desidido na akong sabihin ang lahat kapag sinabi sa akin mamaya ni Sofia na mahal na din niya ako. Hindi naman sa naninigurado ako pero iyon ang alam kong dapat.

Bitbit ang excitement na nabitin, positibo kong nilakad ang apartment ni Sofia. Mas pinili kong maglakad. Bukod sa tipid baka madiskubre pa ng mga driver ng padyak ang sekretong lakad ko. Hindi na ako nagbitbit ng pasalubong para hindi na mag-usisa pa ang mga magulang ko. Susulitin ko ang oras na magkasama kami dahil nakapangako na ako kay Jane na magkikita kami sa hapon.

Nakatayo si Sofia sa may pintuan noong dumating ako. Her smile makes me weak. Hindi ko maitatangging mas kaakit-akit ang ngiti ni Sofia kumpara kay Jane. Alam ko hindi naman sila dapat pagkumparahin pero hindi ko maiwasan dahil pareho silang may mahalagang ginagamapanan sa buhay ko.

"Sorry kung medyo natagalan," hingi ko ng paumanhin habang pumapasok sa apartment. "May inasikaso pa sa bahay."

"Ayos lang. Upo ka, kukuha lang ako ng snack natin." Lumakad si Sofia papunta sa kusina. "Dala mo ang hinihiram kong DVD?"

"Ah oo. Isasalang ko na para mapanood natin."

"Sige. Nasa drawer ang remote control."

Mahilig sa inspirational movies si Sofia. Napakastraight forward niyang tao kaya hinahangaan ko ang mga stand niya sa buhay. Lahat nasa ayos. Lahat planado. Sixteen pa lang siya ay natuto na siyang mamuhay mag-isa. Hindi siya ipinangak sa marangyang pamilya kaya lahat ng makikita sa loob ng kanyang apartment ay kanyang pinagpaguran. Kung tutuusin, napakalaking insulto noon sa akin dahil lahat ng bagay na meron ako ay galing sa pera ng mga magulang ako. Pero naisip ko, okay na din at least di naman ako pagod.

Isinandal ni Sofia ang kanyang ulo sa aking balikat. Kinuha niya ang aking kamay at idinampi sa kanyang bewang. Tahimik kaming nanood ng pelikula. Kapag napapansin kong seryoso siya inihaharang ko sa kanyang mukha ang ilang piraso ng corn chips. Kunyari isusubo ko pero ilalayo ko naman sa bibig niya kapag akma niyang kakagatin.


"Loi?" malambing na wika niya.

"Ano iyon Sofia?" Kinakabahan ako pero mas lamang ang excitement ko. Pakiramdam ko sasabihin na niya ang gusto kong madinig.

"Tanggap mo ba ako?"

Kumunot ang noo ko. Dapat ako ang nagtatanong noon sa kanya. "O-oo naman. Tanggap na tanggap!"

Tumahimik siya sandali. "I mean, kahit ano ako. Lahat ng meron ako. Ang kalagayan ko."

"Lahat! Tanggap ko lahat sa'yo." Siguro iniisip niya ang mas angat kong buhay kumpara sa kanya.

"Gusto kong sabihin sa'yo pero nagdadalawang isip ako. Gusto kong mahalin ka pero takot ako kung matatanggap mo ako."

"Mahal kita. Kung ano ka at lahat kaya kong tanggapin," seryosong katwiran ko.

Umagos ang kanyang luha. Tumakbo siya palayo at ikinulong ang kanyang sarili sa banyo. Dinig ko mula sa pinto ang kanyang hagulhol. Naguluhan ako.

"Loi, hindi ko kaya," wika niya. "Bumalik ako dito sa pag-asang buhayin ang anumang meron tayo. Inaamin ko, unti-unti ng nahuhulog ang loob ko sa'yo."

Ayoko kong mawala si Sofia. Hindi ko matatanggap na lalampas pa ang pagkakataong ito. "Makinig ka! Hindi kami ni Jane. Lahat palabas lang." Umamin na ako. "Gusto ko maging tayo. Please talk to me!"


Bumakas ang pintuan ng banyo. Sa palagay ko, naliwanagan siya sa ipinagtapat ko. "Hindi Loi. Hindi lang iyon ang dahilan."

"Ano?" Hinawakan ko ang kanyang mukha. Tinitigan ko siya. "Anong problema?"

"Buntis ako! Buntis ako, Loi!" Bumilis ang kanyang paghagulhol. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Buntis siya. Hindi ako ang ama dahil mas inosente pa ako sa rabbit na bagong silang. "Matatanggap mo ba ako?"

Matatanggap ko nga ba siya? Magugulat na lang ang mga magulang ko na may bitbit akong babae pauwi at may kasamang instant anak. Magsisinungaling na naman ako at sasabihin ko sa kanilang ako ang ama kaya hindi na kami pwedeng magpatuloy pa ni Jane. Wala na bang karapatan mahalin ang isang buntis? Mabubura ba ang pagmamahal ko sa kanya sa nadinig ko? Hindi ko alam.

"Sinong ama?" tanong ko. Hindi na siya nagsalita. Sabagay, kung sabihin man niya ang pangalan sigurado hindi ko din naman kilala. Dapat ko ba siyang mahalin? Kung tutuusin, marami namang single mom ang nakatagpo pa ng lalaking magmamahal sa kanila. At karapatan din Sofia ang mahalin.

Pinakalma ko muna si Sofia. Kusa niyang inilahad ang kwento. Noong umuwi siya sa probinsiya, muli niyang nakita ang dating kasintahan. Nabuhay ang pagtitinginan nila. Sa pangakong pakakasalan siya, ibinigay niya ang kanya sarili. Huli na noong malaman niyang kasal na pala ang lalaki. Bumalik siya dito para makalimot. Dalawang linggo matapos naming magkita saka pa lang niya nalaman niyang buntis siya. Hindi niya nagawang ipagtapat sa akin dahil hindi pa naman niya binubuksan ang puso niya para sa akin.


Buntis si Sofia. Makakaya ko ba siyang mahalin? Bakit hindi ako nasasaktan? Mahal ko ba talaga siya o mahalaga lang siya sa akin? Naguguluhan ako.

"Uuwi na lang ako Loi. Salamat sa iniaalok mong pagmamahal. Ayokong maging bahagi ka ng miserable kong buhay."

"Sofia?"

Pinigilan niya akong magsalita pa. "Bumitaw ka na Loi. Hayaan mong masalo ka ng tamang tao."

Niyakap ko si Sofia. I pat her back to ease the pain. Hindi ko man mabura ang sakit gusto ko lang ipadama sa kanya na may karamay siya.


----------
para informed sa updates pafollow naman sa fb : tuyong tinta ng bolpen

tuesday ang karugtong...