Skinpress Rss

HU U? (13)






chapters 1|2|3|4|5|6|7|8|9|10|11|12|





Minsan pumapasok sa isip ko kung paano pa ako magkakaroon ng totoong girlfriend kung lagi namang nakabuntot sa akin si Jane. Masaya naman akong kasama siya. Magaan ang loob ko sa kanya. Kaya kung tutuusin hindi ko kailangan magmadali na magkagirlfriend dahil naibibigay naman niya ang hinahanap kong pagpapahalaga mula sa isang babae.

Nakapanghihinayang na umalis si Sofia pero nabawasan naman ang pagiging komplikado ng buhay ko. Natanggap ko na sarili ko na hindi lahat ng nagpapahalaga sa akin ay kailangan kong makarelasyon. At hindi ko din dapat bigyan ng kahulugan ang pagiging malapit sa akin ng isang babae para hindi na ako nasasaktan kapag nabibigo.

Bumalik sa pagiging simpleng bantay ng tindahan at pakikipagtext sa mga chicks na nagpapaload. Kung dumalaw naman si Jane madalas si Mommy lang ang kausap niya. Nakontento na ako sa panood ng kanyang mukha. Malaki na ang ipinagbago niya mula noong una kaming magkita. Hindi ko na siya nakikitang pugto ang mata dahil sa pag-iyak. Nakita ko lang yata na gusot ang mukha niya noong minsang hindi matunawan sa dami ng kinain. Hindi na ko magtataka kung maging high blood din siya.

Nagugulat na lang ako sa mga desisyon ni Mommy at Jane. Palibsaha outcast ako sa sariling tirahan kaya wala akong alam sa mga nangyayari. Masaya akong nakikipagkwentuhan sa isang seksing bumibili pero pinutol ni Daddy at inutusan akong magsara. Aalis na daw kami. Mas napaaga ng limang araw sa nakaschedule na swimming. Magtatanong pa sana ako ng dahilan pero inginuso na ni Daddy sina Mommy at Jane. Pasalamat sila mabait kaming dalawa ni Daddy, hindi kami mahilig sumalungat sa mga padalos-dalos nilang desisyon.

"Sandali lang Dad, mag-iimpake lang ako."

"Hindi na kailangan. Naihanda na ng Mommy mo!" Napakamot na lang ako. Planado na pala lahat pati isusuot ko napagdesisyunan na nila.

"May sasakyan na ba o sa Jeep na naman tayo ni Mang Mar?" Malaki ang utang na loob ni Daddy kay Mang Mar dahil padyak niya ang ginamit noong nagtanan sila. Kaya mula noong magkajeep kahit magkakasalungat na ang direksyon ng apat na gulong ng jeep, sa kanya pa din kami umaarkela.

"Wala na tayong aalahanin anak. Planado na nga nila lahat."

Gamit ang malapad na mukha ni Mommy napakiusapan niya si Jane na sasakyan na lang nila ang gagamitin. Hindi ko alam kung mabisa ang mga pambobola ni Mommy o talagang mabait lang si Jane. Hindi masyadong nakapaghanda si Mommy kaya naka-hawaiian cap, naka-shorts at naka-spaghetti kahit nagsusumigaw ang mga bilbil niya sa katawan.

Pagkatapos maghanda ng pagkain, dumeretso na agad kami sa bahay nina Jane. Parang nagkakalyo ang leeg ni Daddy sa panonood niya sa pendulum ng higanteng orasan sa sala. Si Mommy naman ay nakatambay agad sa threadmill. Iniisip ko pa lang, naaawa na ako sa threadmill.

"Anak, kapag ikinasal kayo ibigay mo na lang sa akin ang orasan na 'yan," wika ni Daddy habang sinisiko pa ako.

"Saan naman natin ilalagay yan?" Sinakyan ko na lang ang hirit ni Daddy.

"Tutal dito ka naman titira, sisirain ko na ang kwarto mo para lumapad ang sala."

"Zoilo, excited na akong mamanhikan," singit ni Mommy sa usapan. "Kapag ikinasal kayo, hihingin ko ang threadmill."

"Saan nyo naman balak ilagay yan? Masikip na ang bahay."

"Tutal dito ka titira, sa kwarto mo na lang." Napatingin ako kay Daddy. Pareho pa talaga sila ng idea. Ang itaboy ako sa bahay.

Ilan pang gamit ang gusto nilang iuwi sa bahay, natigil lang nang bumaba ng hagdan si Jane. Pinulot ko muna ang nalaglag kong panga bago pa ako lumapit para kunin ang bitbit niyang mga gamit. Nakiliti ako noong dumikit siya sa akin at nagyaya na umalis.

Feel na feel ni Daddy ang pagmamaneho ng sasakyan habang prenteng-prente naman si Mommy sa katabing upuan. Ako tuloy ang nahihiya sa ipinakikita nila pero mukhang di naman apektado si Jane. Gusto ko sanang matulog muna pero hindi naman ako payagan ng gusto kong gawing unan. Nagtatangka pa lang akong idikit ang aking ulo sa balikat ni Jane, ipinakikita na agad niya ang makinis na kamao.

Nakontento na lang akong paanoorin ang tanawin sa daan nang biglang hawakan ni Jane ang aking kamay at inikot sa kanyang bewang. Ipinikit niya ang kanyang mata, huminga ng malalim at idinikit ang kanyang ulo sa aking balikat. Walang namagitan na salita sa amin. Nakatulog kaming pareho sa ganoon posisyon.

Nagsimulang gumalaw si Jane kaya naggising na din ako. Bumungad sa amin ang isang napakagandang resort. May malaking fountain sa harap at may magarbong Gazebo. Bumagal ang saksakyan. Naexcite ako. Ibinaba ni Mommy ang bintana ng kotse. Inilabas ang hawak na camera. Inayos ko na ang mga daldalhin ko sa loob. Nagulat na lang ako ng biglang lumiko ang sasakyan. Sumuot kami sa isang eskinita at tumigil sa isang maliit na resort na parang nasa loob ng gubat. Akala ko makapapasok na ako sa bigating resort pero sa tipid-sulit resort na naman pala ang bagsak.

"Akala ko naman doon na tayo sa kabila!" reklamo ko pa habang ibinababa ang gamit.

"May pambayad ka ba? Tsaka mas maganda dito. Lahat likha ng kalikasan, ang nakikita mo doon sa kabila lahat artificial!" Umiral na naman ang pagiging kuripot ni Mommy. Nahiya tuloy akong bumaba ng kotse dahil puro tricycle ang nakapark sa resort.

"Jane, okay lang sa'yo ang resort?" tanong ko.

"Maganda naman ang dagat kaya okay na okay sa akin."

"Ikaw lang naman ang mareklamo e. Magsuswimming tayo hindi mamasyal!" Hinila ni Mommy si Jane. Naiwan kami ni Daddy para ilabas ang mga gamit.

"Anak, this is it!" bulalas ni Daddy matapos ay binigyan ako ng maharot na ngiti.

"Ano po?" Naguluhan ako.

"Huwag mo akong bibiguin. Sana lalaki." What the duck! Isang malaking set-up pala ang swimming na ito. Masyado daw akong mabagal kaya sila na ang gumawa ng paraan. Pati pala menstrual cycle ni Jane napag-usapan na nila ni Mommy kaya napaaga ng limang araw ang swimming.

"Zoilo, wala na daw available na family room. Couples na lang daw," sambit ni Mommy. Malamang wala ng available na family dahil dalawang family room lang ang nasa resort. Napakagaling magplano.

"Kami ng Mommy mo ang magkasama, doon na lang kayo sa dulong room. Wala na daw magkadikit e." Umakbay pa sa akin si Daddy at nagbigay muli ng malikot na ngiti. "Don't disappoint me son."

Pakiramdam ko ginawa akong tandang na ikinulong sa hawla kasama ang dumalagang manok para mangitlog. Walang kamalay-malay si Jane sa nangyayari palibsaha nakafocus ang isip niya sa dagat.

"Ikaw na ang bahala kay Jane ha. Magkita na lang tayo doon sa may cottage." Itinuro ni Mommy ang cottage malapit sa dagat na magiging kainan namin.

"Tara na Jane." Binuhat ko ang aming mga gamit at naglakad papunta sa kubo. Kung tutuusin hindi naman talaga pangit ang resort nagkataon lang na mataas ang expectation ko dahil inakala kong magpapaimpress sina Mommy kay Jane.

"Buti na lang malapit ang room natin sa dagat!" Tumakbo agad si Jane papunta sa tubig. Napangiti na lang ako. Pinulot ko ang tsinelas niyang kanina lang ay lumilipad sa ere. "Halika ka, Loi!"

Pumasok muna ako sa kubo at inayos ang mga gamit namin. Mula sa bintana, pinapanood ko si Jane. Napakaganda niyang pagmasdan habang nagtatampisaw. Tuwang-tuwa siyang habulin ang mga alon sa dalampasigan.

Matapos magbihis sumunod na ako sa dagat. Naupo ako sa buhangin. Dumampot ako ng bato at isinulat ang pangalan ko sa buhangin. Maya-maya pa ay makulit na nilalang ang bumura sa isinulat ko. Nakangiti na naman siyang labas ang mga ngipin. Pilit niya akong hinihila papunta sa tubig pero hindi niya ako napilit.

"KJ mo naman!" Namewang siya sa harap ko.

"Upo ka na lang sa tabi ko. Mamaya na tayo maligo." Sumunod naman siya sa utos ko. "Panoorin natin ang dapithapon."

Hinawakan niya ang makabilang pisngi ko para ipadama ang lamig ng kamay niya. "Ganda ng tubig! Lamig pa. Swimming na tayo! May dapithapon pa naman ulit bukas."

"Mamaya na. May hindi pa nga pala ako naitatanong sa iyo."

"Ano naman?"

"Ano ba dahilan ng break-up nyo ni Dexter? Masaya ka naman kasama e."

"Childish daw ako. I think hindi naman."

"Hindi daw childish oh. Lagi ka ngang asal bata e."

"Hindi ah. Namimis-interpret mo lang ako. I'm sweet kaya akala mo isip bata ako." Tumalikod si Jane sa akin.

Natatawa pa din ako kaya hinayaan ko muna siya. Sabagay, sweet naman talaga si Jane. "Ano bang ginagawa mo?"

"Nagdo-drawing."

"Oo alam ko. Anong dino-drawing mo?"

"Ikaw."

"Ako?"

"Oo bingi! Ikaw to. Kita mo naman ang glasses oh!"

"Tao pala yan."

"Tarantado! Ikaw na ang magaling magdrawing."

"Bakit mo naman ako dino-drawing? Type mo na ba ako?" Excited ako madinig ang sagot niya. Pero hindi siya sumagot. Bumalik muna ako ng kubo para kumuha ng mat. Pakabalik, inilatag ko iyon sa tabing dagat at doon kami nahiga.

Ipinatong ni Jane ang kanyang ulo sa aking dibdib. "Hanggang kailan kaya tayong ganito Loi?"

Hinaplos ko ang kanyang buhok. Inikot ko sa kanyang tenga ang ilang makulit na hibla. "Alin?"

"Nakikinig ka ba? Ako ang nagtatanong tapos tanong din ang sagot mo!"

"Hindi ko kasi maintindihan e. Ang pag-unan mo sa dibdib ko?"

"Itong pagpapanggap natin. Parang nahihiya na din akong paniwalian ang parents mo na tayo talaga."

"Ikaw."

"Anong ako?"

"Nasayo naman ang desisyon e. Kung gusto mo ng totohanan madali naman ako kausap."

"Tarantado! Hindi ka ba nahihirapan magpanggap?"

"Hindi. Hindi na ako nagpapanggap Jane."

"What?! May kasunduan tayo di ba? Bakit mo isinekreto na hindi ka na nagpapanggap?"

"Matagal ng tapos ang kasunduan natin, Jane. Simula noong sinabi mong nakamove-on ka na tapos na ang deal natin."

Napanganga si Jane sa mga ibinulgar ko. "All this time akala ko nagpapanggap ka pa din! Iritable ang boses ni Jane. "Ano ka ba Loi?"

"Malinaw naman sa kasuduan mo na ang purpose nun ay ipamukha kay Dexter na nakamove-on ka na.
I thought nag-eenjoy ka lang sa pagdalaw sa bahay. So, ang ipinakikita mo sa parents ko ay scripted din?"

"No! Masaya akong kasama ang parents mo kaya madalas ako sa bahay ninyo."

"How about the hugs? Pati ang paghiga mo sa dibdib ko ngayon scripted?"

"Damn! I hate you! You tricked me!" Tumayo si Jane at tumakbo papasok ng kubo. "Huwag kang susunod, uupakan kita!"

"Anong problema nun?" tanong ko sa sarili.


itutuloy...

----------
para informed sa updates pafollow naman sa fb : tuyong tinta ng bolpen

dull ang part na 'to. nahihirapan akong isingit sa oras ko ang pagagawa ng kwento.