Tinatahak ko ang daan papuntang Batangas. Napapangiti ako habang binabagtas ang daan lalo kapag nakikita ko ang malawak na kabukiran. Malaki na ang iniunlad ng Batangas mula noong umalis ako. Buti na lang nanatili pa din sa probinsya ang maganda at saganang kalikasan. Ibinaba ko ang bintana ng kotse at nilanghap ang sariwang hangin.
Sa isang maliit na bayan ng Padre Garcia ako isinilang at lumaki. Simple lang ang buhay ko noon. Nauubos ang oras ko sa paglalaro. Ang buong palayan at tubuhan ang aking pasyalan. Madalas kaming manghuli noon ng kagaykay o di kaya'y tipaklong sa kaparangan. Sa hapon, magkakasama kaming nagtatampisaw sa iba't ibang ilog sa lugar. Tanda ko pa, naranasan ko noong mahulog sa kalabaw dahil nagulat ito noong tumalon ako mula sa puno ng mangga para makasakay sa likod ng hayop. Tawanan kami noon kahit masakit ang aking likod.
Grade four ako noong umalis kami ng Batangas. Umiyak talaga ako noon dahil ayaw kong iwan ang nga kaibigan ko. Nagsasaranggola pa kami nang biglang sabihin sa akin ni kuya na kailangan kong umuwi dahil luluwas na daw kami ng Manila. Tumira kami sa Quezon City malapit sa trabaho ni Papa. Nahirapan akong mag-adust lalo na sa klase. Wala akong kakilala at madalas akong tuksuhin dahil sa tono ng aking pananalita. Hanggang sa natuto silang igalang ako dahil bumubulagta na lang sa sahig ang nangangas na tuksuhin ako.
Akala ko hindi ko magugustuhan ang buhay sa siyudad. Habang lumalaki ako minamahal ko ang bago kong buhay. Hindi ko na hinahanap hanap ang Batangas, nakalimutan ko na din ang mga dati kong kalaro dahil may mga bago na akong kaibigan. I love living in the city. Buhay na buhay ang gabi. I love parties, sleep-overs and of course flirting.
Sa totoo lang napilitan lang akong umuwi ng Batangas. Nasa Bohol kasi sina Papa kaya ako na lang ang pinauwi para umattend ng birthday party ni lola. Six years na din noong huli akong dumalaw dito. Halos wala na akong kakilala at may mga asawa na ang mga kalaro ko dati. Huminto muna ako sa tabing daan para bumili ng buko pie. Bilin kasi ni Mama. Dumaan ako sa isang flower shop para bumili ng rosas para kay lola. Kailangan ko ng regalo dahil ilang oras lang ako magstay sa celebration.
Pumasok ako sa isang maliit na daan patungo sa bahay ni lola. Nakakatuwang pagmasdan ang pantay-pantay na taas ng punong mangga sa daan. Humahalimuyak sa daan ang aroma ng kapeng barako. Kakaliwa na sana ako sa may kanto pero napatda ang tingin ko sa isang babaeng naglalakad sa may daan. Nakakabighani.
Pumutol ako ng isang rosas sa kumpol ng bulaklak na ireregalo ko kay lola at bumaba ng kotse. Hindi ko palalampasin ang pagkakataon. "Miss! Miss nahulog mo yata!" sigaw ko.
Lumingon siya. Napamura ako. Nakakabaliw ang kanyang appeal. Nangatog ang mga tuhod ko sa tingin niya.
"Huh? Hindi yan sa akin, wala naman akong dalang bulaklak," tugon niya.
"Hindi ba?" Tumakbo ako papalapit sa kanya. "Sa'yo na lang. Wala pala nagmamay-ari nito."
"Ano naman gagawin ko d'yan?" Nagpatuloy ang babae sa paglalakad.
"Iuwi mo o kaya dahil mo sa simbahan, ilagay mo sa altar." Naglakad ako ng paatras. Pinipilit kong harangan ang kanyang daan.
"Ngayon lang kita nakita dito? Bagong lipat lang kayo?"
"Matagal na kami dito. Dito na ako tumanda."
"Hindi ka naman matanda e. Ganda mo nga e. Anong pangalan mo baka pamilyar sa akin."
"Tigilan mo nga ako, Paco." Nagulat ako. Kilala nya ako. "Nagmamadali ako. Saka na lang tayo mag-usap."
"Kilala mo ako? Kilala mo ako? Anong pangalan mo?"
"Ewan ko sayo!" Tumakbo papasok ng bakuran ang babae.
Naiwan akong nakangiti habang hawak ang isang pirasong rosas. Nahiwagahan ako sa kanya. Matagal na akong wala sa Batangas pero kilala niya pa din ako. Binalak ko hanapin muli ang babae pero hindi ko na nakita. Ang balak kong ilang oras ng Batangas mukhang aabutin ng ilang araw.
"Lola, kaninong bahay iyong berde sa may kanto?" Hindi ako mapakali. Baka may makukuha akong impormasyon kay lola.
"Kay Stella."
"May asawa na po ba siya?"
"Jusmiyong bata are, interesado ka sa kanya? Hindi ko alam na ang taste mo eh pangsikwenta anyos!"
"Haha! May anak po ba siyang babae?"
"Oo. Bakit ka ba tanong ng tanong? Hindi mo ba kilala si Stella. Kalaro mo ang mga anak niya dati."
"Kalaro? Sino?" Napakamot ako ng ulo.
"Si Cocoy at Gemma."
"Gemma? Wala naman akong kalarong Gemma?" Kinulit ko si lola hanggang kusina.
"Kalaro mo iyon! Yung may dalang monay palagi para makipaglaro kayo sa kanya."
"Si Buninay?"
"Buninay na kung buninay. Basta anak siya ni Stella."
"Salamat lola."
Hindi muna ako umalis ng Batangas. Tinamaan ako. Hindi pumasok sa isip ko na sa isang taga Batangas din titibok ang puso ko. Sinigurado ko munang si Gemma at ang babaeng kausap ko ay iisa. Noong mga bata kami hindi ko siya pinapansin. Makikipaglaro lang ako sa kanya kapag kasama niya si Cocoy. Buninay ang tawag ko sa kanya noong mga bata pa kami.
Bumilang pa ng mga araw ang pangungulit ko kay Gemma. Nakalimutan ko na ang buhay ko sa Manila. Masaya akong bumubuntot sa kanya. Kahit sinusupladahan niya ako, nakikita ko pa din syang ngumingiti. Dinalhan ko ulit siya ng bulaklak pero hindi pa din niya tinanggap.
"Buninay!" Hindi siya lumingon. "Gemma!"
"Bakit mo ba ako sinusundan?" tanong nya.
"May atraso ka pa sa akin," pagbibiro ko.
"Atraso? Wala. Hindi kasalanan ang pagtanggi sa bulaklak."
"Hindi iyon. Nasaan ang saranggola ko noong umalis ako dito?"
"Paco tagal na non. Ako nga ang nagtago, sa katagalan nasira na iyon."
"Bakit ba ikaw ang nagtago? Pwede naman si Cocoy."
"Eh Gusto ko lang. Pakialam mo ba?"
"Pakialam daw oh? Bakit may ganito pa?" Ipinakita ko ang bigay niyang bracelet sa akin. Sabi ni Cocoy noong paalis na kami na si Buninay ang nagtago ng saranggola kapalit ng bracelet niyang gawa sa straw. Ibabalik nya lang daw ang saranggola kapag umuwi ulit ako ng Padre Garcia. Buti na lang nakatago pa ang mga gamit ko sa bahay ni lola. "Iclaim ko ang saranggola ko. Maganda ang panahon ngayon mukhang masarap magpalipad."
"Sira na yon Paco. Bumalik ka na ng Manila para hindi mo ako maabala."
"Pinapaalis mo na ako Buninay?"
"Gemma hindi buninay! Oo, lumayas ka na. Nagsisikip ang mundo ko."
"Ayaw mo nun? Dalawa lang tayong umiikot sa mundo. Sweet." pang-aalaska ko pa.
"Tigilan mo nga ako. Hindi mo ako mabobola.
Hinila ko si Gemma. "Halika! Samahan mo muna ako gumawa ng saranggola."
"Ayoko!"
"Saglit lang naman. Tapos paliliparin natin."
"Huwag mo na akong pilitin Paco."
"Masaya 'to." Hinawakan ko ang kamay ni Gemma. "Pagbigyan mo na ako. Gusto kong makasama ka. Kahit di ka magsalita basta alam ko katabi kita."
Pumayag si Gemma sa gusto ko. Naging madalas kami sa kubo sa may palayan pero bago siya pumayag kailangan ko muna lagi siyang pilitin. Hindi ko inakala na ang batang ayaw kong kalaro dati at madalas kong iwasan ay hinahabol-habol ko ngayon. Umiiwas kasi ako sa mga tukso ng mga kalaro ko noon dahil laging siyang nakabuntot sa akin. Buninay kasi itinuring ko siyang sakit sa balat dahil parang buni kung makadikit at ang nay naman ay galing sa monay.
"Gemma, tara!"
"Ayoko!" Alam kong lagi siyang tatanggi pero sa huli ay pumapayag din naman siya. "Saranggola na naman, wala ba tayong ibang gagawin?"
"Gusto mo bahay-bahayan? Pwedeng ako ang tatay at ikaw ang nanay." Binigyan ko siya ng malikot na ngiti.
"Ano ka bata?"
"Oh di seryosohin natin. We can live together."
"Ayoko! Hindi kita boyfriend at ayoko din sayo."
"Problema ba iyon? Gawin mo akong boyfriend. Hindi naman ako tatanggi."
Kay Buninay umikot ang aking araw. Nakuha ko ang loob ng mga magulang niya at binigyan pa ako ng tips para mapalapit ng husto kay Gemma. Kahit lagi akong natatarayan, alam ko masaya na din syang kasama ako.
"Sara talaga ng hangin dito."
Tahimik lang si Gemma. "May gusto sana akong sabihin pero...."
"Sabihin mo na. Makikinig ako."
"Hindi na siguro kailangan Paco."
"Huwag ka ng mahiya. Close na tayo di ba?" Presko ang dating ko kay Buninay pero natutuwa akong asarin siya kaya pinanatili ko ang ganoong imahe.
"Ayoko! Para ano pa?"
"May galit ka ba sa akin kaya lagi mo akong nirereject?"
"Six years ago, nakatayo ako sa harap mo." Hindi ako makapagsalita.
"Gem? I am sorry. Nagmamadali kaming umuwi noon." Six years ago, may babaeng nakatayo sa may hagdanan ng bahay ni lola. Nakangiti siya sa akin habang nakakunot naman ang noo ko dahil hindi ko siya mamukhaan.
"Natatandaan mo na? Masakit para sa akin iyon kaya sinira ko ang saranggolang itinago ko ng ilang taon."
"Itinago mo talaga? Hayaan mo akong bumawi ngayon?"
"Paano? Aalis na ka naman ulit dito di ba?"
"Oo. Kailangan e."
"Iiwan mo ulit ako. At itatago ko na naman ang saranggola mo at maghihintay ulit sa pagdating mo? Sawa na ako."
"Hindi. Makinig ka muna. Please!"
"Ayoko ng umasa Paco. I'm sorry."
Hinayaan ko siyang malungkot para makakuha ako ng timing. "Aalis ako dahil kailangan kong sunduin ang mga magulang ko."
"So?"
"Susunduin ko sila para mamanhikan kay Buninay."
Kinurot niya ako. "Manligaw ka muna!" Gumuhit ang ngiti.
"Ayoko. Baka makatanggi ka pa." Niyakap niya ng mahigpit.
-end-
---
plain story. igawa ko lang daw ng kwento ang bayan namin.. para malaman ng tao na nag-eexist ang padre garcia sa mapa.