"Gutom na ako Pepot," lahad ni Andoy sa kaibigan. Ilang minuto na lang ay alas dose na ng tanghali. Tubig lang ang laman ng tiyan ni Andoy mula pa kaninang umaga.
"Naku wala din ako delihensya e. Hindi pa ako napapadaan sa karinderya. Nasaan na ba ang nanay mo?" naaawang tanong ni Pepot.
"Hindi ko alam. Nasa trabaho pa siguro."
"Andoy may tao! Hayun oh, sumisilip sa bintana nyo!"
"Sino kaya iyon?" Naglakad pabalik ng bahay si Andoy. Madalas ay nasa tabing kalsada siya para hintayin si Pepot. May pagkakataon kasing naaambunan siya ng pagkain kapag nakakaextra ang kaibigan sa mga karinderya. Kung sinuswerte, isinasama siya ni Pepot para maging tagahugas ng plato o di kaya ay tagaigib ng tubig.
"Nasaan ang nanay mo?!" sigaw ng babae kay Andoy.
"Hindi ko po alam. Hindi pa po bumabalik mula kagabi."
"Sabihin mo sa nanay mong puta tigilan ang panghuhuhot sa asawa ko!" Galit na galit ang babae at halos tirisin siya nito sa galit. "Huwag na huwag siyang magpapakita sa akin at mapapatay ko siya."
Umalis ang babae matapos sigawan ang bata. Hindi makagalaw sa pwesto si Andoy dahil sa takot. Nasa gilid na ng mata niya ang luha bago pa siya nasaklolohan ni Pepot.
"Sino ba iyon, Andoy?" pag-aalaala ni Pepot. "Gusto mo reskbakan natin?"
"Hindi ko kilala. Basta na lang siya nagsisigaw."
"May nagbirthday nga pala kay Mang Efren kagabi. Hingin mo na lang ang mga bote dun at ibenta mo para magkapera at maibili ng pagkain," suwestiyon ni Pepot. "Sige, aalis na ako."
Si Andoy ay bunga ng pagbibilad ng katawan sa dilim ng kanyang inang si Carol. Wala siyang kinagisnan ama. Kulang siya sa atensyon, aruga at kaalaman na dapat ibibibigay ng isang ina sa anak. Sa kabila nito, labis pa din ang pagmamahal ni Andoy sa kanyang ina. Hinihintay niya itong umuwi kahit abutin siya ng madaling araw. Madalas napapagalitan pa siya kapag ginagawa niya iyon lalo na kapag may inuuwing lalaki ang ina.
"Mang Efren," tawag ni Andoy sa matanda. "Pwede po bang mahingi ang mga bote sa likod?"
"Oh sige. Meron pa din sa loob ng bahay kunin mo na," utos ni Mang Efren sa bata.
"Salamat po."
"Teka, namumutla ka a. Kumain ka na ba?"
"Hindi pa nga po. Hindi pa po kasi umuuwi si inay."
"Pumasok ka muna sa loob at kumain. Magbaon ka na din tutal madami pang pagkain." Inilalayan ng matanda si Andoy papasok ng bahay. "Pambihira talaga ang nanay mo oh."
Lumapit sa mesa si Andoy. Bagamat natatakam, ilang piraso lang ng ulam ang inilagay niya sa kanya plato. Nahihiya siya sa ibang batang nasa loob ng bahay.
"Mang Efren, ano po ba ang puta?" inosenteng tanong ni Andoy. Tumanim sa mura niyang isip ang sinabi ng babae kanina sa harap ng bahay nila.
"Anong klaseng tanong yan? Saan mo natutunan yan?"
"Sinabi po kasi noong babae kanina na puta ang nanay ko. Ano po ba iyon?"
Hindi alam ni Mang Efren kung paano ipaiintindi sa bata ang trabaho ng kanyang ina. Masyado pang bata si Andoy para malaman ang kamunduhan. "Huwag mo ng masyadong isipin iyon Andoy."
"Bakit po? Ano po bang masama sa puta? Sinisigawan niya kasi ako kanina," usisa pa din ng bata. "Puta daw po ang nanay ko at nanghuhuhot ng pera."
Napilitan si Mang Efren na sagutin ang tanong ng bata. "Ang puta ay mga babaeng nagbibigay ng panandaliang aliw kapalit ng pera."
"Kaya pala inakusahan niya si inay na manghuhuhot. Magkano naman po ang bayad?"
"Naku, kumain ka na lang bata ka. Tapos kunin mo ang mga bote sa kusina."
Kilala si Carol sa kalakalan ng laman sa kahabaan ng Crossing sa Calamba. Maganda, maputi at balingkinitan ang katawan kaya madali siyang makaakit ng lalaking hayok sa laman. May pagkakataon din na matumal ang transakyon lalo na kapag naglipana ang pulis sa lugar. Kinakailangan pang dumaan sa bugaw na makikihati pa sa kanyang kita.
"Boss, pwede ka?" tanong ni Carol sa isang lalaking nakatambay sa isang kilalang fastfood chain sa lugar. "Five-fifty lang."
"Totoo ba yan?" Tukoy ng lalaki sa dibdib ni Carol na nagsusumigaw. "Pwedeng hawakan?"
"Bawal baka mapanis. Pwedeng kutsarahin, one fifty. Kung gusto mo tikman two fifty," paglalatag ni Carol sa presyo ng kanyang dibdib.
"Mahal naman! Singkwenta na lang. Bilasa na naman yan e." tawad ng lalaki sa kalakal.
Uminit ang ulo ni Carol sa lalaki. "Sa pagmumukha mong yan, kahit bilasa di papatol sa'yo sa singkwenta." Umalis si Carol sa harap ng kausap. "Unggoy!"
"Mukhang mainit ang ulo mo ah," pang-aalaska ni Rupert.
"Bwisit kasi iyong lalaki kanina." Nagtawa si Carol. "May yosi ka?"
Kinuha ni Rupert ang yosi sa bulsa at iniabot kay Carol. "Anong bang nangyari?"
"Tawaran ba naman ako ng singkwenta! Mukha namang unggoy. Kung gwapo siya kahit ilibre ko na e."
"Matumal ba?" Sinindihan niya ng sigarilyo sa bibig ng kausap. "Paano na ang utang mo sa akin?"
"Wala pa akong pera e." Inilabas ni Carol ang bulsa na susi lang ang laman.
"Medyo matagal na din iyon ah. Baka hindi mo na ako mabayaran niyan."
"Pwede bang ito na lang ang ibayad ko?" Kinuha ni Carol ang kamay ni Rupert at ipinatong sa kanya harap. "Mahal pa ito kasi ikaw ang una."
Ngiti lang ang naging tugon ni Rupert. Pumayag siya sa alok ng babae dahil alam niyang imposible ng makabayad sa utang si Carol. Sumakay sila ng tricycle at nagpalipas ng oras sa malapit na apartel.
"Pambihira ka Carol! Hindi ko alam na mas maingay ka pa sa nanganganak na baboy."
"Enjoy na enjoy ka nga e!" Tumawa ng tumawa si Carol. "May utang ka ngayon sa akin."
"Utang? Bakit?"
"Isang round lang ang presyo ng utang ko sa'yo. Nakatatlo ka lalaking malantod," pang-aalaska ni Carol.
"Naisahan mo ako. Libre na iyon. Sa tagal ng utang mo e may interes na iyon."
"Business is business. Discount na ang isang round dahil magkakilala naman tayo." Napakamot na lang sa ulo si Rupert.
Umuwi si Carol na mainit ang ulo dahil sa tumal ng kanyang kalakal. Hindi niya pinansin ang anak dahil sa tuwing makikita niya si Andoy ay naalala niya ang lalaking minahal niya pero niloko lang siya. Isang pulis sa Calamba ang tatay ni Andoy. Hinuli siya noon ni Raffy dahil sa pagbibilad ng laman. Para makalaya ay ibinayad niya ang kanyang sarili. Naging madalas ang pagniniig nila mula noon. Nagpabuntis siya para iblackmail ang pulis at pakasalan sya. Subalit hindi umayon ang lahat sa kanyang plano. Umalis ng Calamba ang pulis matapos malaman na buntis siya.
"Inay, kumain na po ba kayo? May pagkain po sa mesa," alok ni Andoy.
"Busog ako! Matulog ka na."
"Inay."
"Lumayas ka nga sa harap ko. Peste kang bata ka!"
Inilibas ni Andoy ang perang kinita sa pagbebenta ng bote. "May pera po ako inay."
Nagbigay ng sarkastikong ngiti si Carol sa anak. Naalala niya ang lalaking sumira ng araw niya kanina. "Singkwenta? Aanuhin ko yan?"
"Puta daw po kayo inay. Magbabayad po ako kapalit ng pandaliang aliw. Para hindi nyo po ako palaging pinapagalitan." Kita sa inosenteng mata ni Andoy ang sinseridad na makuha ang antensyon ng ina. Iniisip ni Andoy ang puta ay gaya lamang ng payaso. Tagapagpasaya. Tagpagbigay ng aliw. "Tanggapin nyo na po inay."
Hindi nakapagsalita si Carol sa sinabi ng anak. Pinigilan niya ang pagpatak ng luha sa mata. Gusto niyang yakapin ang anak na para bang hindi niya nakasama ng matagal na panahon.
-end-