Skinpress Rss

random thoughts





Matagal na din pala ang huli kong ramdom thoughts.


Ilang araw na lang wala na ulit akong trabaho. Wala pa tumatawag sa mga pinasahan ko ng aking "impressive / depressive" resume. Siguro busy pa sila. Masaya naman ako sa company dahil first time kong nakaencounter ng company na masaya talaga. Walang nag-away o walang personal issue sa bawat isa. Siguro dahil puro bata (isip bata) ang empleyado.

Nakakatuwa. Sa umaga may coffee session, almusal at merienda. Tapos lunch break. Coffee session ulit. Tapos merienda ulit. Tapos coffee session ulit. Kung may mauuto na manlibre, kainan ulit. Minsan may sumisigaw dahil natalo na ang plants ng mga zombies o kaya naman kapag nasunog ang niluluto sa cafe world. Ako naman siyempre nasa blog ko. Masarap magtrabaho lalo kapag walang ginagawa kahit dapat may ginagawa.

Nagpapasalamat ako sa naging trabaho ko. Marami akong narating na lugar. Nalibot ko ang Cavite, Laguna, Batangas, Quezon, Mindoro at Marinduque. Bawat lugar may kwento. Bawat kwento may involve na tao, minsan may hayop din at may tao na asal hayop din.

Mahilig akong magbyahe. Masarap kasi matulog sa byahe pero kapag barko hindi ako natutulog kahit overnight pa dahil hindi ako marunong lumangoy.

Jeep ang madalas kong sakyan. Yung upuan sa may likod ng driver ang paborito kong pwesto. Hindi dahil paborito kong panoorin ang nauubos na buhok ng driver kundi mas komportable ako doon. Hindi kasi nahuhulog ang pwet ko at nakakatulog pa ako ng maayos kahit patuluin ko ang laway ko doon ng walang makakapansin.

Hindi ko alam kung anong meron sa jeep at doon ako madalas magkaroon ng idea para makabuo ng kwento. Siguro sa jeep ako madalas atakihin ng aking multiple personality. Minsan nakakabuo ako ng isang kwento sa loob ng seven-peso-trip.
Kanina, habang pauwi ako madami akong naiisip. Una, naisip kong maglilinis pa nga pala ako ng bahay pag uwi. Pero inisip ko lang iyon dahil tinatamad akong gawin. Pangalawa, kumuha kaya ako ng katulong kaso baka awayin ako dahil hindi ko naman naisip magbayad. Baka sabihin nya pa sa akin, "isipin mo na lang nilinis ko ang bahay." Pangathree, naisip kong bumili ng bagong sapatos dahil ayoko naman bumili ng luma. Pero gabi na pala para maghanap pa sa mall. Pangatfour, pinag-iisipan kong bumili na lang ako ng pagkain para sa dinner o magluluto na lang ako kahit pakiramdam ko ay nilalason ko ang sarili ko sa luto ko.

Madami pa akong iniisip, kaso narealize ko lampas na pala ako. Nalimutan ko pa tuloy kunin ang sukli kong tatlong piso. Sayang. Pambili na sana ng paborito kong sundot kulangot.


Kailangan ko nga palang gumawa ng resignation letter para hindi naman magmukhang pinatalsik ako.

Dear Boss,

Kapag natanggap mo ang resignation letter na ito, malamang wala na ako. Hindi dahil patay na ako kundi baka mapatay mo pa ako. Magreresign nga pala ako kasi hindi ko na maupdate ang blog ko ng maayos. Kapag kasi hindi ako nakakapag-update nagagalit ang mga followers ko. Nagpupuyat nga ako madalas para makapag-isip kaso paminsan wala talaga maisip lalo na kapag nakikita ko si Rubi sa TV. Dahil doon baka magtampo ang readers ko. Kapag nagtampo sila baka hindi na sila bumalik para bisitahin ang blog ko. Malulungkot ako non. Ayaw mo naman akong malungkot di ga? Kasi kapag malungkot ako maaring maapektuhan ang kompanyang itinayo mo ng ilang taon. Kaya aalis na ako.

Sana maunawaan mo. Kung gusto mo akong makausap habulin mo na ako. hihi


Your resigning employee,
panjo