Skinpress Rss

FAITH



Note : Request story lang. Fiction ito, pero ang issue ay based sa karanasan niya. Peace.

----------

"Father, Salamat po at ingat po sa pagmamaheno," may ngiting wika ni Kapitana matapos ang misa sa barangay 12.

"Wala pong anuman. Asahan n'yo po mapapadalas ang misa dito. May madadagdag na po kasing pari sa parokya."

Pari si Tito Aries at bata pa lang ako ay madalas na niya akong kasama sa lingguhang misa sa mga barangay. Maaga akong namulat sa mga gawain simbahan kaya naengganyo akong maging sakristan. Madalas, kasama ako sa mga outrearch program at religious activities.

"Tito, iniimbitahan po tayo sa house blessing ni Mr. Agbing sa Naujan."

"Kelan ba daw?"

"Sa katorse po."

"Sige. Mapapasabak na naman tayo sa mahabang byahe nito," natatawang sambit ni Tito. Ibinigay niya sa akin ang kanyang organizer para isulat ang schedule ng house blessing.

"Kung may running priest kayo naman ang travelling priest," biro ko.

Napahalakhak si Tito habang nagmamaneho. Nagdaos muna kami ng misa sa San Teodoro bago pa kami bumalik ng Calapan. Parte na ng buhay ko paglilingkod sa simbahan at sa Diyos pero hindi ko naman itinuturing ang sarili ko na banal. May katigasan din ang ulo ko lalo na kapag kinalaman kay Karen.

"Francis!" malakas pero ipit na boses ang tumawag sa akin. Mahigit kalahating oras na din akong naghintay sa labas ng school bago dumating si Karen. Kailangan niya pa kasing magpalusot sa kapatid para hindi sumabay pauwi.

Kinuha ko ang bitbit na bag ni Karen at hindi ko pa din maiiwasang titigan ang kanyang mata kahit araw araw naman kaming magkasama. "Kamusta ang exams?"

"Hirap ng physics parang ayaw pasagutan! Buti na lang natandaan ko ang itinuturo mo sa akin."


Third year high school noong opisyal na naging kami ni Karen. Alam namin na maaga pa para pumasok sa isang relasyon pero inlove kami sa isa't isa kaya may takip ang aming tenga sa mga sinasabi ng iba.

"Buti hindi pangalan ko ang naisulat mo."

"Dito nakasulat ang pangalan mo!" Hinawakan ni Karen ang kanyang dibdib at binigyan ako ng matamis na ngiti.

Naniniwala naman ako sa mga magulang ko na wala talagang benepisyo sa pag-aaral ang pagpasok sa isang relasyon dahil aagaw pa ito ng atensyon sa konsentrasyon ko. Pero mahal ko talaga si Karen kaya sumuway ako sa kanila. Bilin pa nila huwag kong pababayaan ang paglilingkod sa parokya dahil sa kagustuhan kong makasama si Karen. Inaamin ko, nahihirapan din ako sa sitwasyon dahil kailangan kong ibalanse ang lahat.


Sobrang mahal namin ang isa't isa kaya hindi namin napagtuunan ng pansin ang mga bagay na makaaapekto sa amin. Madalas kaming magkita pero hindi pa din namin mapigilan mamiss ang isa't isa kapag hindi na kami magkasama. Sinubukan kaming paghiwalayin ng mga magulang ni Karen pero kinalaunan ay tinanggap din nila. Pinahintulutan nila akong dumalaw sa bahay nila at naging malapit ako sa lahat ng kasapi ng pamilya.

Tumagal ang aming relasyon bitbit ang hindi namin inaasahang magiging problema noong mga bata pa kami. Faith. Ang kanilang relihiyon. Gusto ng pamilya niyang yakapin ko ang kanilang paniniwala. Ilang beses nila akong inanyayahan sa mga panayam nila para imulat sa relihiyong gusto nilang aniban ko.

"Attend ka mamaya Francis," hikayat sa akin ng tatay ni Karen. "Darating si Pastor para maalis ang alinlangan mo."

Para maiwasan pa ang paulit-ulit na paliwanag, pinaulakan ko ang imbitasyon niya. "Sige po. Dadaan po ako mamaya dito."

Nakita ko sa relihiyon nila ang disiplina at taos-pusong pananalig na matagal ko ng hinihiling na mangyari sa mga katoliko. Nalulungkot ako kapag may nakikitang nag-uusap, nagtetext at nagtatawan sa loob ng simbahang katolika sa tuwing idinadaos ang banal na misa.


Ilang beses akong kinausap ni Karen para hikayating lumipat para walang maging problema sa hinaharap. Pero umiiwas ako sa mga tanong niya kung kailan ako magdedesisyon. Pilit kong inililihis ang usapan dahil alam ko hindi ko kayang yakapin ang paniniwala ng iba. Mahal ko ang relihiyon ko higit pa sa lahat ng bagay. Kahit ilan pang debate sa mga butas ng katoliko ang ihain sa akin ng ibang relihiyon, hindi ako makikipagtalo dahil isa lang ang nagtutulak sa akin para manatili sa paniniwala ko. Ang aking matibay kong pananampalataya.

Nilimitahan ko ang pagdalaw sa bahay nina Karen para umiwas pa sa mga tanong ng pamilya niya. Hanggang sa napagkasunduan namin na umalis muna ng Calapan noong makatapos ng pag-aaral para makaiwas sa pangungulit ng magulang niya at makapag-isip ako ng maayos. Nagtrabaho siya sa istasyon na pag-aari ng relihiyon nila. Kasama niya ako sa bawat achievements niya. Pati panonood ng mga video na inedit para sa istasyon ay ipinilit niya sa akin para kunin ang comments ko sa mga gawa niya.

Akala ko kasiyahan na lang ang mararanasan ko noong umalis kami. Hindi pala. Hinahabol pa din ako ng mga tanong at pagsubok.

"Hanggang kailan, Francis?" usisa ni Karen. "Tumatanda na tayo. I want to raise a family. At gusto ko ikaw ang kasama ko!"

"Give me time para mag-isip." Tulad ng dati inilalayo ko ang sarili ko. Hanggat kaya iiwas ako.

"Gaano katagal? Ilang taon pa?" Ayokong mawala si Karen. Kinumbisi kong siya na lang ang lumipat pero hindi din siya pumayag.

"Hindi ko alam. Alam mo namang bata pa lang ako, sakristan na ako. Hindi ko kaya basta na lang bitawan ang kinagisnan kong pananampalataya."

"Francis, may nanliligaw sa akin."

Nagulat ako sa sinabi ni Karen. Marami akong kakilalang ikinasal sa taong hindi nila gusto. Ang mahalaga kasapi ng kanilang relihiyon. "A month. Give me a month to decide."

Binabangungot ako kahit gising. Bumabalik sa isip at tenga ko ang mga sinabi ni Karen. Isang buwan ang ibinigay kong palugit kahit alam ko namang iiwasan ulit ako.

"Pre, may problema ba?" tanong ni Jon.

"Si Karen pare. Pinipilit akong lumipat ng relihiyon kung hindi tapos na kami." sagot ko.

"Kenneth, Erwin! May problema daw si Francis!"

"Talaga? Inuman na!" hirit ni Kenneth.

"Sino magpapainom?" tanong ko naman agad.

"Ikaw. Ikaw ang may problema e."

Inilahad ko sa mga kaboardmate ko ang pinagdadaanan ko para maibsan ang bigat ng dinadala ko. Kung tutuusin madali naman daw ang problema ko. Pero sa kaso ko na hindi kayang mag-give up talagang mahirap.

"Magpakasal kayo sa civil?" suwestyon ni Erwin.

"Kikilalanin ng batas ang civil pero hindi ng relihiyon nila. Matatanggal pa din si Karen bilang kasapi." sabat naman ni Jon. Kahit nga pareho pa silang kasapi hindi pa din basta makakapagpakasal sa civil e.

"Tama ganoon nga. Naisip ko na din yan dati e." sagot ko. Kahit ang mga kaibigan ko ay sumakit ang ulo sa pagtulong sa akin.

"Lumipat na lang kayo pareho sa ibang relihiyon para tapos ang problema," pagbibiro ni Kenneth para mabawasan ang seryosong usapan.

"Lumipat ka na lang tapos kapag kasal na kayo, tumiwalag ka na ulit." si Erwin.

"Mahirap tol. Baka naman isumpa ako ng pamilya niya."

Noong bata ako ang problema ko lang ay pagpili ng krayola sa mga drawings ko. Sana ganoon lang kadali ang paglipat ng relihiyon.


"Francis, I love you." Niyakap ako ni Karen mula sa aking likuran.

Humarap ako kay Karen at hinalikan ng bahagya ang kanyang labi. "I love you too."

"I can't imagine 11th year anniversary na natin!" Kumislap ang mga mata ni Karen. "Parang kailan lang kailangan ko pang tumakas para magkita tayo."

"Oo nga. Dati mukha ka pang lalaki!Haha!" biro ko.

"Yabang mo! Patay na patay ka naman sa akin kahit mukha akong lalaki."

"No comment. Haba ng buhok mo ah, abot sa kili-kili ko.."

"Oh wait, Francis uuwi ako ng Calapan."

"Hindi ako makakasama may pasok ako."

"Its not that. I need your answer para may masabi ako. Kahit partial lang."

"I can't."

"Ok. I'll wait na lang til the month ends."

"No. Kahit siguro matapos ang buwan di magbabago ang isip ko."

"What? Nagbibiro ka lang." Gumuhit sa mata ni Karen ang kanyang mga luha. Alam namin ang kahihitnan ng pagtanggi ko. "Please tell me nabibiro ka lang."

"I can't embrace your beliefs. Alam mo kaya lang ako sumasama sa mga services dahil mahal kita at sa tuwing sinisiraan ni Pastor ang paniniwala ko, nasasaktan ako."

"Damn! Naghintay ako ng matagal Francis tapos ganito lang? Akala ko mahal mo ako? Bakit di mo makayang lumipat?"

"I love you Karen but we are divided by faith..."

"You don't love me. Selfish ka!"

"Pakakasalan kita!" Inilabas ako ang singsing na ireregalo ko.

"Civil na naman? Gusto mo talaga akong matiwalag!"

"Yun lang ang paraan."

Nasaktan ako. Alam ko ang religion is for goodness pero bakit naging balakid pa sa pag-iibigan namin.

"Eleven years? Itatapon mo lang yon?" Patuloy ang pagdaloy ng luha ni Karen. Makailang ulit niya akong sinuntok sa dibdib. "Bakit di mo ba kayang magpaconvert?"

Niyakap ko siya. Hinawakan ko ang kanyang pisngi. "Look, paano ako lilipat sa relihiyong di ko naman kayang yakapin. Gusto mo bang lumipat ako tapos hindi naman ako nakikinig sa pastor mo dahil iba ang iniisip ko."

"Happy anniversary, Francis." She walked out. Inihagis niya ang singsing na regalo ko.

Hindi na ako muling kinausap ni Karen matapos ang lahat. Nabalitaan kong ikakasal na daw si Karen sa lalaking nanliligaw sa kanya dati.

"Mahal na mahal ka nya Francis," her bestfriend confessed. "Hinihintay ka nya sa may gulod."

"No. Just send my congratulations." Masakit para kay Karen ang ginawa ko. Magpapakasal siya sa taong hindi niya mahal para makalimutan ang nadarama para sa akin.

Gabi-gabi iniisip ko pa din si Karen. Ang aming pagkabata. Ang panghuhuli ng mga butete sa palayan. Ang mga kunyaring group project tuwing sabado para magkita kami. Higit sa lahat ang aming pag-iibigan. Kung isang araw ibalik ang lahat sa dati at tanungin muli ako ni Karen. Alam ko hindi pa din magbabago ang desisyon ko. Hindi ko alam kung magmamahal akong muli dahil iisa lang ang nagmamay-ari ng puso ko.


-end-
----
pafollow sa fb : http://facebook.com/tuyongtinta

regards sa mga readers from Qatar. hehe salamat sa pagbasa ng blog ko during office hours.. haha