Tinanggap ko ang hamon ng daddy ni Jane tutal wala naman mangyayari kung makikipagmatigasan ako kay Jane. May dahilan na ako para dumalaw sa bahay nila at kung may pahihintulutan, gusto ko siyang makausap ng masinsinan. Malaking bahagi ng pagkatao ko ang binago ni Jane mula sa itsura hanggang sa pananaw. Kaya bumalik sa pagiging static ang buhay ko noong mga araw na hindi na siya dumadalaw sa bahay.
"Nakakamiss naman si Jane," mangiyak-ngiyak pang wika ni Mommy sa akin habang hawak ang mga pictures nila noong swimming. "Sabihin mo dumalaw siya dito."
"Kapag po nandoon siya sasabihin ko agad."
Pumasok ako ng banyo at hinayaan kong dumaloy ang tubig sa aking katawan. Pumikit ako at nag-isip. May ilang minuto ako sa ganoong sitwasyon. Gusto kong maging manhid ang aking pagkatao. Nalilito ako sa mga nangyayari. Pilit kong inaalis sa aking sistema si Jane dahil alam kong walang patutunguhan ang pinasok namin. Pero hinahanap-hanap ko ang mga sandaling magkasama kami. Masaya akong katext ang mga bagong kakilala ko pero sa pagsapit ng gabi bumabalik sa alaala ko si Jane. Anak ng pagong, namimiss ko siya.
Hindi ko alam ang dahilan ng galit niya kaya hindi ko alam kung saan bagay ako dapat humimingi ng paumanhin. Kung tutuusin walang masama sa pag-amin ko na wala ng pagpapanggap sa panig ko, mas maluwag sa dibdib ang katotohanan. Nagtataka ako sa mga taong mas pinipiling sumama ang loob kaysa daanin sa magandang usapan ang lahat. Tama, minsan kailangan ng panahon para mag-isip pero ang iwasan ang isang tao para takbuhan ang isang gusot ay napakalaking kalokohan.
"Zoilo! Magtipid ka nga ng tubig!" sigaw ni Mommy mula sa labas ng banyo.
Bigla akong natauhan sa sigaw ni Mommy. Masyado yata akong naging seryoso nitong mga nakaraan araw. Paglabas ko ng banyo bumalik na ang dating Zoilo. Haharap ako kay Jane tulad noong una naming pagkikita. Si Zoilo na nakasalamin at mala-Rizal na hair style na pwedeng magzipline ang mga langaw.
Bago ako umalis kinausap muna ako ni Daddy. May mga tips daw na dapat akong tandaan para hindi mawala ang tamis ng pagmamahalan. Huwag na huwag ko daw kalimutan magnakaw ng halik sa minamahal. Kakaiba daw ang stolen kiss dahil may dala itong kilig sa girlfriend. Payo niya, ililihis ko muna ang atensyon ni Jane sa ibang bagay saka ko isagawa ang pagnanakaw ng halik. Sumunod, maging mapagmasid ako sa mga pagbabago kay Jane dahil karaniwan na sa isang babae ang natutuwa kapag nakikita ang bago sa kanila kaya kahit mukhang basahan purihin pa din. Value her more than anything else.
"Balitaan mo ako anak kung mabisa ang turo ko," pilyong wika ni Daddy. "Huwag mong bibiguin ang lahi ng Zoilo!"
Nakangiti akong umalis ng bahay dahil sa mga diskarteng gustong ipagawa sa akin ni Daddy. Umaga ang usapan namin ng Daddy ni Jane pero halos magtatanghali na akong dumating. Sa totoo lang, sinadya kong hindi sumunod sa oras. Kwento sa akin ng Daddy ni Jane, may meeting siya after lunch kaya kung mahinto ang laro may dahilan pa ako para bumalik.
"Pasensya na po kung late ako, may ipinagawa pa po sa tindahan," palusot ko. Iniikot ko agad ang mata ko sa loob ng bahay. Hinanap ko ang aking pakay.
"Tuloy ka hijo, medyo mahaba pa naman ang oras kaya makakapaglaro pa tayo," wika niya. "Kukunin ko muna ang board sa taas."
Nilibang ko muna ang aking sarili sa mga nakakalat na magasin sa sala. Isa lang ang ibig sabihin nito, kapag makalat sa sala nandito si Jane. Naalala ko tuloy ang reaksyon ni Jane noong gabing nagbibihis siya. Halos isumpa niya ako sa galit. Natatawa tuloy ako. Sa totoo lang, hindi ko naman siya nakita sa aktong nagbibihis. Natripan ko lang siya lokohin. Sinabi ko lang na pink ang undies niya para magulat siya at malaman niyang gising ako bago may gawin pang iba. Hindi ko naman balak siya bosohan. Saka ko lang naman nasabi na yellow ang suot niyang undies nang makita ko ang garter noong tumungo siya para pulutin ang mga gamit niya sa sahig.
"Hey! Pervert! What are you doing here?!" sigaw sa akin ni Jane. Inilapag niya ang hawak na brownies sa mesa saka muli akong pinag-initan. "Kapal din naman ng mukha mong pumunta dito?"
Natakam ako sa brownies kaya hindi muna ako nakapagsalita. Parang nagsusumigaw ang brownies na kainin ko siya. "Pinapunta..."
"Lumayas ka sa harap ko!" Sinunod ko siya pero mabagal lang ang lakad ko. Hinintay kong dumating ang daddy ni Jane para pigilan ako. "Don't ever come back!"
Nang makita kong pababa ng hagdan ang daddy nya saka ako lumabas ng pinto. "Pasabi na lang sa daddy mo umalis na ako." Napapangiti ako sa ginawa kong acting na pwede bigyan ng award sa famas. Marahan pa din akong lumakad palabas pero lumaki ang tenga ko sa mga nadidinig ko sa loob ng bahay.
"Jane nasaan si Loi?" tanong ni Daddy niya.
"He just left," pagsisinungaling ni Jane. "Sabihin ko daw na aalis na siya."
"Umalis o pinaalis mo?"
"Bakit ba siya nandito?"
"May laro kami. Bisita ko siya kaya di mo dapat siya binabastos. Sunduin mo, di pa nakakalayo iyon."
"Dad!" Padabog na sagot ni Jane.
"Jane? Susunduin mo o grounded ka?" Pumapalakpak ang tenga ko sa mga nadidinig ko. Lahat umayon sa plano ko.
Noong naramdaman kong palabas ng bahay si Jane nagtago muna ako para naman mahirapan siya. Makabawi man lang ako sa panlalait niya sa akin.
"Dad he's gone." Pumasok muli si Jane ng bahay. Im gone daw? Heto ako't malakas pa.
"Pambira! Grounded ka talaga kapag nakita ko si Loi." Tumakbo ako papunta sa kalsada at pakunyaring nag-aabang ng tricyle. Tumalikod ako para magpretend na hindi ko alam na hinahanap nila ako. "Loi! Loi! Loi! Hijo!"
"Bakit po?" painosenteng tanong ko. "Akala ko po hindi na tuloy ang laro natin."
"Papasensyahan mo na si Jane." Hinawakan niya ako balikat at pinapasok sa loob. "Grounded ka Jane, di ka pwedeng lumabas sa ugali mong yan!"
"Dad? Hindi ko siya nakita, promise," katwiran ni Jane. Varsity din ako ng hide and seek kaya hindi nya talaga ako makikita. "Loi, pinagtaguan mo ba ako?"
"Ha? Nasa may kalsada lang naman ako," kakamot-kamot na depensa ko. Grounded si Jane kaya kung dadalaw ako siguradong nasa bahay lang siya. "Medyo malayo na lang siguro ako kaya di mo napansin."
"Oh laro na tayo Loi." Inayos niya ang piyesa. Kanya ang puti. "Jane kumuha ka ng merienda."
"CR po muna ako." Sinabayan ko si Jane sa paglalakad.
"Dahil sayo grounded ako!"
"Sorry! May paraan naman para makalabas ka e."
"Walang paraan kapag sinabi nya, yon ang masusunod."
"Sabihin mo ako ang kasama mo." Tulad ng dati para makalabas ako ng bahay si Jane ang idinadahilan ko.
"Sa bahay na lang ako!" Inirapan ako ni Jane.
"Ok, pero try mo i-consinder."
"Never! Akala ko ba sa CR ka ba't andito ka sa kusina?"
Umupo ako sa ibabaw ng lababo para abalahin si Jane sa ginagawa niya. "Bakit ka ba nagagalit sa akin? Pwede naman natin ayusin ang lahat."
"Natin? Wala ng natin Loi. Sinira mo na lahat.."
"Lahat? Walang masama sa ginawa ko Jane. Ang pagsasabi ng katotohan ay hindi naging masama. Tinulungan kita magmove-on sa alam kong paraan, sinunod ko ang mga gusto mo at higit sa lahat hinayaan kitang pasukin ang personal kong buhay. So anong sinira ko? Hindi ka ba naging masaya? Nasasaktan ka pa din ba hanggang ngayon?"
"Shut up! Please! Hindi mo maiintindihan ang damdamin ko." Iniwan niya ako sa kusina. Tama, hindi ko talaga siya maintindihan.
"Hindi ka ba naging masaya?" pahabol ko pa.
Naupo ako sa harap ng daddy niya. Sinimulan kong igalaw ang itim na piyesa. Puro depensa lang ang naging galaw ko. Isang maling tira siguradong talo ako. Napapailing ako nang muling makain ang knight ko.
"Napapansin ko, masyadong nakasentro ang laro mo sa knight," puna niya sa akin.
"Paborito ko lang po gamitin sa opensa at depensa."
"Ganoon ba, kaya pala hindi mo namamalayan na nasa panganib na ang bishop mo." Tumingin ako sa aking bishop. Naloko na. Wala ng gagalawan. Iniangat ko na lang ang pawn para hindi tuluyang masira ang laro ko.
"Mukhang tagalid na ang laro ko sir."
"Sumusuko ka na ba? Kahit nasa alanganin, be positive palagi. Dapat alerto ka at maingat sa mga sunod na kilos mo."
May katwiran ang mga sinabi niya. Hindi dapat ako sumuko kahit ilang beses akong i-reject ni Jane. Mahalaga magkaayos kami. Kahit hindi namin maibalik ang dating sitwasyon ang importante walang sama ng loob na namamagitan sa amin.
"Hindi ako susuko." Nagcastling ako para maitago ang aking king at para magamit ko sa opensa ang ibang piyesa.
"Oh wait, may tatawagan muna ako Loi. Please excuse me."
Nagrelax muna ako at pinag-aralan ang pwesto ng mga piyesa. Nag-isip ako ng pwedeng itapat sa mga galaw niya. Intact ang kanyang depensa kaya mahirap pumasok sa loob.
"Jane hija, halika." tawag ng daddy nya. "Kailangan ko ng umalis. Asikasuhin mo muna si Loi."
"Ingat kayo Dad." Napangiti ako. Ito ang hinihintay kong pagkakataon.
"Loi, sa ibang araw natin ituloy ang laro. Tabla muna tayo ngayon."
"Sige po. Anytime sir."
Kumuha muna akong brownies dahil alam kong ipagtatabuyan na ako ni Jane kapag umalis na ang kanyang daddy. Nakahinga ako ng muluwag dahil hindi agad natapos ang laro. Ibig sabihin babalik pa ako dito.
"Ingat Dad!" pahabol ni Jane sa ama.
Gumawa ako ng hakbang para makuha ang atensyon ni Jane pero lagi lang siyang sumisigaw. Humingi na ako ng paumanhin pero nanatili siyang galit sa akin.
"Jane," tawag ko sa kanya.
"What?!"
"Namimiss ka na ni Mommy." Tumayo na din ako ng upuan dahil alam kong walang mangyayari kung mananatili pa ako doon. "Aalis na din ako."
"Good. Bukas ang pinto. Kung maglalaro kayo ulit ni Dad sana hindi na dito."
"Sige." Lumakad ako patungo sa pintuan. "Nga pala, kung ito man ang huli kong punta dito gusto ko sanang sabihin na masaya akong nakilala kita."
Lumakad ako palabas ng bahay. Tumingala ako at pinagmasdan ng matagal ang bahay nina Jane. Kung muling mag-imbita ng chess match ang daddy ni Jane siguro mas mabuting sa bahay na lang namin. Mas maayos na din na kalmado ako tuwing naglalaro.
Lumabas na ako ng gate at mas pinili kong maglakad kaysa sumakay ng tricycle. Paborito ang maglakad. Nalalaman ko kung gaano ako kagaling o katanga sa buong araw. Siguro malas lang talaga ako ngayon. Hindi bale, babawi na lang ako sa susunod.
Nakauwi na ako ng bahay saka ko napansin na may message pala sa aking cellphone. Si Jane.
"Loi! namiss kita. Mahirap ka palang tiisin." Napangiti ako. Biglang nagbago ang ihip ng hangin. "Balik ka please!"
itutuloy...
------------------
pasensya kung delayed. madaming akong tinatapos na report.