Sinubukan kong kausapin si Jane pero hindi niya ako pinapasok sa loob. Outside de kubo na agad ako kaya imposible ang iniisip nina Daddy na mabigyan ko sila ng apo. Naisipan ko na lang pumunta sa cottage kung saan kami magkikita nina Mommy. Idinahilan ko na nagpapahinga pa si Jane kaya hindi ko kasama. Tumulong na lang ako sa paghahanda ng cholesterol-rich na pagkain.
"Tawagin mo na si Jane, kakain na tayo," utos ni Mommy.
"Kayo na lang Mommy, may uling ang kamay ko baka madumihan ang knob. Alam nyo naman si Jane, maselan." palusot ko na lamang para hindi mahalata ang gusot na namamagitan sa aming dalawa ni Jane.
"Oo nga. May sasabihin pati ako kay Zoilo. Usapang lalaki ito kaya doon ka muna," sang-ayon sa akin ni Daddy na may malikot pa ding ngiti.
"Aarte n'yo!" padamog na umalis si Mommy.
Habang hinihintay namin ang pagbalik ni Mommy mabilis naming inihanda ang hapunan. May ilang bagay na ibinahagi sa akin si Daddy tungkol sa sekreto ng magandang pagsasama. Unang una, magpanggap na pagod para libre ang masahe at maiwasan ang sangkatutak na utos. Magandang technique daw ito para makatipid ng enerhiya at madaling malaman kung galit ang babae o kailangang na ng serbisyo. Pangalawa, hulihin ang kiliti ng babae para kapag may ginawang kasalanan madaling lusutan. Sabi ni Daddy, madaling magpatawad ang babae kung nature na ng lalaki ang pagiging sweet. Kahit mukhang asero pa ang asawa, lalambot ang puso nito kung reregaluhan ng bulaklak ng kasing presyo ng isang sako ng bigas. Pangatlo, matutong tumitig sa mata ng kausap hindi lamang para maging sweet kundi para hindi mabuking na hindi interesado sa idinadakdak ng babae. Kariwanan na sa babae ang magkwento kahit hindi naman nakakarelate ang kausap. Ang mahalaga lang sa kanila ay magkaroon ng outlet ang kanilang nadarama kaya kahit salitang intsik na si Mommy dilat pa din si Daddy. Pang-apat, maging honest para kung may uungkating bagay hindi sasablay ang mga alibi. Mas mabisa daw ang mga alibi kung base ito sa katotohanan para kung may mainterview ng taong involve mawawala ang padududa. At panghuli, mag-aral ng magagandang adjectives para idescribe ang babae para kung may hihilingin madaling pagbigyan. Mas magiging maayos daw ang pagsasama kung sinasabihan palagi ng magandang salita ang babae para mas malaki pa sa bibig ni Mc Donalds ang ngiti para kung may kailangan sa asawa ay madaling makukuha.
Matapos ilahad ni Daddy ang sekretong dapat ilihim habang buhay, iniabot niya sa akin kapirasong papel. Nakabalot pa ito sa isang plastik. Napangiti ako. Sa isip ko, ang papel ang napapabalitang agimat ng salinlahi ng mga Zoilo. At naisip siguro ni Daddy na ito na ang tamang panahon para isalin sa akin. Pero nangangarap lang ako, bill lang pala ng resort.
"Anak anong nangyari kay Jane? Bakit parang tulala?" pabulong na tanong ni Daddy. Ngumiti lang ako. "Hanga na ako sa'yo anak, hindi pa lumalalim ang gabi pinagod mo na agad."
Muntik na akong matawa sa sinabi ni Daddy. "Kain na nga lang kayo Dad."
"Hoy kayo! Bulungan kayo ng bulungan dyan. Kumain na nga lang kayo," sermon ni Mommy. "Jane, kain ka pa."
"Salamat po. Parang wala po akong gana," mahinang tugon ni Jane.
"Gusto mong ihatid na kita sa kwarto?" tanong ko naman agad.
"No. Just eat." maikling sagot ni Jane.
"Concern lang ako. Alam mo namang lab kita," wika ko na may halong pang-aasar.
"Hija, may ginawa bang masama sa'yo si Zoilo? Huwag kang matakot kaya kong pagbuhulin ang dalawang yan."
"Oh ba't nadamay naman ko?" singit ni Daddy na muntik mabulunan sa hawak na paa ng manok.
"Wala naman po. Napagod po siguro ako sa pagtatampisaw kanina sa dagat. Sobrang excited po kasi ako."
"See! Mommy, wala akong ginawang masama sa kanya. May ginawa pa nga ako sa kanya e." Inilabas ko ang ilang piraso ng kabibe na ginawang bracelet. "Regalo ko."
"Yabang mo! Ginawa mo yan? Tinda yan noong bata kanina!" Patay buko na naman. Akala ko masama ang pakiramdam niya pero kapit pa din sa mukha ko ang sigaw niya.
Pakatapos kumain, kami ulit ni Daddy ang naiwan para maglinis. Mas pinili ni Daddy ang maiwan para maisakatuparan ang balak niyang panonood ng mga nakabikini habang kasama pa ni Jane si Mommy sa dalampasigan. Sinamahan ko naman si Daddy para naman hindi masyadong mapagod ang kanyang mata. Inenjoy namin ang paligid habang tumatagay ng whisky na regalo kay Daddy noong nakaraaan fiesta.
Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na kausapin si Jane. Pumasok ako sa kubo noong makaramdam ng hilo. Mahirap maunahan ni Jane at baka maging outside de kubo na naman ako. Palibhasa hindi sanay ang sikmura ko sa mamahaling alak, bumigay agad ang bahay alak ko. Nakatulog ako.
Nakaramdam ako ng ilang kaluskos. Naalimpungatan ako mula sa aking pagkakaidlip. Alam ko si Jane ang gumawa ng ingay. Ilang kurap pa ang ginawa ko bago ko makita kung naasan siya.
"Wow pink!" sigaw ko.
"Shit! Damn you! Bastos! Manyak!" sigaw ni Jane.
"Wala akong nakita. Binibiro lang kita." Natatawa ako sa itsura niya habang binabalot ng tuwalya ang sarili. Kung tutuusin halos walang pagkakaiba ang panty sa suot niyang two piece kanina kaya nagtataka ako kung bakit ganoon na lang ang reaksyon nya kung may nakita man ako. "May banyo naman bakit dyan ka nagbibihis?"
"Nasa labas ang banyo, tinatamad na akong lumabas!"
"Don't worry hindi ko naman nakita na pink yan. Hula lang yon."
"Its not pink, pervert! Don't talk to me and don't ever say na you love me. Naiirita talaga ako kanina!"
"Ok. Goodnight." Hinayaan ko lang siyang manggalaiti sa galit. Natatawa ako sa itsura nya. Kahit napapapikit na ako, napapangiti pa din ako. "Yellow pala di pink."
"I hate you! I hate you Loi!" Nagtakip siya ng kumot pagkatapos umasta na parang bata.
Pingatawanan ni Jane ang galit sa akin. Pinalipas niya ang isang linggo na hindi nagpaparamdam sa amin. Idinadahilan niya kay Mommy na busy siya sa processing ng kanyang visa. Kapag dumadalaw naman ako sa bahay nila hindi siya lumalabas palaging katulong lang ang humaharap sa akin.
"Sorry Loi, ayaw kang kausap ni Jane."
"Pasabi na lang po na babalik pa din po ako."
Sinubukan ko siyang tawagan pero hindi naman niya sinasagot ang mga tawag ko. Pinalipas ko pa ang ilang araw para palamigin ang sitwasyon. Mas maayos na din siguro kung hindi ko tuluyang ilalapit ang loob ko kay Jane dahil alam kong wala namang patutunguhan.
"Aling Mameng may naghahananap ng bahay nyo sa may labasan!" wika ng isang usisera sa kalye.
"Sino daw? Bakit?" pagtataka agad ni Mommy.
"Hindi ko po alam. Mukhang parak!"
"Zoilo! Ang Daddy mo?" baling sa akin ni Mommy na tila nababalisa.
"Ipinapasyal po si Gibo," tugon ko naman. "Bakit po ba?"
"Tawagin mo! Mamaya na kamo ipasyal ang aso." Lumabas ako ng bahay para hanapin si Daddy. Hindi naman ako nahirapan dahil halos isang kanto pa ang nalalakad nila. Pag-uwi namin ng bahay, umandar na ulit ang bibig ni Mommy.
"Tres! Nagbayad ka ba ng buwis? Umamin ka nagsabong ka na naman," giit ni Mommy.
"Paano ako magsasabong wala naman akong manok?"
"Pilosopo! May naghahanap daw na parak sa atin sa labasan. Binayaran mo ba ang buwis ng tindahan o nagsabong ka na naman. Umamin ka na!" Bumaon sa braso ni Daddy ang bagong manicure na kuko ni Mommy.
"Tao po! Magandang araw po." tawag ng pamilyar na boses mula sa labas. Natigilan si Mommy. "Nandyan po ba si Loi?"
"Ah eh. Nandito po." Huminahon bigla si Mommy at tumiklop noong makakita ng nakauniporme. "Ano po bang maipaglilingkod ko sa inyo?"
"Mommy, siya po ang tatay ni Jane," singit ko. Napawi ang namuong tensyon sa loob ng bahay. "Pasok po kayo."
"Anak, this is it. Buntis na yata," bulong ni Daddy.
"Upo po kayo. Ano po bang kailangan n'yo sa anak ko?" pakumbaba ni Mommy.
"May utang po sa akin si Loi." Utang? Wala akong natatandaang humiram ako sa kanya ng pera. Inaamin ko marami akong nakaing brownies pero bigay iyon sa akin ni Jane. Isang beses lang naman ako nagpuslit ng isa pauwi.
"Magkano po?" singit ni Daddy.
Umiling ang kausap ni Daddy. "No. Hindi pera. Chess game. May ipinangako siyang rematch sa akin," nakangiting wika niya.
"Ay oo nga po wala. Doon po tayo sa may kubo para maaliwalas." Naalis ang kaba sa dibdib ko akala ko may atraso na ako sa kanya.
"Kukuha muna ako ng maiinom," si Mommy.
Ipinuwesto ko ang mga puting piyesa. Una akong tumira gamit ang paborito kong spanish opening. Pinanatiling kong maganda ang bawat tira. Pinaatake ko ang piyesang hugis kabayo. Pero hindi naging madali ang mga sumunod pang galaw. Iba ang mga galaw niya kumpara noong una kaming nagharap. Mahirap hulaan ang susunod na tira kaya nagcastling muna ako para maiwasan ang pagkasira ng aking opensa. Nanganib ang aking kabayo.
"Bata, nasaan na ang pangako mong iingatan mo ang reyna?" wika niya matapos alisin sa chess board ang aking kabayo. "Napapansin kong nababagabag ang anak ko. Anong problema Loi?"
"Tutuparin ko po ang pangako ko. Magiging maingat po ako. May natitira pa pong isang knight." Iniaangat ko ang bishop para protektahan ang pag-atake ng queen. "May kaunting tampuhan lang po kami ni Jane."
"Para hindi mabuwag ang isang kaharian, dapat mong isipin ang bawat piyesa. Saka mo lang makikita ang importansya nito kapag wala na." Hindi ko alam kong anong tinira ng tatay ni Jane sa lalim ng mga sinabi nya. "Checkmate."
Kinamayan nya ako matapos ang laro. "Nagpatalo lang po yata kayo noong una nating match."
"Hindi Loi. Mahirap ka ding kalaban. Hihintayin kita bukas sa bahay. Tabla na tayo ngayon, finals bukas."
"Makakaasa po kayo." Nagkaroon ng pag-asa para makaharap ko si Jane. Gagayahin ko ang ginawa niyang pakikipagclose kay Mommy. Palagay ko, nasa panig ko ang kanyang ama.
itutuloy...
----------
para informed sa updates pafollow naman sa fb : tuyong tinta ng bolpen
para daw sa mga taga DOHA ito na nagbabasa ng blog ko during office hours. haha